Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Hangad ng Taong Lumapit sa Piling ng Panginoon
42 Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik,
O Dios, ako sa inyoʼy nananabik.
2 Akoʼy nauuhaw sa inyo, Dios na buhay.
Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo?
3 Araw-gabiʼy, luha ko lang ang pagkain ko,
habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway,
“Nasaan na ang Dios mo?”
4 Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa templo.
At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
6-7 Nanghihina ang loob ko.
Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,
na umuugong na parang tubig sa talon.
Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog ng Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar.
8 Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig.
Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo,
O Dios na nagbigay ng buhay ko.
9 O Dios, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong,
“Bakit nʼyo ako kinalimutan?
Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?”
10 Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.
Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Dios mo?”
11 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng makapal na ulap para marinig ng mga tao ang pakikipag-usap ko sa iyo, at nang lagi silang magtiwala sa iyo.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
10 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga tao at sabihin sa kanilang linisin ang sarili nila[a] ngayon at bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit. 11 Siguraduhing handa sila sa ikatlong araw, dahil sa araw na iyon, ako, ang Panginoon ay bababa sa Bundok ng Sinai na kitang-kita ng mga tao. 12 Maglagay ka ng tanda sa paligid ng bundok kung hanggang saan lamang tatayo ang mga tao. Sabihin mo sa kanila na huwag silang aakyat o lalapit sa bundok. Ang sinumang lalapit sa bundok ay papatayin, 13 tao man o hayop. Kung gagawin niya ito, babatuhin siya o kaya naman ay papanain; walang kamay na hihipo sa kanya. Makakaakyat lang ang mga tao sa bundok kapag pinatunog na nang matagal ang tambuli.”
14 Bumaba si Moises sa bundok at inutusan niya silang linisin ang mga sarili nila. At nilabhan ng mga tao ang kanilang mga damit. 15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Ihanda ninyo ang mga sarili ninyo para sa ikatlong araw; huwag muna kayong makipagtalik sa inyong asawa.”
16 Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo. 17 Pagkatapos, dinala ni Moises sa labas ng kampo ang mga tao para makipagkita sa Dios, at tumayo sila sa paanan ng bundok. 18 Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok,[b] 19 at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kulog.[c]
20 Bumaba ang Panginoon sa ibabaw ng Bundok ng Sinai, at tinawag niya si Moises na umakyat sa ibabaw ng bundok. Kaya umakyat si Moises, 21 at sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka sa ibaba at balaan mo sila na huwag na huwag silang lalampas sa hangganan na inilagay sa paligid ng bundok para tingnan ako, dahil kung gagawin nila ito, marami sa kanila ang mamamatay. 22 Kahit na ang mga pari na palaging lumalapit sa presensya koʼy kailangang maglinis ng kanilang mga sarili dahil kung hindi, parurusahan ko rin sila.”
23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Paano po aakyat ang mga tao sa bundok gayong binigyan nʼyo na kami ng babala na ituring naming banal ang bundok, at sinabihan nʼyo kaming lagyan ng tanda ang paligid ng bundok kung hanggang saan lang kami tatayo.”
24 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumaba ka at dalhin si Aaron dito. Pero ang mga pari at ang mga tao ay hindi dapat pumunta rito sa akin, para hindi ko sila parusahan.”
25 Kaya bumaba si Moises at sinabihan ang mga tao.
2 Doon ay may mga taong nagdala sa kanya ng isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 3 Nang marinig ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon, sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan ng taong ito ang Dios.” 4 Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng masama? 5 Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 6 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na akong Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” 7 Tumayo nga ang paralitiko at umuwi. 8 Namangha ang mga tao nang makita nila ito, at pinapurihan nila ang Dios na nagbigay sa mga tao ng ganoong kapangyarihan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®