Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 46

Ang Diyos ay Sumasaatin

Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]

46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
    at handang saklolo kung may kaguluhan.
Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
    kahit na sa dagat ang bundok matangay;
kahit na magngalit yaong karagatan,
    at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]

May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
    sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
    ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
    mula sa umaga ay kanyang alaga.
Nangingilabot din bansa't kaharian,
    sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.

Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]

Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
    sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
Maging pagbabaka ay napatitigil,
    sibat at palaso'y madaling sirain;
    baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
    kataas-taasan sa lahat ng bansa,
    sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”

11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]

Genesis 45:25-46:7

25 Umalis nga sila sa Egipto at umuwi sa Canaan. 26 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jacob, “Ama, buháy pa po si Jose! Siya ngayon ang namamahala sa buong Egipto!” Natigilan si Jacob, at halos hindi siya makapaniwala sa balitang ito.

27 Ngunit nang maisalaysay sa kanya ang bilin ni Jose at makita ang mga karwaheng ipinadala ni Jose, sumigla ang kanyang kalooban.

28 “Salamat sa Diyos!” sabi ni Jacob. “Buháy pa pala ang aking anak! Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”

Nagpunta sa Egipto ang Sambahayan ni Jacob

46 Naglakbay nga si Israel, dala ang lahat niyang ari-arian. Pagdating sa Beer-seba, naghandog siya sa Diyos ng kanyang amang si Isaac. Pagsapit ng gabi, tinawag siya ng Diyos sa isang pangitain, “Jacob, Jacob!”

“Narito po ako,” sagot niya.

“Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama,” sabi sa kanya. “Huwag kang matakot na pumunta sa Egipto. Doon, ang lahi mo'y magiging isang malaking bansa. Sasamahan ko kayo roon at ibabalik muli rito. Nasa piling mo si Jose kapag ikaw ay namatay.”

Mula sa Beer-seba'y naglakbay si Jacob. Siya, at ang kanyang mga apo at mga manugang ay isinakay ng kanyang mga anak sa mga karwaheng ipinadala ng Faraon. Dinala(A) rin nila sa Egipto ang kanilang mga kawan at kagamitan mula sa Canaan. Kasama nga niya ang kanyang mga anak, mga manugang at mga apo.

Mga Gawa 5:33-42

33 Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Kapulungan nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol. 34 Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, 35 at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito. 36 Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan. 37 Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkawatak-watak din ang mga tagasunod niya. 38 Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho. 39 Ngunit(A) kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!”

Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel. 40 Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya. 41 Nilisan ng mga apostol ang Kapulungan at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 At araw-araw, sa Templo at sa mga bahay-bahay, walang tigil silang nagturo at nangaral ng magandang balita tungkol kay Jesus, ang Cristo.