Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Patotoo ni Asaf. Isang Awit.
80 O(A) Pastol ng Israel, iyong pakinggan,
ikaw na pumapatnubay kay Jose na parang kawan;
ikaw na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin, ikaw ay magliwanag
2 sa harapan ng Efraim, ng Benjamin at ng Manases!
Pakilusin mo ang iyong kapangyarihan,
at pumarito ka upang kami'y iligtas.
3 Panunumbalikin mo kami, O Diyos;
paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
4 O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
hanggang kailan ka magagalit sa dalangin ng bayan mo?
5 Iyong pinakain sila ng tinapay ng mga luha,
at binigyan mo sila ng maiinom na mga luhang sagana.
6 Ginawa mo kaming kaalitan sa aming mga kalapit-bansa,
at ang mga kaaway namin ay nagtatawanang sama-sama.
7 Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas!
8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto;
iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito.
9 Inihanda mo ang lupa para doon,
ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.
14 Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo.
Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo;
pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15 ang punong itinanim ng kanang kamay mo,
at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
16 Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol;
sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol!
17 Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo,
sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo.
18 Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo;
bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo.
19 Panunumbalikin mo kami, O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
Ang Awit tungkol sa Ubasan
5 Paawitin(A) ninyo ako sa aking pinakamamahal,
ng awit ng aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:
Ang aking pinakamamahal ay may ubasan
sa matabang burol.
2 Kanyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato,
at tinamnan ng piling puno ng ubas,
nagtayo siya ng isang toreng bantayan sa gitna niyon,
at humukay doon ng isang pisaan ng ubas;
at kanyang hinintay na magbunga ng ubas,
ngunit nagbunga ito ng ligaw na ubas.
3 At ngayon, O mga mamamayan ng Jerusalem
at mga kalalakihan ng Juda,
hatulan ninyo, hinihiling ko sa inyo,
ako at ang aking ubasan.
4 Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan
na hindi ko nagawa? Sino ang nakakaalam?
Bakit, nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas,
ito'y nagbunga ng ubas na ligaw?
5 Ngayo'y aking sasabihin sa inyo
ang gagawin ko sa aking ubasan.
Aking aalisin ang halamang-bakod niyon,
at ito ay susunugin,
aking ibabagsak ang pader niyon
at ito'y magiging lupang yapakan.
6 Aking pababayaang sira;
hindi aalisan ng sanga o bubungkalin man;
magsisitubo ang mga dawag at mga tinik;
akin ding iuutos sa mga ulap,
na huwag nila itong paulanan ng ulan.
7 Sapagkat ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo
ay ang sambahayan ng Israel,
at ang mga tao ng Juda
ay ang kanyang maligayang pananim;
at siya'y naghintay ng katarungan,
ngunit narito, pagdanak ng dugo;
ng katuwiran,
ngunit narito, pagdaing!
Ang mga Gawa ng Laman
16 Subalit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu, at huwag ninyong bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman.
17 Sapagkat(A) ang laman ay nagnanasa laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa, upang hindi ninyo magawa ang mga bagay na nais ninyong gawin.
18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, kayo ay wala sa ilalim ng kautusan.
19 Ngayon ay hayag ang mga gawa ng laman, ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, kahalayan,
20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, alitan, pagtatalo, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi,
21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at ang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng aking pagbabala noong una sa inyo, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
Ang Bunga ng Espiritu
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan,
23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Laban sa mga ito ay walang kautusan.
24 At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito.
25 Kung tayo'y nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, lumakad din tayo sa patnubay ng Espiritu.
26 Huwag tayong maging palalo, na ginagalit ang isa't isa at naiinggit sa isa't isa.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001