Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kagalakan sa Panahon ng Kahirapan
77 Tumawag ako nang malakas sa Dios.
Tumawag ako sa kanya upang akoʼy kanyang mapakinggan.
2 Sa panahon ng kahirapan, nananalangin ako sa Panginoon.
Pagsapit ng gabi nananalangin akong nakataas ang aking mga kamay, at hindi ako napapagod,
ngunit wala pa rin akong kaaliwan.
3 Kapag naaalala ko ang Dios,
napapadaing ako at para bang nawawalan na ng pag-asa.
4 Hindi niya ako pinatutulog,
hindi ko na alam ang aking sasabihin, dahil balisang-balisa ako.
5 Naaalala ko ang mga araw at taong lumipas.
6 Naaalala ko ang mga panahong umaawit ako[a] sa gabi.
Nagbubulay-bulay ako at tinatanong ang aking sarili:
7 “Habang buhay na ba akong itatakwil ng Panginoon?
Hindi na ba siya malulugod sa akin?
8 Nawala na ba talaga ang pag-ibig niya para sa akin?
Ang kanyang pangako ba ay hindi na niya tutuparin?
9 Nakalimutan na ba niyang maging maawain?
Dahil ba sa kanyang galit kaya nawala na ang kanyang habag?”
10 At sinabi ko, “Ang pinakamasakit para sa akin ay ang malamang hindi na tumutulong ang Kataas-taasang Dios.”
11 Panginoon, aalalahanin ko ang inyong mga gawa.
Gugunitain ko ang mga himalang ginawa nʼyo noon.
12 Iisipin ko at pagbubulay-bulayan ang lahat ng inyong mga dakilang gawa.
13 O Dios, ibang-iba ang inyong mga pamamaraan.
Wala nang ibang Dios na kasindakila ninyo.
14 Kayo ang Dios na gumagawa ng mga himala.
Ipinapakita nʼyo sa mga tao ang inyong kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan iniligtas nʼyo ang inyong mga mamamayan na mula sa lahi nina Jacob at Jose.
16 Ang mga tubig, O Dios ay naging parang mga taong natakot at nanginig nang makita kayo.
17 Mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan,
kumulog sa langit at kumidlat kung saan-saan.
18 Narinig ang kulog mula sa napakalakas na hangin;
ang mga kidlat ay nagbigay-liwanag sa mundo, at nayanig ang buong daigdig.
19 Tinawid nʼyo ang karagatang may malalaking alon,
ngunit kahit mga bakas ng paa nʼyo ay hindi nakita.
20 Sa pamamagitan nina Moises at Aaron,
pinatnubayan nʼyo ang inyong mga mamamayan na parang mga tupa.
Tumawid ang mga Israelita sa Jordan
3 Maaga paʼy bumangon na si Josue at ang lahat ng mga Israelita. Umalis sila sa Shitim at pumunta sa Ilog ng Jordan. Nagkampo muna sila roon bago sila tumawid. 2 Pagkalipas ng tatlong araw, nag-ikot sa kampo ang mga pinuno 3 at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita nʼyong dinadala ng mga pari na ma Levita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Dios, sumunod kayo sa kanila, 4 para malaman nʼyo kung saan kayo dadaan, dahil hindi pa kayo nakakadaan doon. Pero huwag kayong lalapit sa Kahon ng Kasunduan; magkaroon kayo ng agwat na isang kilometro.”
5 Pagkatapos, sinabi ni Josue sa mga tao, “Linisin nʼyo ang inyong sarili[a] dahil bukas ipapakita sa inyo ng Panginoon ang mga kamangha-manghang bagay.” 6 Sinabi rin ni Josue sa mga pari, “Dalhin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan at mauna kayo sa mga tao.” Sinunod nila ang sinabi ni Josue.
7 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito, pararangalan kita sa harap ng lahat ng Israelita para malaman nilang sumasaiyo ako gaya ng pagsama ko kay Moises. 8 Sabihin mo sa mga paring tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan na pagtapak nila sa Ilog ng Jordan ay huminto muna sila.”
9 Kaya tinawag ni Josue ang mga tao, “Halikayo sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios. 10 Ngayon, malalaman nʼyo na sumasainyo ang buhay na Dios, dahil siguradong itataboy niya papalayo sa inyo ang mga Cananeo, Heteo, Hiveo, Perezeo, Girgaseo, Amoreo at mga Jebuseo. 11 Tiyakin nʼyo na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo ay mauuna sa inyo sa pagtawid sa Ilog ng Jordan. 12 Kaya ngayon, pumili kayo ng 12 lalaki, isa sa bawat lahi ng Israel. 13 Kapag lumusong na ang mga pari na tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ang Panginoon na makapangyarihan sa buong mundo, hihinto ang pagdaloy ng tubig sa Ilog ng Jordan. Ang tubig nito mula sa itaas ay maiipon sa isang lugar.”
14-15 Anihan noon at umaapaw ang tubig sa pampang ng ilog ng Jordan. Umalis ang mga tao sa mga kampo nila para tumawid sa ilog. Nauuna sa kanila ang mga paring buhat ang Kahon ng Kasunduan. Paglusong ng mga pari sa ilog, 16 huminto agad sa pagdaloy ang tubig. Naipon ang tubig sa malayo, sa lugar na tinatawag na Adam – isang bayan malapit sa Zaretan. Walang tubig na dumaloy papunta sa Dagat na Patay,[b] kaya nakatawid ang mga tao sa lugar na malapit sa Jerico. 17 Nakatayo sa gitna ng natuyong ilog ang mga pari na buhat ang Kahon ng Kasunduan habang tumatawid ang mga Israelita. Hindi sila umalis doon hanggaʼt hindi nakakatawid ang lahat.
23 Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
24 Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesa ng Egipto. 25 Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sakop ng Dios kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Cristo kaysa sa mga kayamanan ng Egipto, dahil inaasam niya ang gantimpalang matatanggap niya.
27 Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya niya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, para maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Egipcio.
29 Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Pero nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Egipcio, nalunod sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®