Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 19

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
    at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
Sa araw-araw ay nagsasalita,
    at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
Walang pananalita o mga salita man;
    ang kanilang tinig ay hindi narinig.
Ngunit(A) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
    at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.

Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
    at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
    at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
    at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.

Ang Kautusan ng Diyos

Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,

    na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
    na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
    na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
    na nagpapaliwanag ng mga mata.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
    na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
    at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
    lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
    at sa pulot-pukyutang tumutulo.

11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
    Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
    Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
    at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
    ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
    O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.

Exodo 19:9-15

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ako'y darating sa iyo sa isang makapal na ulap, upang marinig ng bayan kapag ako'y nakikipag-usap sa iyo, at paniwalaan ka rin nila magpakailanman.” At sinabi ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.

10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumaroon ka sa bayan at italaga mo sila ngayon at bukas, at labhan nila ang kanilang mga kasuotan,

11 at humanda sa ikatlong araw, sapagkat sa ikatlong araw ay bababa ang Panginoon sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.

12 Lalagyan(A) mo ng mga hangganan ang bayan sa palibot, at iyong sasabihin, ‘Mag-ingat kayo, kayo'y huwag umakyat sa bundok, o humipo sa hangganan; sinumang humipo sa bundok ay papatayin.

13 Walang kamay na hihipo sa kanya, kundi siya'y babatuhin o papanain; maging hayop o tao ay hindi mabubuhay!’ Kapag ang tambuli ay tumunog nang mahaba, aakyat sila sa bundok.”

14 Bumaba si Moises sa bayan mula sa bundok, at pinabanal ang bayan, at nilabhan nila ang kanilang mga kasuotan.

15 Kanyang sinabi sa bayan, “Humanda kayo sa ikatlong araw; huwag kayong lalapit sa babae.”

Mga Gawa 7:30-40

30 “Nang(A) lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punungkahoy.

31 Nang makita ito ni Moises, namangha siya sa tanawin; at sa kanyang paglapit upang tingnan ay dumating ang tinig ng Panginoon:

32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.’ Nanginig si Moises at hindi nangahas tumingin.

33 At sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang mga sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal.

34 Totoong nakita ko ang kaapihan ng aking bayang nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayo'y lumapit ka, susuguin kita sa Ehipto.’

35 “Ang(B) Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, ‘Sino ang sa iyo'y naglagay na pinuno at hukom?’ ang siyang sinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagligtas sa pamamagitan ng anghel na sa kanya'y nagpakita sa mababang punungkahoy.

36 Sila'y(C) pinangunahan ng taong ito nang siya'y gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa Ehipto, at sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.

37 Ito(D) ang Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Pipili para sa inyo ang Diyos ng isang propeta mula sa inyong mga kapatid, gaya ng pagpili niya sa akin.’

38 Ito'y(E) yaong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga buháy na aral upang ibigay sa atin.

39 Ayaw sumunod sa kanya ng ating mga ninuno, kundi siya'y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso'y bumalik sila sa Ehipto,

40 na(F) sinasabi kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol dito kay Moises na naglabas sa amin sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kanya.’

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001