Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 124

Ang Dios ang Tagapagligtas ng Kanyang mga Mamamayan

124 “Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin, ano kaya ang nangyari?
    Sumagot kayo mga taga-Israel!

“Kung ang Panginoon ay hindi pumanig sa atin noong sinalakay tayo ng ating mga kaaway,
maaaring pinatay na nila tayo, dahil sa matinding galit nila sa atin.
4-5 Maaaring para tayong tinangay ng baha at nalunod dahil sa malakas na agos ng tubig.”
Purihin ang Panginoon,
    dahil hindi niya pinayagang lapain tayo ng ating mga kaaway,
    na parang mababangis na hayop.
Nakatakas tayo katulad ng ibong nakawala sa nasirang bitag.
Ang tulong natin ay nagmula sa Panginoon,
    na gumawa ng langit at ng lupa.

Isaias 54:1-10

Ang Pag-ibig ng Dios sa Jerusalem

54 Sinabi ng Panginoon, “Umawit ka Jerusalem, ikaw na parang babaeng baog. Umawit ka at sumigaw sa tuwa, ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak. Sapagkat kahit na iniwan ka ng iyong asawa, mas marami ang iyong magiging anak kaysa sa babaeng kapiling ang asawa. Gumawa ka ng mas malaki at matibay na tirahan.[a] Huwag mong liliitan. Sapagkat lalawak ang iyong hangganan, sasakupin ng iyong mga mamamayan ang ibang mga bansa, at kanilang titirhan ang mga lungsod doon na iniwan. Huwag kang matakot dahil hindi ka mapapahiya. Malilimutan mo na ang kahihiyan ng iyong kabataan at pagkabalo. Sapagkat ako na lumikha sa iyo ay para mong asawa. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko. Ako ang Banal na Dios ng Israel, ang iyong Tagapagligtas. Tinatawag akong ‘Dios ng buong mundo.’

Jerusalem, katulad ka ng isang kabataang babae na nag-asawa at nalulungkot dahil iniwan siya ng kanyang asawa. Pero ngayon, tinatawag kita para muling makapiling. Iniwan kita sandali, pero dahil sa laki ng awa ko sa iyo ay muli kitang kukupkupin. Dahil sa bugso ng galit ko sa iyo, iniwan kita sandali, pero dahil sa aking walang hanggang pag-ibig sa iyo, kaaawaan kita. Ako, ang Panginoon na inyong Tagapagligtas ang nagsasabi nito.

“Para sa akin, katulad ito noong panahon[b] ni Noe nang nangako akong hindi ko na gugunawin ang mundo. Ngayon naman, nangangako akong hindi na ako magagalit o magpaparusa sa inyo. 10 Gumuho man ang mga burol at bundok, ang pag-ibig ko sa iyoʼy hindi mawawala, maging ang kasunduan ko sa iyo na ilalagay kita sa magandang kalagayan. Ako, ang Panginoong naaawa sa iyo, ang nagsasabi nito.

Mateo 24:23-35

23 “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 24 Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kagila-gilalas na himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. 25 Tandaan ninyo ang mga ito! Binibigyan ko na kayo ng babala habang hindi pa nangyayari ang mga ito.

26 “Kaya kung may magsabi sa inyo, ‘Naroon ang Cristo sa ilang!’ huwag kayong pupunta roon. At kung may magsabing, ‘Nariyan siya sa silid!’[a] huwag kayong maniniwala. 27 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag mula sa silangan hanggang sa kanluran na makikita ng lahat. 28 May kasabihan na, ‘Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.’ ”[b]

Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(A)

29 “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay[c] sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. 30 Pagkatapos, makikita sa langit ang tanda ng aking pagbabalik, at maghihinagpis ang lahat ng tao sa mundo dahil dito. At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating na mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[d] 31 Sa malakas na tunog ng trumpeta ay ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(B)

32 “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 33 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. 34 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 35 Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[e]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®