Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 2

Bakit ang mga bansa ay nangagugulo, at ang mga bayan ay nangagaakala ng walang kabuluhang bagay?

Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda, at ang mga pinuno ay nagsasanggunian, Laban sa Panginoon at laban sa kaniyang pinahiran ng langis, na sinasabi:

Lagutin natin ang kanilang tali, at ating iwaksi ang kanilang mga panali sa atin.

Siyang nauupo sa kalangitan ay tatawa: ilalagay sila ng Panginoon sa kakutyaan.

Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kaniyang poot, at babagabagin sila sa kaniyang malabis na sama ng loob:

Gayon ma'y inilagay ko ang aking hari sa aking banal na bundok ng Sion.

Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya: sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay aking anak; sa araw na ito ay ipinanganak kita.

Humingi ka sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa na iyong pinakamana, at ang mga pinakadulong bahagi ng lupa ay iyong pinakaari.

Sila'y iyong babaliin ng isang pamalong bakal; iyong dudurugin sila na parang isang sisidlan ng magpapalyok.

10 Ngayon nga'y magpakapantas kayo, Oh kayong mga hari: mangatuto kayo, kayong mga hukom sa lupa.

11 Kayo'y mangaglingkod sa Panginoon na may takot, at mangagalak na may panginginig.

12 Hagkan ninyo ang anak, baka magalit siya, at kayo'y mangapahamak sa daan, sapagka't ang kaniyang poot ay madaling magalab. Mapapalad ang nanganganlong sa kaniya.

Jeremias 19

19 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ikaw ay yumaon, at bumili ka ng isang sisidlang lupa ng magpapalyok, at magsama ka ng mga matanda sa bayan, at ng mga matanda sa mga saserdote;

At ikaw ay lumabas sa libis ng anak ni Hinnom, na nasa tabi ng pasukan ng pintuang-bayan ng Harsit, at itanyag mo roon ang mga salita na aking sasaysayin sa iyo:

At iyong sabihin, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, Oh mga hari sa Juda, at mga nananahan sa Jerusalem: Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, ako'y magpaparating ng kasamaan sa dakong ito, na sinomang makarinig ay magpapanting ang mga pakinig.

Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at kanilang pinapaging iba ang dakong ito, at nangagsunog sila ng kamangyan dito sa ibang mga dios, na hindi nila nakilala, nila at ng kanilang mga magulang at ng mga hari sa Juda, at pinuno ang dakong ito ng dugo ng mga walang sala,

At itinayo ang mga mataas na dako ni Baal, upang sunugin ang kanilang mga anak sa apoy na mga pinakahandog na susunugin kay Baal; na hindi ko iniutos, o sinalita man, o pumasok man sa aking pagiisip:

Kaya't narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang dakong ito ay hindi na tatawaging Topheth, ni Ang libis ng anak ni Hinnom, kundi Ang libis ng Patayan.

At aking sasayangin ang payo ng Juda at ng Jerusalem sa dakong ito; at aking ibubuwal sila sa pamamagitan ng tabak sa harap ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan ng kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay: at ang kanilang mga bangkay ay mangabibigay na pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa.

At gagawin ko ang bayang ito na katigilan, at kasutsutan; bawa't isa na mangagdadaan doon ay mangatitigilan at magsisisutsot dahil sa lahat na salot niyaon.

At pakakanin ko sila ng laman ng kanilang mga anak na lalake at ang laman ng kanilang mga anak na babae; at kakain bawa't isa sa kanila ng laman ng kaniyang kaibigan, sa pagkakulong at sa kagipitan, na igigipit sa kanila ng kanilang mga kaaway, at ng nagsisiusig ng kanilang buhay.

10 Kung magkagayo'y babasagin mo ang sisidlang lupa sa paningin ng mga lalake na nagsisiyaong kasama mo, at iyong sasabihin sa kanila,

11 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ganito ko babasagin ang mga taong ito at ang bayang ito, gaya ng pagbasag ng isang sisidlan ng magpapalyok, na hindi mabubuo uli; at sila'y mangaglilibing sa Topheth hanggang sa mawalan ng dakong mapaglilibingan.

12 Ganito ang gagawin ko sa dakong ito, sabi ng Panginoon, at sa mga nananahan dito, sa makatuwid baga'y gagawin ang bayang ito na gaya ng Topheth:

13 At ang mga bahay ng Jerusalem, at ang mga bahay ng mga hari sa Juda, na nangahawa ay magiging gaya ng dako ng Topheth, lahat ng bahay na ang mga bubungan ay pinagsunugan ng kamangyan sa lahat ng natatanaw sa langit, at pinagbuhusan ng mga handog na inumin sa ibang mga dios.

14 Nang magkagayo'y nagbalik si Jeremias mula sa Topheth, na pinagsuguan sa kaniya ng Panginoon upang manghula; at siya'y tumayo sa looban ng bahay ng Panginoon, at nagsabi sa buong bayan,

15 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, ako'y magdadala sa bayang ito, at sa kaniyang lahat na bayan ng lahat na kasamaan na aking sinalita laban doon; sapagka't kanilang pinapagmatigas ang kanilang leeg, upang huwag nilang marinig ang aking salita.

1 Timoteo 4:6-16

Kung ipaalaala mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting ministro ni Cristo Jesus, na kinandili sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na sinusunod mo hanggang ngayon:

Datapuwa't itakuwil mo ang mga kathang masasama at walang kabuluhan. At magsanay ka sa kabanalan:

Sapagka't sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni't ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating.

Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat.

10 Sapagka't dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka't may pagasa kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya.

11 Ang mga bagay na ito'y iyong iutos at ituro.

12 Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.

13 Hanggang ako'y pumariyan ay magsikap ka sa pagbasa, sa pangangaral, sa pagtuturo.

14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng mga presbitero.

15 Magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito; upang ang iyong pagkasulong ay mahayag sa lahat.

16 Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka't sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain