Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 49:8-16

Muling Itatayo ang Jerusalem

Sinabi(A) pa ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Sa tamang panahon ay tinugon kita,
    sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.
Iingatan kita at sa pamamagitan mo
    gagawa ako ng kasunduan sa mga tao,
ibabalik kita sa sariling lupain
    na ngayon ay wasak na.
Palalayain ko ang mga nasa bilangguan
    at dadalhin sa liwanag ang mga nasa kadiliman.
Sila'y matutulad sa mga tupang
    nanginginain sa masaganang pastulan.
10 Hindi(B) sila magugutom o mauuhaw,
    hindi rin sila mabibilad sa matinding hangin at nakakapasong init sa disyerto,
    sapagkat papatnubayan sila ng Diyos na nagmamahal sa kanila.
Sila'y gagabayan niya patungo sa bukal ng tubig.
11 Gagawa ako ng daan sa gitna ng kabundukan,
    at ako'y maghahanda ng lansangan, upang maging daanan ng aking bayan.
12 Darating ang bayan ko buhat sa malayo,
    mula sa hilaga at sa kanluran,
    gayon din sa lupain ng Syene sa timog.”

13 O langit, magpuri ka sa tuwa!
    Lupa, magalak ka, gayundin kayong mga bundok,
sapagkat inaaliw ni Yahweh ang kanyang hinirang,
    sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
14 Ngunit ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ni Yahweh.
    Nakalimutan na niya tayo.”
15 Ang sagot ni Yahweh,
“Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?
    Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal?
Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak,
    hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali.
16 Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan.
    Pangalan mo'y nakaukit sa aking mga palad.

Mga Awit 131

Ang Mapagpakumbabang Dalangin

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
    tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
    iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
    tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
    si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!

1 Corinto 4:1-5

Mga Apostol ni Cristo

Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. Malinis(A) ang aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. Kaya't huwag kayong humatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal.

Mateo 6:24-34

Diyos o Kayamanan?(A)

24 “Walang aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.

25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa [inyong iinumin][a] upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

28 “At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit(B) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit nang singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinadamitan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!

31 “Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. 33 Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos][b] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.

34 “Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.