Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Gawain ng mga Apostol
4 Kaya't dapat kaming ituring ng tao bilang mga tagapaglingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2 Bukod dito, inaasahan sa mga katiwala na sila'y matagpuang tapat. 3 Ngunit para sa akin ay napakaliit na bagay ang hatulan ninyo ako o ng hukuman ng tao. Ni hindi nga ako humahatol sa aking sarili. 4 Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, ngunit hindi ibig sabihin nito na ako'y walang sala. Ang humahatol sa akin ay ang Panginoon. 5 Kaya't huwag kayong humatol ng anuman nang wala pa sa takdang panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon, na siyang magdadala ng liwanag ng mga bagay na nakatago sa kadiliman, at magbubunyag sa mga hangarin ng mga puso. Pagkatapos, ang bawat isa ay magkakaroon ng papuri mula sa Diyos.
Diyos o Kayamanan(A)
24 “Walang taong maaaring maglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang pangalawa, o kaya'y magiging tapat siya sa isa at hindi igagalang ang pangalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi.
Tungkol sa Pagkabalisa(B)
25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, ni ang inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba't mas mahalaga ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa pananamit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa kanila? 27 At sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay nakapagdaragdag ng isang oras[a] sa haba ng kanyang buhay? 28 At bakit nag-aalala kayo tungkol sa pananamit? Masdan ninyo ang mga ligaw na bulaklak sa parang, lumalaki sila nang hindi naman nagpapagal ni humahabi ng tela, 29 gayunma'y sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito. 30 At kung gayon nga binibihisan ng Diyos ang damo sa parang na ngayon ay buháy ngunit bukas ay inihahagis sa kalan, kayo pa kaya ang hindi niya bihisan, kayong mahina ang pananampalataya? 31 Kaya't huwag kayong mabalisa at magtanong, ‘Ano ang aming kakainin?’ o ‘Ano ang aming iinumin?’ o ‘Ano ang isusuot namin?’ 32 Sapagkat ang mga bagay na ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 33 Subalit pagsikapan muna ninyong matagpuan ang kaharian ng Diyos at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo. 34 Kaya't huwag kayong mag-alala para sa araw ng bukas, sapagkat mag-aalala ang bukas para sa kanyang sarili. Sapat na para sa buong maghapon ang mga alalahanin nito.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.