Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Gintong Baka(A)
32 Nang mainip ang mga tao sa tagal ni Moises na bumaba ng bundok, nagtipon sila kay Aaron at sinabi, “Igawa mo kami ng dios[a] na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Egipto.” 2 Sumagot si Aaron, “Kunin nʼyo ang mga hikaw na ginto na suot ng mga asawaʼt anak ninyo, at dalhin ninyo sa akin.” 3 Kaya kinuha nilang lahat ang gintong mga hikaw at dinala ito kay Aaron. 4 Tinipon ni Aaron ang mga ito tinunaw, at hinugis na baka. Sinabi ng mga Israelita, “Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.”
5 Pagkakita ni Aaron na sumaya ang mga tao, nagpagawa siya ng altar sa harap ng baka at ipinaalam sa kanila, “Bukas, magdaraos tayo ng pista para sa karangalan ng Panginoon.” 6 Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Kumain sila at uminom at nilubos ang pagsasaya sa pagsamba sa dios-diosan.
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Egipto. 8 Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng dios-diosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa dios-diosang ito at sinabi, ‘Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.’ ”
9 At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito. 10 Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Ikaw na lang at ang mga angkan mo ang gagawin kong dakilang bansa.”
11 Pero nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan? 12 Ano na lang po ang sasabihin ng mga Egipcio? Na kinuha po ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto para patayin sa kabundukan at mawala sila sa mundo? O, Panginoon, huwag po ninyong ituloy ang matinding galit ninyo sa kanila, huwag ninyo silang papatayin. 13 Alalahanin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa inyong lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob[b] na pararamihin ninyo ang lahi nila na kasindami ng bituin sa langit, at ibibigay ninyo sa lahi nila ang lahat ng lupaing ipinangako ninyo sa kanila, at magiging kanila ito magpakailanman.” 14 Kaya hindi na itinuloy ng Panginoon ang plano niyang pagpatay sa kanyang mga mamamayan.
Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan
106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
2 Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
3 Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.
4 Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
5 upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
at makadama rin ng kanilang kagalakan,
at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
6 Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
masama ang aming ginawa.
19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
at sinamba nila ang dios-diosang ito.
Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.
Mga Bilin
4 Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo sa Panginoon. Mahal na mahal ko kayo at nasasabik akong makita kayo. Kayo ang kagalakan at gantimpala ko sa paglilingkod.
2 Nakikiusap ako kina Eudia at Syntique, na magkasundo na sila bilang magkapatid sa Panginoon. 3 At nakikiusap din ako sa iyo, tapat kong kasama sa pangangaral, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat katulong ko sila sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama nina Clement at ng iba ko pang kamanggagawa na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.[a]
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo!
5 Ipakita nʼyo sa lahat ang kagandahang-loob ninyo. Malapit nang dumating ang Panginoon! 6 Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat. 7 Kapag ginawa nʼyo ito, bibigyan kayo ng Dios ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.
8 Bukod diyan, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais. 9 Ipamuhay nʼyo ang lahat ng natutunan nʼyo at tinanggap mula sa akin, sa salita at sa gawa, at sasainyo ang Dios na nagbibigay ng kapayapaan.
Ang Talinghaga tungkol sa Handaan sa Kasal(A)
22 Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, 2 “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na naghanda ng salo-salo para sa kasal ng anak niyang lalaki. 3 Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inimbitahan sa kasalan, pero ayaw nilang dumalo. 4 Sinugo niya ang iba pang mga alipin upang sabihin sa mga inimbitahan, ‘Handa na ang lahat; nakatay na ang aking mga baka at iba pang pinatabang hayop. Nakahanda na ang pagkain kaya pumunta na kayo rito!’ 5 Pero hindi ito pinansin ng mga inimbitahan. Ang ibaʼy pumunta sa bukid nila, at ang ibaʼy sa negosyo nila. 6 Ang iba namaʼy sinunggaban ang mga alipin ng hari, hiniya, at pinatay. 7 Kaya galit na galit ang hari sa ginawa ng mga ito. Inutusan niya ang kanyang mga sundalo na patayin ang mga pumatay sa kanyang mga alipin at sunugin ang lungsod ng mga ito. 8 Pagkatapos, sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Handa na ang salo-salo para sa kasal ng aking anak, pero hindi karapat-dapat ang mga inimbitahan. 9 Pumunta na lang kayo sa mga mataong lansangan, at imbitahan ninyo ang lahat ng inyong makita.’ 10 Pumunta nga sa mga lansangan ang mga alipin at inimbitahan ang lahat ng nakita nila, masama man o mabuti. Kaya napuno ng bisita ang pinagdarausan ng handaan. 11 Nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaking hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan. 12 Kaya tinanong niya ang lalaki, ‘Kaibigan, bakit pumasok ka rito nang hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan?’ Hindi nakasagot ang lalaki. 13 Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Talian ninyo ang mga kamay at paa niya at itapon sa dilim, doon sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ” 14 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag ng Dios na mapabilang sa kanyang kaharian, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®