Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Genesis 2:15-17

15 Pinatira ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden ang taong nilikha niya para mag-alaga nito. 16 At sinabi niya sa tao, “Makakakain ka ng kahit anong bunga ng punongkahoy sa halamanan, 17 maliban lang sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama. Sapagkat sa oras na kainin mo ito, tiyak na mamamatay ka.”

Genesis 3:1-7

Ang Pagkakasala ng Tao

Sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Dios, ang ahas ang pinakatuso. Minsan, tinanong ng ahas ang babae, “Totoo bang pinagbabawalan kayo ng Dios na kumain ng bunga ng alin mang puno sa halamanan?”

Sumagot ang babae, “Makakain namin ang kahit anong bunga ng puno rito sa halamanan, maliban lang sa bunga ng puno na nasa gitna ng halamanan. Sapagkat sinabi ng Dios na hindi kami dapat kumain o humipo man lang ng bunga ng punong iyon. Kapag ginawa namin iyon, mamamatay kami.”

Pero sinabi ng ahas, “Hindi totoong mamamatay kayo! Sinabi iyan ng Dios dahil alam niya na kapag kumain kayo ng bungang iyon, mabubuksan ang mga isip ninyo, at magiging katulad niya kayo na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama.”

Nang pinagmasdan ng babae ang puno, napakaganda nitong tingnan at ang bunga ay parang masarap kainin, at dahil sa pagnanais niyang maging marunong, pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain din ito. Pagkatapos nilang kumain, nalaman nila kung ano ang mabuti at ang masama, at napansin nila na hubad pala sila. Kaya pinagtagni-tagni nila ang mga dahon ng puno ng igos para ipantakip sa kanilang katawan.

Salmo 32

Ang Paghahayag ng Kasalanan at Paghingi ng Kapatawaran sa Dios

32 Mapalad ang isang tao na ang mga pagsuway at mga kasalanan ay pinatawad at kinalimutan na ng Panginoon.
Mapalad ang tao na ang kasalanan ay hindi ibinibintang sa kanya ng Panginoon,
    at walang pandaraya sa kanyang puso.

Noong hindi ko pa ipinagtatapat ang aking mga kasalanan,
    buong araw akoʼy nanlulumo at nanghihina ang aking katawan.
Araw-gabi, hirap na hirap ako
    dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin.[a]
    Nawalan na ako ng lakas,
    tulad ng natuyong tubig sa panahon ng tag-araw.
Ngunit sa wakas, ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan sa inyo;
    hindi ko na ito itinago pa.
    Sinabi ko nga sa sarili ko, “Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon.”
    At pinatawad nʼyo ako.

Kaya manalangin sana ang lahat ng matapat sa inyo,
    habang may panahon pa.
    Kung dumating man ang kapighatian na parang baha,
    hindi sila mapapahamak.
Kayo ang aking kublihan;
    iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan,
    at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan.

Sinabi ng Panginoon sa akin,
    “Ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
    Papayuhan kita habang binabantayan.
Huwag kang tumulad sa kabayo o mola na walang pang-unawa,
    na kailangan pang rendahan upang mapasunod.”
10 Maraming hirap ang mararanasan ng taong masama,
    ngunit mamahalin ng Panginoon ang sa kanya ay nagtitiwala.
11 Kayong mga matuwid, magalak kayo at magsaya sa Panginoon.
    Kayong mga namumuhay ng tama,
    sumigaw kayo sa galak!

Roma 5:12-19

Si Adan at si Cristo

12 Dumating ang kasalanan sa mundo dahil sa paglabag ni Adan sa utos ng Dios. At dahil sa kasalanan, dumating din ang kamatayan. Kaya lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao, dahil nagkasala ang lahat. 13 Nasa mundo na ang kasalanan bago pa man ibigay ng Dios ang Kautusan. Pero hindi pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan kung wala namang Kautusan. 14 Ganoon pa man, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga taong hindi naman nagkasala nang tulad ni Adan na lumabag sa utos ng Dios.

Si Adan ay larawan ng Cristo na nooʼy inaasahang darating. 15 Pero magkaiba ang dalawang ito, dahil ang kaloob ng Dios ay hindi katulad sa kasalanan ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa maraming tao ang kasalanan ni Adan, pero mas nakakahigit ang biyaya at kaloob ng Dios na dumating sa maraming tao sa pamamagitan ng isang tao na walang iba kundi si Jesu-Cristo. 16 Ibang-iba ang idinulot ng kaloob ng Dios sa idinulot ng kasalanan ni Adan. Ang kasalanan ni Adan ay nagdulot ng kaparusahan, pero ang kaloob na ibinigay ng Dios sa kabila ng maraming kasalanan ay nagdulot ng kapatawaran. 17 Dahil sa kasalanan ng isang tao, naghari ang kamatayan, pero dahil sa ginawa ng isa pang tao na si Jesu-Cristo ang mga taong tumanggap ng masaganang biyaya at kaloob ng Dios ay itinuring niyang matuwid, at maghahari sila sa buhay na walang hanggan. 18 Kaya dahil sa kasalanan ng isang tao, ang lahat ay nahatulang maparusahan. Ganoon din naman, dahil sa matuwid na ginawa ng isang tao, ang lahat ay maituturing na matuwid at mabibigyan ng bagong buhay. 19 Kung sa pagsuway ng isang tao, marami ang naging makasalanan, ganoon din naman, dahil sa pagsunod ng isang tao marami ang itinuring ng Dios na matuwid.

Mateo 4:1-11

Ang Pagtukso kay Jesus(A)

Pagkatapos nito, dinala ng Banal na Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Doon ay nag-ayuno si Jesus ng 40 araw at 40 gabi, kaya nagutom siya. Dumating ang Manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang mga batong ito.” Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Dios.’ ”[a]

Dinala naman siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, doon sa pinakamataas na bahagi ng templo. At sinabi niya kay Jesus, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, tumalon ka. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. At aalalayan ka nila upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.’ ”[b] Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”[c]

Pagkatapos, dinala pa siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok, at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kayamanan at kadakilaan ng mga ito. At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo, kung luluhod ka at sasamba sa akin.” 10 Pero sinagot siya ni Jesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lamang ang iyong paglingkuran.’ ”[d]

11 Pagkatapos nito, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel ng Dios at naglingkod sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®