Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 31:31-34

31 Narito,(A) (B) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y gagawa ng panibagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda,

32 hindi katulad ng tipan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno nang kunin ko sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto—ang aking tipan na kanilang sinira, bagaman ako'y asawa[a] sa kanila, sabi ng Panginoon.

33 Ngunit(C) ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako'y magiging kanilang Diyos at sila'y magiging aking bayan.

34 At(D) hindi na tuturuan ng bawat isa sa kanila ang kanyang kapwa, at ng bawat tao ang kanyang kapatid, na magsasabi, ‘Kilalanin mo ang Panginoon;’ sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakahamak sa kanila hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa,” sabi ng Panginoon.

Mga Awit 51:1-12

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, nang si Natan na propeta ay dumating sa kanya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Batseba.

51 Maawa(A) ka sa akin, O Diyos,
    ayon sa iyong tapat na pag-ibig;
ayon sa iyong saganang kaawaan
    ay pawiin mo ang aking mga paglabag.
Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
    at linisin mo ako sa aking kasalanan.

Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko,
    at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko.
Laban(B) sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
    at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin,
upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita
    at walang dungis sa iyong paghatol.
Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan;
    at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan.

Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao,
    at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan.
Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis;
    hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan;
    hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak.
Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
    at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan.

10 Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos;
    at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin,
    at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas,
    at alalayan ako na may espiritung nagnanais.

Mga Awit 119:9-16

BETH.

Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
    Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
    O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
    upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
    ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
    gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
    at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
    hindi ko kalilimutan ang iyong salita.

Mga Hebreo 5:5-10

Maging(A) si Cristo man ay hindi lumuwalhati sa kanyang sarili upang maging pinakapunong pari, kundi itinalaga ng nagsabi sa kanya,

“Ikaw ay aking Anak,
    ako ngayon ay naging Ama mo.”

Gaya(B) rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”

Sa(C) mga araw ng kanyang buhay dito sa mundo,[a] si Jesus[b] ay naghandog ng mga panalangin at mga pakiusap na may malakas na pagtangis at pagluha sa may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang magalang na pagpapasakop.

Bagama't siya'y isang Anak, siya'y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis,

at nang maging sakdal, siya ang naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya;

10 yamang itinalaga ng Diyos bilang pinakapunong pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.

Juan 12:20-33

Hinanap ng Ilang Griyego si Jesus

20 Kabilang sa mga umahon upang sumamba sa kapistahan ay ilang mga Griyego.

21 Ang mga ito'y lumapit kay Felipe, na taga-Bethsaida ng Galilea, at sinabi sa kanya, “Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.”

22 Umalis si Felipe at sinabi kay Andres. Sumama si Andres kay Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.

23 Sinagot sila ni Jesus, “Dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin.

24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, ay nagbubunga ng marami.

25 Ang(A) umiibig sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan ito para sa buhay na walang hanggan.

26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung saan ako naroroon, ay naroroon din ang lingkod ko. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, siya'y pararangalan ng Ama.

Nagsalita si Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan

27 “Ngayon ay nababagabag ang aking kaluluwa. At ano ang aking sasabihin? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?’ Ngunit dahil dito ay dumating ako sa oras na ito.

28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At dumating ang isang tinig mula sa langit, “Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.”

29 Narinig ito ng maraming taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Sinabi naman ng iba na, “Isang anghel ang nakipag-usap sa kanya.”

30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, hindi para sa akin.

31 Ngayon ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin.

32 At ako, kapag ako'y itinaas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay papalapitin ko sa aking sarili.”

33 Ito'y sinabi niya, upang ipahiwatig kung sa anong uri ng kamatayan ang ikamamatay niya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001