Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 111

Awit ng Pagpupuri sa Kadakilaan ni Yahweh

111 Purihin si Yahweh!

Buong puso siyang pasasalamatan,
    aking pupurihin sa gitna ng bayan kasama ng mga lingkod na hinirang.
Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila,
    mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala;
lahat niyang gawa'y dakila at wagas,
    katuwiran niya'y hindi magwawakas.

Hindi maaalis sa ating gunita,
    si Yahweh ay mabuti't mahabaging lubha.
Ang sa kanya'y gumagalang pagkain ay sagana;
    pangako ni Yahweh ay di nasisira.
Ipinadama niya sa mga hinirang, ang kapangyarihan niyang tinataglay,
    nang ibigay niya lupa ng dayuhan.

Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
    at maaasahan lahat niyang batas.
Ito ay lalagi at di magwawakas,
    pagkat ang saliga'y totoo't matapat.
Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang,
    may ipinangakong walang hanggang tipan;
    Banal at dakila ang kanyang pangalan!
10 Ang(A) pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan.
    Taong masunurin, pupurihing lubos.
Purihin ang Diyos magpakailanman!

Deuteronomio 12:28-32

28 Sundin ninyong mabuti ang mga tagubilin ko sa inyo at magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak sa habang panahon, sapagkat ang pagsunod na ito'y tama at katanggap-tanggap kay Yahweh na inyong Diyos.

Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan

29 “Kapag napalayas na ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tao sa lupaing iyon at kayo na ang nakatira roon, 30 huwag ninyong tutularan ang kasuklam-suklam nilang gawain. Huwag na ninyong alamin pa kung paano sila sumamba sa mga diyos nila, baka gayahin pa ninyo ang mga iyon. 31 Huwag ninyong gagawin kay Yahweh ang karumal-dumal na gawain nila sa pagsamba sa kanilang diyus-diyosan gaya ng pagsusunog ng kanilang anak bilang handog.

32 “Sundin(A) ninyong mabuti ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan.

Pahayag 2:12-17

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Pergamo

12 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo:

“Ito ang sinasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. 13 Alam ko kung saan ka nakatira, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa lugar na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit(A) may ilang bagay na ayaw ko sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid. 15 May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig.

17 “Ang(B) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong pagkain[a]. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon.”