Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 6:9-22

Si Noe

Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Noe.

Si Noe ay makadios. Siya lang ang namumuhay na matuwid sa kapanahunan niya, at malapit ang kanyang relasyon sa Dios. 10 May tatlo siyang anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet.

11 Napakasama na ng mga tao sa paningin ng Dios, at ang kanilang kasamaan ay laganap na sa mundo. 12 Nakita ng Dios na lubhang masama ang mga tao sa mundo dahil ang ginagawa nila ay puro kasamaan. 13 Kaya sinabi niya kay Noe, “Lilipulin ko ang lahat ng tao. Dahil sa kanila, lumaganap ang kasamaan sa mundo. Lilipulin ko sila kasama ng mundo. 14 Kaya ikaw Noe, gumawa ka ng barko mula sa matibay na kahoy, at gawan mo ito ng mga kwarto. Pagkatapos, pahiran mo ng alkitran ang loob at labas ng barko.[a] 15 Gawin mo ito na may sukat na 450 talampakan ang haba, 75 talampakan ang luwang, at 45 talampakan ang taas. 16 Lagyan mo ng bubong ang barko, at lagyan mo ng agwat na kalahating metro ang dingding at ang bubong. Gawan mo ang barko ng tatlong palapag, at lagyan ng pintuan sa gilid. 17 Sapagkat pababahain ko ang mundo para malipol ang lahat ng nabubuhay. Mamamatay ang lahat ng nasa mundo. 18 Pero gagawa ako ng kasunduan sa iyo. Papasok ka sa barko kasama ng asawa at ng mga anak mo pati ang mga asawa nila. 19 Magpapasok ka rin ng isang lalaki at babae sa bawat uri ng hayop para mabuhay sila kasama mo. 20 Dalawa sa bawat uri ng lahat ng hayop: mga lumilipad, lumalakad at gumagapang. Lalapit sila sa iyo para hindi sila mamatay. 21 Magdala ka rin ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at para rin sa mga hayop.”

22 Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Dios sa kanya.

Genesis 7:24

24 Bumaha sa mundo sa loob ng 150 araw.

Genesis 8:14-19

14 Nang ika-27 araw ng ikalawang buwan, tuyong-tuyo na talaga ang lupa sa buong mundo.

15 Sinabi agad ng Dios kay Noe, 16 “Lumabas na kayong lahat sa barko. 17 Palabasin nʼyo rin ang lahat ng hayop para dumami sila at mangalat sa buong mundo.” 18 Kaya lumabas si Noe kasama ang kanyang asawa, mga anak na lalaki at mga manugang niya. 19 Lumabas din ang lahat ng hayop: mga lumalakad, lumilipad at gumagapang. Magkakasama sila ayon sa kani-kanilang uri.

Salmo 46

Kasama Natin ang Dios

46 Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
    Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
    at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
    at mayanig ang kabundukan.

May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Dios,
    sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Dios.
Ang Dios ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba.
    Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian.
    Sa sigaw ng Dios, ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot.
Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan.
    Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.

Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo.
    Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10 Sinasabi niya,
    “Tumigil kayo[a] at kilalanin ninyo na ako ang Dios.
    Akoʼy pararangalan sa mga bansa.
    Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”

11 Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan.
    Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.

Roma 1:16-17

Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita

16 Hindi ko ikinakahiya ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, dahil ito ang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya – una ang mga Judio at gayon din ang mga hindi Judio. 17 Sapagkat ipinapahayag sa Magandang Balita kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao,[a] at itoʼy sa pamamagitan lang ng pananampalataya. Ayon nga sa Kasulatan, “Sa pananampalataya mabubuhay ang matuwid.”[b]

Roma 3:22-28

22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios. 24 Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios. 25 Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila. 26 Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus. 27 Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus. 28 Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan.

Roma 3:29-31

29 Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat. 30 Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. 31 Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.

Mateo 7:21-29

Hindi Kikilalanin ng Dios ang mga Gumagawa ng Masama(A)

21 “Marami ang tumatawag sa akin ng ‘Panginoon’, pero hindi ito nangangahulugan na makakapasok sila sa kaharian ng langit. Ang mga tao lang na sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang mapapabilang sa kanyang kaharian. 22 Marami ang magsasabi sa akin sa Araw ng Paghuhukom, ‘Panginoon, hindi baʼt sa ngalan nʼyo ay nagpahayag kami ng inyong salita, nagpalayas ng masasamang espiritu at gumawa ng maraming himala?’ 23 Ngunit sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama!’ ”

Ang Dalawang Uri ng Taong Nagtayo ng Bahay(B)

24 “Kaya ang sinumang nakikinig at sumusunod sa aking mga sinasabi ay katulad ng isang matalinong lalaki na nagtayo ng kanyang bahay sa pundasyong bato. 25 Nang umulan nang malakas at bumaha, at humampas ang malakas na hangin sa bahay, hindi ito nagiba dahil nakatayo ito sa matibay na pundasyon. 26 Ngunit ang sinumang nakikinig sa aking mga salita pero hindi naman ito sinusunod ay parang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhangin. 27 Nang umulan nang malakas at bumaha, at humampas ang malakas na hangin sa bahay, nagiba ito at lubusang nawasak.”

Ang Awtoridad ni Jesus

28 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang mga bagay na ito, namangha ang mga tao, 29 dahil nangaral siya nang may awtoridad at hindi tulad ng kanilang mga tagapagturo ng Kautusan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®