Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pananabik sa Dios
63 O Dios, kayo ang aking Dios.
Hinahanap-hanap ko kayo.
Nananabik ako sa inyo nang buong pusoʼt kaluluwa,
na tulad ng lupang tigang sa ulan.
2 Nakita ko ang inyong kapangyarihan at kaluwalhatian sa inyong templo.
3 Ang inyong pag-ibig ay mahalaga pa kaysa sa buhay,
kaya pupurihin ko kayo.
4 Pasasalamatan ko kayo habang akoʼy nabubuhay.
Itataas ko ang aking mga kamay sa paglapit sa inyo.
5 Masisiyahan ako tulad ng taong nabusog sa malinamnam na handaan.
At magpupuri ako sa inyo ng awit ng kagalakan[a]
6 Sa aking paghiga, kayo ang naaalala ko.
Sa buong magdamag kayo ang iniisip ko.
7 Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit[b] ako,
habang akoʼy nasa inyong pangangalaga.[c]
8 Lumapit ako sa inyo at inalalayan nʼyo ako ng inyong kanang kamay upang hindi ako mapahamak.
Ang mga Espiya(A)
13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Magpadala ka ng mga tao para mag-espiya sa Canaan – ang lupain na ibibigay ko sa inyong mga Israelita. Ang mga tao na iyong ipapadala ay ang mga pinuno ng bawat lahi ng Israel.”
17 Bago sila pinaalis ni Moises para mag-espiya sa Canaan, sinabi ni Moises sa kanila, “Maglakad kayo pahilaga at pumunta sa timog ng Canaan,[a] at dumiretso sa kabundukan. 18 Tingnan ninyo kung ano ang itsura ng lupain, at kung malakas ba o mahina ang mga tao roon, at kung marami sila o kaunti lang. 19 Tingnan ninyo kung anong klase ng lupain ang kanilang tinitirhan, kung mabuti o hindi. Tingnan ninyo ang kanilang bayan kung napapalibutan ng pader o hindi. 20 Tingnan din ninyo kung masagana ang lupa o hindi, at kung may mga puno o wala. At pagsikapan ninyong makapagdala ng prutas sa inyong pagbalik.” (Panahon noon ng paghinog ng ubas.)
21 Kaya naglakad sila at tinanaw nila ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob malapit sa Lebo Hamat. 22 Nag-umpisa sila sa Negev hanggang sa nakarating sila sa Hebron, kung saan nakatira sina Ahiman, Sheshai at Talmai, na mga angkan ni Anak. (Itinayo ang Hebron pitong taon bago itinayo ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa Lambak ng Eshcol, pumutol sila ng isang kumpol ng ubas. Masyadong mabigat ito kaya itinali nila ito sa isang tukod at magkatulong na binuhat ng dalawang tao. Nagdala rin sila ng mga prutas na pomegranata at igos. 24 Tinatawag ang lugar na iyon na Lambak ng Eshcol[b] dahil sa kumpol ng ubas na pinutol ng mga Israelita.
25 Pagkatapos ng 40 araw na pag-espiya sa lupain, bumalik sila 26 kina Moises, Aaron at sa buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, doon sa disyerto ng Paran. Sinabi nila sa buong kapulungan ang kanilang nakita, at ipinakita nila ang kanilang dalang mga prutas. 27 Sinabi nila kay Moises, “Pumunta kami sa lugar na pinapuntahan mo sa amin, maganda at masaganang lupain[c] iyon. Sa katunayan, heto ang mga prutas. 28 Pero makapangyarihan ang mga taong nakatira roon, at malalaki ang kanilang mga lungsod at napapalibutan ng mga pader. Nakita pa namin ang mga angkan ni Anak. 29 Nakatira ang mga Amalekita sa Negev; ang mga Heteo, Jebuseo at mga Amoreo sa kabundukan; at ang mga Cananeo naman ay nakatira malapit sa dagat at sa tabi ng Ilog ng Jordan.”
30 Pinakalma ni Caleb ang mga tao sa harapan ni Moises, at sinabi niya, “Lalakad tayo at sasakupin natin ang lupain, dahil nasisiguro kong maaagaw natin ito.”
31 Pero sinabi ng mga tao na sumama kay Caleb para mag-espiya, “Hindi natin makakaya ang pagsalakay sa kanila dahil mas malakas sila sa atin.” 32 At ipinalaganap nila sa mga Israelita ang masamang balita tungkol sa lupain na kanilang tiningnan. Ito ang kanilang sinabi, “Hindi maganda ang lupaing nakita namin doon, at hindi lang iyan, malalaki ang mga taong nakita namin doon, sobrang tangkad. 33 May nakita pa kaming mga higante,[d] na mga angkan ni Anak. Parang mga tipaklong lang ang tingin namin sa aming mga sarili kung ikukumpara sa kanila, at ganyan din ang kanilang tingin sa amin.”
Nagrebelde ang mga Israelita
14 Nang gabing iyon, humagulgol ang lahat ng mamamayan. 2 Nagreklamo sila kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pang namatay na lang tayo sa Egipto o rito sa disyerto. 3 Bakit pa ba tayo dadalhin ng Panginoon sa lupaing iyon? Para lang ba mamatay tayo sa labanan at bihagin ang ating mga asawaʼt anak? Mabuti pa sigurong bumalik na lang tayo sa Egipto.” 4 At nag-usap-usap sila, “Pumili tayo ng pinuno at bumalik sa Egipto!”
5 Pagkatapos, nagpatirapa sina Moises at Aaron sa harapan ng lahat ng mamamayan ng Israel na nagkakatipon doon. 6 Pinunit ni Josue na anak ni Nun at ni Caleb na anak ni Jefune ang kanilang mga damit sa kalungkutan. Ang dalawang ito ay kasama sa pag-espiya sa lupain. 7 Sinabi nila sa mga mamamayan ng Israel, “Napakabuti ng lupaing aming pinuntahan. 8 Kung nalulugod ang Panginoon sa atin, gagabayan niya tayo papunta sa lupang iyon – ang maganda at masaganang lupain,[e] at ibibigay niya ito sa atin. 9 Huwag lang kayong magrerebelde sa Panginoon. At huwag kayong matatakot sa mga tao roon dahil matatalo natin sila. Walang tutulong sa kanila, pero ang Panginoon ang tutulong sa atin. Kaya huwag kayong matakot sa kanila.”
Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
22 Habang nagtitipon sina Jesus at ang mga tagasunod niya sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao. 23 Papatayin nila ako, pero mabubuhay akong muli pagkaraan ng tatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga tagasunod ni Jesus.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24 Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis at nagtanong, “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo para sa templo?” 25 Sumagot si Pedro, “Oo, nagbabayad siya.”
Nang makabalik si Pedro sa tinutuluyan nila, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Pedro? Kanino nangongolekta ng mga buwis ang mga hari, sa mga anak nila o sa ibang tao?” 26 Sumagot si Pedro, “Sa ibang tao po.” Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, nangangahulugan na hindi kailangang magbayad ng buwis ang mga anak.[a] 27 Pero kung hindi tayo magbabayad, baka sumama ang loob nila sa atin.[b] Kaya pumunta ka sa lawa at mamingwit. Ibuka mo ang bibig ng unang isdang mahuhuli mo at makikita mo roon ang perang sapat na pambayad sa buwis nating dalawa. Kunin mo ito at ibayad sa mga nangongolekta ng buwis para sa templo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®