Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:9-16

BETH.

Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
    Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
    O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
    upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
    ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
    gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
    at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
    hindi ko kalilimutan ang iyong salita.

Isaias 43:8-13

Ang Israel ang Saksi ng Panginoon

Iyong ilabas ang mga taong bulag, gayunma'y may mga mata,
    na mga bingi, gayunma'y may mga tainga!
Hayaang sama-samang magtipon ang lahat na bansa,
    at magpulong ang mga bayan.
Sino sa kanila ang makapagpapahayag nito,
    at makapagsasabi sa amin ng mga dating bagay?
Dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila'y mapawalang-sala,
    at dinggin nila, at sabihin, Katotohanan nga.
10 “Kayo'y aking mga saksi,” sabi ng Panginoon,
    “at aking lingkod na aking pinili,
upang inyong malaman at manampalataya kayo sa akin,
    at inyong maunawaan na Ako nga.
Walang diyos na inanyuan na una sa akin,
    o magkakaroon man pagkatapos ko.
11 Ako, ako ang Panginoon,
    at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
12 Ako'y nagpahayag, ako'y nagligtas, at ako'y nagpakilala,
    nang walang ibang diyos sa gitna ninyo;
    at kayo ang aking mga saksi,” sabi ng Panginoon.
13 “Ako ang Diyos, at mula sa walang hanggan ay ako nga;
    walang sinumang makapagliligtas mula sa aking kamay;
    ako'y gumagawa at sinong pipigil?”

2 Corinto 3:4-11

Gayon ang pagtitiwalang taglay namin sa pamamagitan ni Cristo tungo sa Diyos.

Hindi sa kami ay may kakayahan mula sa aming sarili upang angkinin ang anuman na nagmula sa amin, kundi ang aming kakayahan ay mula sa Diyos;

na(A) ginawa kaming may kakayahan na maging mga lingkod ng bagong tipan, hindi ng titik, kundi ng Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay.

Ngunit(B) kung ang pangangasiwa[a] ng kamatayan na nasusulat at nakaukit sa mga bato ay may kaluwalhatian, anupa't ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kanyang mukha, na ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas,

paanong ang pangangasiwa[b] ng Espiritu ay hindi lalong magkakaroon ng kaluwalhatian?

Sapagkat kung ang pangangasiwa[c] ng kahatulan ay may kaluwalhatian, ang pangangasiwa ng katuwiran ay lalong may higit na kaluwalhatian.

10 Tunay na sa ganitong kalagayan, ang dating may kaluwalhatian ay nawalan ng kanyang kaluwalhatian, dahil sa kaluwalhatiang nakahihigit dito.

11 Sapagkat kung ang bagay na lumilipas ay may kaluwalhatian, ang nananatili ay may higit pang kaluwalhatian.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001