Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos at ang Kanyang Bayan(A)
105 O magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan;
ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan!
2 Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri;
sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa!
3 Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang kalakasan;
patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha!
5 Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa;
ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig,
6 O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya,
mga anak ni Jacob, na mga pinili niya!
7 Siya ang Panginoon nating Diyos;
ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa.
8 Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman,
ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi,
9 ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac,
10 na(C) kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin,
sa Israel bilang isang walang hanggang tipan,
11 na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
bilang iyong bahaging pinakamana.”
37 At(A) kanyang inilabas sila na may pilak at ginto;
at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod.
38 Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis;
sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila.
39 Kanyang(B) inilatag ang ulap bilang panakip,
at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y(C) humingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit.
41 Kanyang(D) binuksan ang bato at dumaloy ang tubig;
ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog.
42 Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita,
at si Abraham na kanyang lingkod.
43 At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan,
at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan.
44 At(E) ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa;
at inangkin nila ang paggawa ng mga tao,
45 upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin,
at ang kanyang mga kautusan ay sundin.
Purihin ang Panginoon!
Iniutos ng Diyos na Ihandog ni Abraham si Isaac
22 Pagkatapos(A) ng mga bagay na ito, sinubok ng Diyos si Abraham, at sinabi sa kanya, “Abraham,” at sinabi niya, “Narito ako.”
2 At(B) kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya bilang handog na susunugin sa itaas ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.”
3 Si Abraham ay maagang bumangon at inihanda ang kanyang asno. Isinama niya ang dalawa sa kanyang mga batang tauhan at si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin; at siya'y naghanda at pumunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos.
4 Nang ikatlong araw ay tumingin si Abraham at kanyang natanaw ang lugar na iyon sa malayo.
5 Sinabi ni Abraham sa kanyang mga batang tauhan, “Maghintay kayo rito at ng asno, at ako at ang bata ay pupunta roon upang kami ay sumamba. Babalikan namin kayo.”
6 At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang patalim at sila'y umalis na magkasama.
7 Nagsalita si Isaac kay Abraham na kanyang ama, “Ama ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako, anak.” Sinabi niya, “Narito ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang korderong handog na susunugin?”
8 Kaya't sinabi ni Abraham, “Anak ko, ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin.” At sila'y umalis na magkasama.
9 At(C) sila'y dumating sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nagtayo roon si Abraham ng isang dambana, inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng kahoy na nasa ibabaw ng dambana.
10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang patalim upang patayin ang kanyang anak.
11 Ngunit tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, “Abraham, Abraham.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”
12 At sa kanya'y sinabi, “Huwag mong sasaktan ang bata, o gawan man siya ng anuman, sapagkat ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak.”
13 Kaya't tumingin si Abraham, at nakita niya ang isang tupang lalaki sa likuran niya na ang mga sungay ay sumabit sa mga tinik. Lumapit si Abraham at kinuha ang tupa, at siyang inialay na handog na susunugin kapalit ng kanyang anak.
14 Kaya't tinawag ni Abraham ang lugar na iyon Yahweh-yireh.[a] Kaya't sinasabi hanggang sa araw na ito: “Sa bundok ng Panginoon ito ay ipagkakaloob.”
15 Mula sa langit ay muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham.
16 At(D) sinabi niya, “Sumumpa ako sa aking sarili,” wika ng Panginoon, “sapagkat ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak;
17 tunay(E) na pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat; at makakamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway.
18 At(F) sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa, sapagkat sinunod mo ang aking tinig.”
19 Kaya't bumalik si Abraham sa kanyang mga batang tauhan, at sila'y tumayo at sama-samang nagtungo sa Beer-seba; at nanirahan si Abraham sa Beer-seba.
Ang Pananampalataya
11 Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.
2 Tunay na sa pamamagitan nito ang mga tao noong una ay tumanggap ng patotoo.
3 Sa(A) pananampalataya ay nauunawaan natin na ang mga sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nagmula sa mga bagay na hindi nakikita.
13 Ang(A) lahat ng mga ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, ngunit mula sa malayo ang mga iyon ay kanilang natanaw at binati. Kanilang ipinahayag na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa,
14 sapagkat ang mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nagpapakilalang sila ay naghahanap ng sariling bayan.
15 Kung kanilang naalala ang kanilang pinanggalingan, nagkaroon sana sila ng pagkakataong makabalik.
16 Ngunit sila ay nagnanais ng isang higit na mabuting lupain, samakatuwid ay ang makalangit. Kaya't ang Diyos ay hindi nahihiyang tawaging Diyos nila, sapagkat kanyang ipinaghanda sila ng isang lunsod.
17 Sa(B) pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay kanyang inihandog si Isaac. Siya na tumanggap ng mga pangako ay handang maghandog ng kanyang bugtong na anak,
18 na(C) tungkol sa kanya ay sinabi, “Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi.”
19 Itinuring niya na maging mula sa mga patay ay maaaring buhayin ng Diyos ang isang tao, at sa matalinghagang pananalita, siya'y muli niyang tinanggap.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001