Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 44

44 Narinig namin ng aming mga pakinig, Oh Dios, isinaysay sa amin ng aming mga magulang, kung anong gawa ang iyong ginawa sa kanilang mga kaarawan, ng mga kaarawan ng una.

Iyong itinaboy ng iyong kamay ang mga bansa, nguni't itinatag mo sila; iyong dinalamhati ang mga bayan, nguni't iyong pinangalat sila.

Sapagka't hindi nila tinamo ang lupain na pinakaari sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak, ni iniligtas man sila ng kanilang sariling kamay: kundi ng iyong kanan, at ng iyong bisig, at ng liwanag ng iyong mukha, sapagka't iyong nilingap sila.

Ikaw ang aking Hari, Oh Dios: magutos ka ng kaligtasan sa Jacob.

Dahil sa iyo'y itutulak namin ang aming mga kaaway: sa iyong pangalan ay yayapakan namin sila na nagsisibangon laban sa amin.

Sapagka't hindi ako titiwala sa aking busog, ni ililigtas man ako ng aking tabak.

Nguni't iniligtas mo kami sa aming mga kaaway, at inilagay mo sila sa kahihiyan na nangagtatanim sa amin.

Sa Dios ay naghahambog kami buong araw, at mangagpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailan man. (Selah)

Nguni't ngayo'y itinakuwil mo kami, at inilagay mo kami sa kasiraang puri; at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.

10 Iyong pinatatalikod kami sa kaaway: at silang nangagtatanim sa amin ay nagsisisamsam ng sa ganang kanilang sarili.

11 Iyong ibinigay kaming gaya ng mga tupa na pinaka pagkain; at pinangalat mo kami sa mga bansa.

12 Iyong ipinagbibili ang iyong bayan na walang bayad, at hindi mo pinalago ang iyong kayamanan sa pamamagitan ng kanilang halaga.

13 Ginawa mo kaming katuyaan sa aming mga kapuwa, isang kasabihan at kadustaan nila na nangasa palibot namin.

14 Iyong ginawa kaming kawikaan sa gitna ng mga bansa, at kaugaan ng ulo sa gitna ng mga bayan.

15 Buong araw ay nasa harap ko ang aking kasiraang puri, at ang kahihiyan ng aking mukha ay tumakip sa akin,

16 Dahil sa tinig niya na dumuduwahagi at tumutungayaw; dahil sa kaaway at sa manghihiganti.

17 Lahat ng ito'y dumating sa amin; gayon ma'y hindi namin kinalimutan ka, ni gumawa man kami na may karayaan sa iyong tipan.

18 Ang aming puso ay hindi tumalikod, ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;

19 Na kami ay iyong lubhang nilansag sa dako ng mga chakal, at tinakpan mo kami ng lilim ng kamatayan.

20 Kung aming nilimot ang pangalan ng aming Dios, O aming iniunat ang aming mga kamay sa ibang dios;

21 Hindi ba sisiyasatin ito ng Dios? Sapagka't nalalaman niya ang mga lihim ng puso.

22 Oo, dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw; kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.

23 Ikaw ay gumising, bakit ka natutulog, Oh Panginoon? Ikaw ay bumangon, huwag mo kaming itakuwil magpakailan man.

24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha, at kinalilimutan mo ang aming kadalamhatian at aming kapighatian?

25 Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok: ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.

26 Ikaw ay bumangon upang kami ay tulungan, at tubusin mo kami dahil sa iyong kagandahang-loob.

Hosea 6:1-10

Magsiparito kayo, at tayo'y manumbalik sa Panginoon; sapagka't siya'y lumapa, at pagagalingin niya tayo; siya'y nanakit, at kaniyang tatapalan tayo.

Pagkatapos ng dalawang araw ay muling bubuhayin niya tayo: sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo, at tayo'y mangabubuhay sa harap niya.

At ating kilalanin, tayo'y magpatuloy upang makilala ang Panginoon: ang kaniyang paglabas ay tunay na parang umaga; at siya'y paririto sa atin na parang ulan, na parang huling ulan na dumidilig ng lupa.

Oh Ephraim, ano ang gagawin ko sa iyo? Oh Juda, ano ang gagawin ko sa iyo? sapagka't ang inyong kabutihan ay parang ulap sa umaga, at parang hamog na lumalabas na maaga.

Kaya't aking pinutol sila sa pamamagitan ng mga propeta; aking pinatay sila ng mga salita ng aking bibig; at ang iyong mga kahatulan ay parang liwanag na lumalabas.

Sapagka't ako'y nagnanasa ng kaawaan, at hindi hain; at ng pagkakilala sa Dios higit kay sa mga handog na susunugin.

Nguni't sila gaya ni Adan ay sumalangsang sa tipan: doo'y nagsigawa silang may paglililo laban sa akin.

Ang Galaad ay bayang gumagawa ng kasamaan; tigmak sa dugo.

At kung paanong ang mga pulutong ng mga tulisan na nagsisiabang sa isang tao, ay gayon ang pulutong ng mga saserdote na nagsisipatay sa daan na dakong Sichem; Oo, sila'y gumawa ng kahalayan.

10 Sa sangbahayan ni Israel ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay: doo'y nagpatutot ang Ephraim, ang Israel ay napahamak.

Roma 9:30-10:4

30 Ano nga ang ating sasabihin? Na ang mga Gentil, na hindi nangagsisisunod sa katuwiran, ay nagkamit ng katuwiran, sa makatuwid baga'y ng katuwiran sa pananampalataya:

31 Datapuwa't ang Israel sa pagsunod sa kautusan ng katuwiran, ay hindi umabot sa kautusang iyan.

32 Bakit? Sapagka't hindi nila hinanap sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi ng ayon sa mga gawa. Sila'y nangatisod sa batong katitisuran;

33 Gaya ng nasusulat, Narito, inilalagay ko sa Sion ang isang batong katitisuran, at batong pangbuwal: At ang sumasampalataya sa kaniya'y hindi mapapahiya.

10 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang aking panalangin sa Dios ay patungkol sa kanila, upang sila'y mangaligtas.

Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala.

Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.

Sapagka't si Cristo ang kinauuwian ng kautusan sa ikatutuwid ng bawa't sumasampalataya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain