Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 72:1-7

Panalangin para sa Hari

72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
    at durugin ang mga umaapi sa kanila.
Manatili sana siya[a] magpakailanman,
    habang may araw at buwan.
Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
    at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.

Salmo 72:18-19

18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
    na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
    Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
    Amen! Amen!

Isaias 30:19-26

19 Kayong mga taga-Zion, na mga mamamayan ng Jerusalem, hindi na kayo muling iiyak! Kaaawaan kayo ng Panginoon kung hihingi kayo ng tulong sa kanya. Kapag narinig niya ang inyong panalangin, sasagutin niya kayo. 20 Para kayong pinakain at pinainom ng Panginoon ng kapighatian at paghihirap. Pero kahit na ginawa niya ito sa inyo, siya na guro ninyo ay hindi magtatago sa inyo. Makikita ninyo siya, 21 at maririnig ninyo ang kanyang tinig na magtuturo sa inyo ng tamang daan, saan man kayo naroroon. 22 Ituring na ninyong marumi ang inyong mga dios-diosang gawa sa pilak at ginto. Itapon nʼyo na parang napakaruming basahan at sabihin, “Ayaw ko nang makita kayo!”

23 Bibigyan kayo ng Panginoon ng ulan sa panahon ng pagtatanim, at magiging sagana ang inyong ani. At ang inyong mga hayop ay manginginain sa malawak na pastulan. 24 Ang mga baka ninyo at asnong pang-araro ay kakain ng pinakamainam na pagkain ng hayop. 25 Sa mga araw na iyon na papatayin ang inyong mga kaaway at wawasakin ang kanilang mga muog, dadaloy ang tubig mula sa bawat matataas na bundok. 26 Liliwanag ang buwan na parang araw. Ang araw naman ay magliliwanag ng pitong ibayo, na parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama sa iisang araw. Mangyayari ito sa araw na gagamutin at pagagalingin ng Panginoon ang sugat ng mga mamamayan niya.

Gawa 13:16-25

16 Kaya tumayo si Pablo, at sinenyasan niya ang mga tao na makinig sa kanya. Sinabi niya, “Mga kapwa kong mga Israelita, at kayong mga hindi Israelita na sumasamba rin sa Dios, makinig kayo sa akin! 17 Ang Dios na sinasamba nating mga Israelita ang siyang pumili sa ating mga ninuno. Pinadami niya sila noong nasa Egipto pa sila nakatira. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, tinulungan niya sila para makaalis sa Egipto. 18 Sa loob ng 40 taon, pinagtiyagaan niya sila roon sa disyerto. 19 Pagkatapos, nilipol niya ang pitong bansa sa Canaan, at ibinigay niya ang mga lupain ng mga ito sa ating mga ninuno. 20 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios sa loob ng 450 taon.

“Pagkatapos, binigyan niya sila ng mga taong namuno sa kanila hanggang sa panahon ni Propeta Samuel. 21 Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Dios si Saul na anak ni Kish, na mula sa lahi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng 40 taon. 22 Nang alisin ng Dios si Saul, ipinalit niya si David bilang hari. Ito ang sinabi ng Dios: ‘Nagustuhan ko si David na anak ni Jesse. Susundin niya ang lahat ng iuutos ko sa kanya.’ ”

23 Sinabi pa ni Pablo sa mga tao, “Sa angkan ni David nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Dios sa Israel. 24 Bago pa magsimula si Jesus sa kanyang gawain, nangaral si Juan sa lahat ng Israelita na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabautismo. 25 At nang malapit nang matapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Marahil, iniisip ninyong ako na nga ang inyong hinihintay. Hindi ako iyon! Pinauna lang ako. Susunod siya sa akin, at sa katunayan hindi ako karapat-dapat man lang na maging alipin niya.’[a]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®