Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Saklolo
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas. Awit ni David.
4 Sagutin mo ako kapag tumatawag ako,
O Diyos na tagapagtanggol ko!
Binigyan mo ako ng silid nang ako'y nasa kagipitan.
Maawa ka sa akin, at dalangin ko'y iyong pakinggan.
2 O tao, hanggang kailan magdaranas ng kahihiyan ang aking karangalan?
Gaano katagal mo iibigin ang mga salitang walang kabuluhan, at hahanapin ang kabulaanan? (Selah)
3 Ngunit alamin ninyo na ibinukod ng Panginoon para sa kanyang sarili ang banal;
ang Panginoon ay nakikinig kapag sa kanya ako'y nagdarasal.
4 Magalit(A) ka, subalit huwag kang magkakasala;
magbulay-bulay ka ng iyong puso sa iyong higaan, at tumahimik ka. (Selah)
5 Maghandog kayo ng matuwid na mga alay,
at ang inyong pagtitiwala sa Panginoon ilagay.
6 Marami ang nagsasabi, “Sana'y makakita kami ng ilang kabutihan!
O Panginoon, ang liwanag ng iyong mukha sa amin ay isilay!”
7 Ikaw ay naglagay ng kagalakan sa aking puso,
kaysa nang ang kanilang butil at alak ay sagana.
8 Payapa akong hihiga at gayundin ay matutulog;
sapagkat ikaw lamang, O Panginoon, ang gumagawa upang mamuhay ako sa katiwasayan.
2 Nang mga araw na iyon, akong si Daniel ay nagluluksa sa loob ng buong tatlong sanlinggo.
3 Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni pumasok man ang karne, ni alak sa aking bibig, ni nagpahid man ako ng langis sa loob ng buong tatlong sanlinggo.
4 Nang ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang ako'y nasa pampang ng malaking ilog na Hiddekel,[a]
5 aking(A) itiningin ang aking paningin at tumanaw, at nakita ko ang isang lalaki na may suot ng telang lino, na ang mga balakang ay binigkisan ng ginto ng Uphaz.
6 Ang kanyang katawan ay gaya ng berilo, ang kanyang mukha ay gaya ng anyo ng kidlat, ang kanyang mga mata ay gaya ng nagliliyab na sulo, ang kanyang mga kamay at mga paa ay gaya ng kislap ng pinakintab na tanso, at ang tunog ng kanyang mga salita ay gaya ng ingay ng napakaraming tao.
7 Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitaing iyon; hindi nakita ng mga lalaking kasama ko ang pangitain, gayunma'y dumating sa kanila ang isang matinding takot, at sila'y tumakas upang magkubli.
8 Kaya't iniwan akong nag-iisa, at nakita ko ang dakilang pangitaing ito. Walang lakas na naiwan sa akin, at ang aking kulay ay namutlang parang patay at walang nanatiling lakas sa akin.
9 Ngunit narinig ko ang tunog ng kanyang mga salita; at nang aking marinig ang tunog ng kanyang mga salita, ang mukha ko'y napasubasob sa lupa sa isang mahimbing na pagkakatulog.
10 Ngunit di nagtagal, narito, isang kamay ang humipo sa akin at ako'y itinayo na nanginginig ang aking mga kamay at mga tuhod.
11 At sinabi niya sa akin, “O Daniel, ikaw na lalaking pinakamamahal, unawain mo ang mga salita na aking sasabihin sa iyo. Tumayo ka nang matuwid sapagkat sa iyo'y sinugo ako ngayon.” Nang kanyang masabi ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig.
12 Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong isipan sa pagkaunawa, at magpakababa sa iyong Diyos, ang iyong mga salita ay pinakinggan, at ako'y pumarito dahil sa iyong mga salita.
13 Ngunit(B) hinadlangan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw. Kaya't si Miguel na isa sa mga punong prinsipe ay dumating upang tulungan ako. At ako'y naiwan doon kasama ng mga hari ng Persia.
14 Pumarito ako upang ipaunawa sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga huling araw. Sapagkat mayroon pang pangitain para sa mga araw na iyon.”
15 Samantalang kanyang sinasabi sa akin ang mga salitang ito, itinungo ko ang aking mukha sa lupa at ako'y napipi.
16 At isang kahawig ng tao ang humipo sa aking mga labi. Ibinuka ko ang aking bibig at ako'y nagsalita. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa harapan ko, “O panginoon ko, dahil sa pangitain ay dumating sa akin ang mga paghihirap at nawalan ako ng lakas.
17 Paanong makikipag-usap ang lingkod ng aking panginoon sa aking panginoon? Sapagkat sa ngayon, walang nananatiling lakas sa akin, at walang naiwang hininga sa akin.”
18 Muli akong hinipo ng isa na kahawig ng tao, at kanyang pinalakas ako.
19 Kanyang sinabi, “O taong pinakamamahal, huwag kang matakot; kapayapaan ang sumaiyo. Magpakalakas ka at magpakatapang.” Nang siya'y magsalita sa akin, ako'y lumakas at nagsabi, “Magsalita ang aking panginoon, sapagkat pinalakas mo ako.”
26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga mandaraya sa inyo.
27 Tungkol sa inyo, ang pagpapahid[a] na inyong tinanggap ay nananatili sa inyo, kaya't hindi na ninyo kailangan pang kayo'y turuan ng sinuman. Ngunit kayo'y tinuturuan ng kanyang pagpapahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at ito'y totoo at hindi kasinungalingan, kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayo manatili sa kanya.
28 At ngayon, mga munting anak, manatili kayo sa kanya; upang kung mahayag siya ay magkaroon kayo ng pagtitiwala, at hindi mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001