Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dalangin ng Taong Inuusig
69 O Dios, iligtas nʼyo ako dahil para akong isang taong malapit nang malunod.
2 Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutungtungan.
Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon.
3 Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan.
Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Dios.
13 Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
Sa inyong tinakdang panahon, sagutin nʼyo ang dalangin ko ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14 tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway na parang inililigtas nʼyo ako mula sa malalim na tubig.
15 Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon at mamatay.
16 Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
dahil sa inyong kabutihan at pagmamahal sa akin.
Kahabagan nʼyo ako at bigyang pansin.
30 Pupurihin ko ang Dios sa pamamagitan ng awit.
Pararangalan ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.
31 Kalulugdan ito ng Panginoon higit sa handog na mga baka.
32 Kapag nakita ito ng mga dukha, matutuwa sila.
Lahat ng lumalapit sa Dios ay magagalak.
33 Dinidinig ng Panginoon ang mga dukha
at hindi niya nalilimutan ang mga mamamayan niyang nabihag.
34 Purihin ninyo ang Dios kayong lahat ng nasa langit,
nasa lupa at nasa karagatan.
35 Dahil ililigtas ng Dios ang Jerusalem[a] at muli niyang itatayo ang mga lungsod ng Juda.
At doon titira ang kanyang mga mamamayan at aariin ang lupain na iyon.
36 Mamanahin ito ng kanilang lahi
at ang mga umiibig sa Dios ay doon maninirahan.
Ang mga Lahi ni Cain
17 Sumiping si Cain sa asawa niya. Nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan nila siyang Enoc. Nagpatayo si Cain ng isang lungsod at pinangalanan niya itong Enoc kagaya ng pangalan ng kanyang anak. 18 Si Enoc ay may anak ding lalaki na ang pangalan ay Irad. Si Irad ang ama ni Mehujael; si Mehujael ang ama ni Metusael; at si Metusael ang ama ni Lamec. 19 Si Lamec ay may dalawang asawa na sina Ada at Zila. 20 Ipinanganak ni Ada si Jabal na siyang pinagmulan ng mga tao na nakatira sa mga tolda, na nag-aalaga ng mga hayop. 21 May kapatid si Jabal na lalaki na ang pangalan ay Jubal, na siyang pinagmulan ng lahat na tagatugtog ng alpa at plauta. 22 Si Zila ay nagkaanak din ng lalaki na ang pangalan ay Tubal Cain. Si Tubal Cain ay gumagawa ng lahat ng klase ng kagamitan mula sa bakal at tanso. May kapatid siyang babae na si Naama.
23 Isang araw, sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa,
“Ada at Zila, mga asawa ko, pakinggan nʼyo ako. Pinatay ko ang isang binatilyo dahil sinaktan niya ako.
24 Kung pitong beses ang tindi ng ganti sa taong pumatay kay Cain,
77 beses ang tindi ng ganti sa taong papatay sa akin.”
Ang mga Lahi ni Set
25 Sumiping muli si Adan kay Eva at nanganak ng isang lalaki at pinangalanan niya itong Set.[a] Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Dios ng anak na lalaki bilang kapalit ni Abel na pinatay ni Cain.” 26 Nang bandang huli, si Set ay nagkaroon din ng anak na lalaki na pinangalanan niyang Enosh.
Nang panahong isinilang si Enosh, ang mga taoʼy nagsimulang tumawag sa pangalan ng Panginoon.
Ang mga Lahi ni Adan(A)
5 Ito ang kasaysayan na isinulat tungkol sa pamilya ni Adan.
Nang likhain ng Dios ang tao, ginawa niya itong kawangis niya. 2 Nilikha niya ang lalaki at babae, at binasbasan niya sila at tinawag na “tao.”
3 Nang 130 taong gulang na si Adan, isinilang ang kanyang anak na kawangis niya. Pinangalanan niya itong Set. 4 Matapos isilang si Set, nabuhay pa si Adan ng 800 taon at nadagdagan pa ang mga anak niya. 5 Namatay siya sa edad na 930.
Ang Lahat ng Tao ay Makasalanan
9 Ano ngayon ang masasabi natin? Na tayo bang mga Judio ay talagang nakakalamang sa mga hindi Judio? Hindi! Sapagkat ipinaliwanag ko na, na ang lahat ng tao ay makasalanan, Judio man o hindi. 10 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,
“Walang matuwid sa paningin ng Dios, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa tungkol sa Dios, walang nagsisikap na makilala siya.
12 Ang lahat ay tumalikod sa Dios at naging walang kabuluhan.
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”[a]
13 “Ang kanilang pananalitaʼy[b] hindi masikmura tulad ng bukas na libingan.
Ang kanilang sinasabiʼy[c] puro pandaraya.[d]
Ang mga salita[e] nilaʼy parang kamandag ng ahas.[f]
14 Ang lumalabas sa kanilang bibig ay panay pagmumura at masasakit na salita.[g]
15 Sa kaunting dahilan lang pumapatay agad sila ng tao.
16 Kapahamakan at hinagpis ang dala nila kahit saan.
17 Hindi nila alam ang mamuhay nang mapayapa,[h]
18 at wala silang takot sa Dios.”[i]
19 Ngayon, alam natin na ang lahat ng sinasabi ng Kautusan ay para sa ating mga Judio na namumuhay sa ilalim ng Kautusan, para walang maidahilan ang sinuman na hindi siya dapat parusahan. Ang lahat ng tao sa mundo ay mananagot sa Dios. 20 Sapagkat walang sinuman ang ituturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sa halip, ipinapakita ng Kautusan sa tao na makasalanan siya.
21 Pero ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan na mismo at ang mga propeta ang nagpapatotoo rito. 22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®