Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 7

Oh Panginoon kong Dios, sa iyo nanganganlong ako. Iligtas mo ako sa lahat na nagsisihabol sa akin, at palayain mo ako:

Baka lurayin nila na gaya ng leon ang aking kaluluwa, na lurayin ito, habang walang magligtas.

Oh Panginoon kong Dios, kung ginawa ko ito; kung may kasamaan sa aking mga kamay;

Kung ako'y gumanti ng kasamaan sa kaniya na may kapayapaan sa akin; (Oo, aking pinawalan siya, na walang anomang kadahilanan ay naging aking kaaway:)

Habulin ng kaaway ang aking kaluluwa, at abutan; Oo, yapakan niya ang aking kaluluwa sa lupa, at ilagay ang aking kaluwalhatian sa alabok. (Selah)

Ikaw ay bumangon, Oh Panginoon, sa iyong galit, magpakataas ka laban sa poot ng aking mga kaaway; at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagutos ng kahatulan.

At ligirin ka ng kapisanan ng mga bayan sa palibot: at sila'y pihitan mong nasa mataas ka.

Ang panginoo'y nangangasiwa ng kahatulan sa mga bayan: iyong hatulan ako, Oh Panginoon, ayon sa aking katuwiran, at sa aking pagtatapat na nasa akin.

Oh wakasan ang kasamaan ng masama, nguni't itatag mo ang matuwid; sapagka't sinubok ng matuwid na Dios ang mga pagiisip at ang mga puso.

10 Ang aking kalasag ay sa Dios. na nagliligtas ng matuwid sa puso.

11 Ang Dios ay matuwid na hukom, Oo, Dios na may galit araw-araw.

12 Kung ang tao ay hindi magbalik-loob, kaniyang ihahasa ang kaniyang tabak; kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at inihanda.

13 Inihanda rin naman niya ang mga kasangkapan ng kamatayan; kaniyang pinapagniningas ang kaniyang mga pana.

14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan; Oo, siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.

15 Siya'y gumawa ng balon, at hinukay, at nahulog sa hukay na kaniyang ginawa.

16 Ang kaniyang gawang masama ay magbabalik sa kaniyang sariling ulo, at ang kaniyang pangdadahas ay babagsak sa kaniyang sariling bunbunan.

17 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon, ayon sa kaniyang katuwiran: at aawit ng pagpupuri sa pangalan ng Panginoon na Kataastaasan.

Amos 3:9-4:5

Ihayag ninyo sa mga palacio sa Asdod, at sa mga palacio sa lupain ng Egipto, at inyong sabihin, Magpipisan kayo sa mga bundok ng Samaria, at inyong masdan kung anong laking ingay ang nandoon, at kung anong pahirap ang nasa gitna niyaon.

10 Sapagka't hindi sila marunong magsigawa ng matuwid, sabi ng Panginoon, na nagiimbak ng pangdadahas at pagnanakaw sa kanilang mga palacio.

11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kaaway ay paririto sa palibot ng lupain; at kaniyang ibabagsak ang lakas mo sa iyo, at ang iyong mga palacio ay sasamsaman.

12 Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung paanong inaagaw ng pastor sa bibig ng leon ang dalawang hita, o ang isang putol ng tainga; gayon ililigtas ang mga anak ni Israel na nangauupo sa Samaria sa sulok ng hiligan, at sa mga sedang colchon ng higaang malaki.

13 Dinggin ninyo, at patotohanan ninyo laban sa sangbahayan ni Jacob, sabi ng Panginoong Dios, ng Dios ng mga hukbo.

14 Sapagka't sa araw na aking dadalawin ang mga pagsalangsang ng Israel sa kaniya, aking dadalawin din ang mga dambana ng Beth-el, at ang mga sungay ng dambana ay mahihiwalay, at malalaglag sa lupa.

15 At aking sisirain ang bahay na pangtagginaw na kasabay ng bahay na pangtaginit; at ang mga bahay na garing ay mangawawala, at ang mga malaking bahay ay magkakawakas, sabi ng Panginoon.

Dinggin ninyo ang salitang ito, Oh mga baka ng Basan, na nangasa bundok ng Samaria, na nagsisipighati sa mga dukha, na nagsisigipit sa mga mapagkailangan, na nangagsasabi sa kanilang mga panginoon, Dalhin ninyo rito, at ating inumin.

Ang Panginoong Dios ay sumumpa sa pamamagitan ng kaniyang kabanalan, na, narito, ang mga kaarawan ay darating sa inyo, na kanilang huhulihin kayo ng mga taga ng bingwit, at ang nalabi sa inyo ay ng mga pamingwit.

At kayo'y magsisilabas sa mga sira, na bawa't isa'y tuloytuloy; at kayo'y mangagpapakatapon sa Harmon, sabi ng Panginoon.

Magsiparoon kayo sa Beth-el, at magsisalangsang kayo; sa Gilgal, at paramihin ninyo ang pagsalangsang; at inyong dalhin ang inyong mga hain tuwing umaga, at ang inyong mga ikasangpung bahagi tuwing tatlong araw;

At kayo'y mangaghandog ng hain ng pasasalamat na may lebadura, at kayo'y mangaghayag ng kusang mga handog at inyong itanyag; sapagka't ito'y nakalulugod sa inyo, Oh ninyong mga anak ni Israel, sabi ng Panginoong Dios.

Santiago 2:1-7

Mga kapatid ko, yayamang mayroon kayong pananampalataya ng ating Panginoong Jesucristo, na Panginoon ng kaluwalhatian ay huwag magtatangi sa mga tao.

Sapagka't kung may pumapasok sa inyong sinagoga ang isang tao na may singsing na ginto, at may magandang kasuotan, at may pumapasok namang isang dukha na may damit na hamak;

At inyong itangi ang may suot na damit na maganda, at inyong sabihin, Maupo ka rito sa dakong mabuti; at sa dukha ay inyong sabihin, Tumayo ka riyan, o maupo ka sa ibaba ng aking tungtungan;

Hindi baga kayo'y nagtatangi sa inyong sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pagiisip?

Dinggin ninyo, mga minamahal kong kapatid; hindi baga pinili ng Dios ang mga dukha sa sanglibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya, at mga tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagsisiibig sa kaniya?

Nguni't inyong niwalang-puri ang dukha. Hindi baga kayo'y pinahihirapan ng mayayaman, at sila rin ang kumakaladkad sa inyo sa harapan ng mga hukuman?

Hindi baga nilalapastangan nila yaong marangal na pangalan na sa inyo'y itinatawag?

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain