Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Panalangin ni Ana
2 Ganito(A) ang naging panalangin ni Ana:
“Pinupuri kita, Yahweh,
dahil sa iyong kaloob sa akin.
Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan,
sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan.
2 “Si Yahweh lamang ang banal.
Wala siyang katulad,
walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos.
3 Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh,
walang maaaring maghambog,
sapagkat alam mo ang lahat ng bagay,
ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao.
4 Ginapi mo ang mga makapangyarihan,
at pinapalakas ninyo ang mahihina.
5 Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain.
Masagana ngayon ang dating maralita.
Nagsilang ng pito ang dating baog,
at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot.
6 Ikaw,(B) O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli.
7 Maaari mo kaming payamanin o paghirapin,
maaari ring ibaba o itaas.
8 Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba,
mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay mo sila sa mga maharlika,
mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa.
Hawak mo ang langit na nilikha,
at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa.
9 “Papatnubayan mo ang tapat sa iyo,
ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan.
Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas.
10 Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot;
kapag pinapadagundong mo ang mga kulog.
Hahatulan mo ang buong daigdig,
at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.”
15 Sinabi pa rin ng Diyos kay Abraham, “Hindi na Sarai ang itatawag mo sa iyong asawa kundi Sara[a] 16 sapagkat siya'y pagpapalain ko. Magkakaanak ka sa kanya at siya'y magiging ina ng maraming bansa; may magiging hari mula sa kanyang mga salinlahi.”
17 Muling nagpatirapa si Abraham, ngunit napatawa siya nang kanyang maisip na siya'y matanda na. Nasabi niya sa sarili, “Magkakaanak pa ba ang isang lalaki na sandaang taóng gulang na? At si Sara! Maglilihi pa ba siya gayong siya'y siyamnapung taon na?” 18 At sinabi niya sa Diyos, “Bakit hindi na lang po si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”
19 Kaya't sumagot ang Diyos, “Hindi; ang asawa mong si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki at tatawagin mo siyang Isaac.[b] Makikipagtipan ako sa kanya at sa kanyang lahi magpakailanman. 20 Tungkol naman kay Ismael, ipagkakaloob ko ang kahilingan mo: Pagpapalain ko siya at pararamihin ko rin ang kanyang lahi. Magkakaanak siya ng labindalawang prinsipe, at magiging bansang makapangyarihan ang kanyang salinlahi. 21 Ngunit ang aking tipan sa iyo ay matutupad kay Isaac, na isisilang ni Sara sa isang taon, sa ganito ring panahon.” 22 Pagkasabi nito, nilisan ng Diyos si Abraham.
Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia
8 Noong hindi pa ninyo nakikilala ang Diyos, kayo'y alipin ng mga bagay na hindi totoong mga diyos. 9 Ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon? 10 May itinatangi kayong mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon! 11 Nangangamba akong baka nasayang lamang ang pagpapagal ko para sa inyo.
12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, tularan ninyo ako, sapagkat ako'y naging katulad na ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin. 13 Alam naman ninyong ang pagkakasakit ko noon ang naging dahilan kaya ko ipinangaral sa inyo ang Magandang Balita. 14 Gayunman, hindi ninyo ako itinakwil o hinamak, kahit na naging pagsubok sa inyo ang aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! 15 Nasaan na ngayon ang kasiyahang iyon? Ako mismo ang makakapagpatotoo na kung maaari nga lamang pati ang inyong mga mata'y dudukitin ninyo at ibibigay sa akin noon. 16 Ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan?
17 Pinapahalagahan nga kayo ng mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sila ang inyong pahalagahan. 18 Hindi masama ang magpahalaga, kung mabuti ang layunin at hindi kung kaharap lamang ninyo ako! 19 Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap na mabuo si Cristo sa inyo. 20 Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ang tono ng aking pagsasalita sapagkat gulung-gulo ang isip ko tungkol sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.