Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 94

94 Oh Panginoon, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, sumilang ka.

Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa: ibigay mo sa palalo ang panghihiganti sa kanila.

Panginoon, hanggang kailan ang masama, hanggang kailan magtatagumpay ang masama?

Sila'y dumadaldal, sila'y nagsasalita na may kapalaluan: lahat na manggagawa ng kasamaan ay nangagmamalaki.

Kanilang pinagwawaraywaray ang iyong bayan, Oh Panginoon, at dinadalamhati ang iyong mana.

Kanilang pinapatay ang bao at ang taga ibang lupa, at pinapatay ang ulila.

At kanilang sinasabi, ang Panginoo'y hindi makakakita, ni pakukundanganan man ng Dios ni Jacob ito.

Gunitain ninyo, ninyong mga hangal sa gitna ng bayan: at ninyong mga mangmang, kailan tayo magiging pantas?

Siyang lumikha ng pakinig, hindi ba siya makakarinig? Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?

10 Siyang nagpaparusa sa mga bansa, hindi ba siya sasaway, sa makatuwid baga'y siyang nagtuturo sa tao ng kaalaman?

11 Nalalaman ng Panginoon ang mga pagiisip ng tao, na sila'y pawang walang kabuluhan.

12 Mapalad ang tao na iyong pinarurusahan, Oh Panginoon, at tinuturuan mo sa iyong kautusan.

13 Upang iyong mabigyan ng kapahingahan sa mga kaarawan ng kasakunaan, hanggang sa mahukay ang hukay na ukol sa masama.

14 Sapagka't hindi itatakuwil ng Panginoon ang kaniyang bayan, ni pababayaan man niya ang kaniyang mana.

15 Sapagka't kahatulan ay babalik sa katuwiran: at susundan ng lahat na matuwid sa puso.

16 Sino ang babangon dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan? Sinong tatayo dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan?

17 Kundi ang Panginoon ay naging aking katulong, ang kaluluwa ko'y tumahang madali sana sa katahimikan.

18 Nang aking sabihin, Ang aking paa ay natitisod; inalalayan ako ng iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon.

19 Sa karamihan ng aking mga pagiisip sa loob ko ang iyong mga pagaliw ay nagbibigay lugod sa aking kaluluwa.

20 Makikisama ba sa iyo ang luklukan ng kasamaan, na nagaanyo ng pagapi sa pamamagitan ng palatuntunan?

21 Sila'y nagpipisan laban sa kaluluwa ng matuwid, at pinarusahan nila ang walang salang dugo.

22 Nguni't ang Panginoon ay naging aking matayog na moog; at ang Dios ko'y malaking bato na aking kanlungan.

23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan, at ihihiwalay niya sila sa kanilang sariling kasamaan; ihihiwalay sila ng Panginoon naming Dios.

Jeremias 14:1-10

14 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias tungkol sa pagkakatuyo.

Ang Juda ay tumatangis, at ang mga pintuang-bayan niya ay nagsisihapay, mga bagsak na nangingitim sa lupa; at ang daing ng Jerusalem ay umilanglang.

At sinugo ng mga mahal na tao ang kanilang mga bata sa tubig: sila'y nagsisiparoon sa mga balon, at hindi nangakasumpong ng tubig; sila'y nagsisibalik na may mga sisidlang walang laman; sila'y nangapapahiya at nangalilito, at nangagtatakip ng kanilang mga ulo.

Dahil sa lupa na pumuputok, palibhasa't hindi nagkaroon ng ulan sa lupain, ang mga mangbubukid ay nangapahiya, kanilang tinatakpan ang kanilang mga ulo.

Oo, ang usa sa parang naman ay nanganganak, at pinababayaan ang anak, sapagka't walang damo.

At ang mga mailap na asno ay nagsisitayo sa mga luwal na kaitaasan, sila'y humihingal na parang mga chakal; sila ay nangangalumata, sapagka't walang pastulan.

Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin, gumawa ka alangalang sa iyong pangalan, Oh Panginoon; sapagka't ang aming mga pagtalikod ay marami; kami ay nangagkasala laban sa iyo.

Oh ikaw na pagasa ng Israel, na Tagapagligtas sa kaniya sa panahon ng kabagabagan, bakit ka magiging parang nakikipamayan sa lupain, at parang gala na lumiliko na nagpaparaan ng gabi?

Bakit ka magiging parang taong natigilan, parang makapangyarihan na hindi makapagligtas? gayon man ikaw, Oh Panginoon, ay nasa gitna namin, at kami ay tinatawag sa iyong pangalan; huwag mo kaming iwan.

10 Ganito ang sabi ng Panginoon sa bayang ito, Yamang kanilang inibig ang paglaboy; hindi nila pinigil ang kanilang mga paa: kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon; ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at dadalawin ang kanilang mga kasalanan.

Jeremias 14:17-22

17 At iyong sasabihin ang salitang ito sa kanila, Daluyan ang aking mga mata ng mga luha gabi at araw, at huwag maglikat; sapagka't ang anak na dalaga ng aking bayan ay nasira ng malaking pagkasira, na may totoong mabigat na sugat.

18 Kung ako'y lumabas sa parang, narito, ang mga pinatay ng tabak! at kung ako'y pumasok sa bayan, narito, sila na mga may sakit ng pagkagutom! sapagka't ang propeta at gayon din ang saserdote ay lumilibot sa lupain at walang kaalaman.

19 Iyo bagang lubos na itinakuwil ang Juda? kinapootan baga ng iyong kaluluwa ang Sion? bakit mo sinaktan kami, at walang kagalingan sa amin? Kami ay nangaghihintay ng kapayapaan, nguni't walang kabutihang dumating; at ng panahon ng kagalingan, at, narito, panglulupaypay!

20 Aming kinikilala, Oh Panginoon, ang aming kasamaan, at ang kasamaan ng aming mga magulang; sapagka't kami ay nangagkasala laban sa iyo.

21 Huwag mo kaming kayamutan, alangalang sa iyong pangalan; huwag mong hamakin ang luklukan ng iyong kaluwalhatian: iyong alalahanin, huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin.

22 Mayroon bagang sinoman sa gitna ng mga walang kabuluhan ng mga bansa na makapagpapaulan? o makapagpapaambon baga ang mga langit? Hindi baga ikaw ay siya, Oh Panginoon naming Dios? kaya't kami ay mangaghihintay sa iyo; sapagka't iyong ginawa ang lahat na bagay na ito.

Lucas 22:31-33

31 Simon, Simon, narito, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo:

32 Datapuwa't ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.

33 At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nakatalaga akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.

Lucas 22:54-62

54 At kanilang dinakip siya, at dinala siya, at ipinasok siya sa bahay ng pangulong saserdote. Datapuwa't sa malayo'y sumusunod si Pedro.

55 At nang makapagpadikit nga sila ng apoy sa gitna ng looban, at mangakaupong magkakasama, si Pedro ay nakiumpok sa gitna nila.

56 At isang alilang babae, na nakakakita sa kaniya samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, ay tinitigan siya, at sinabi, Ang taong ito ay kasama rin niya.

57 Datapuwa't siya'y nagkaila, na nagsasabi, Babae, hindi ko siya nakikilala.

58 At pagkaraan ng isang sangdali ay nakita siya ng iba, at sinabi, Ikaw man ay isa sa kanila. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, ako'y hindi.

59 At nang makaraan ang may isang oras, ay pinatotohanan ng iba pa, na nagsasabi, Sa katotohanan, ang taong ito'y kasama rin niya; sapagka't siya'y Galileo.

60 Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya'y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok.

61 At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo.

62 At siya'y lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain