Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:105-112

105 Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.
106 Tutuparin ko ang aking ipinangako na susundin ang inyong matuwid na mga utos.
107 Hirap na hirap na po ako Panginoon;
    panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
108 Tanggapin nʼyo Panginoon ang taos-puso kong pagpupuri sa inyo,
    at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
109 Kahit na akoʼy palaging nasa bingit ng kamatayan,
    hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan.
110 Ang masasama ay naglagay ng patibong para sa akin,
    ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin.
111 Ang inyong mga turo ang aking mana na walang hanggan,
    dahil itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan.
112 Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang sa katapusan.

2 Hari 22:3-20

Natagpuan sa Templo ang Aklat ng Kautusan(A)

Nang ika-18 taon ng paghahari ni Josia, pinapunta niya sa templo ng Panginoon ang kanyang kalihim na si Shafan, na anak ni Azalia at apo ni Meshulam at sinabi, “Pumunta ka sa punong pari na si Hilkia at ipaipon mo sa kanya ang perang dinala ng mga tao sa templo ng Panginoon, na kinolekta ng mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo. Sabihin mo na ibigay niya ito sa mga taong pinagkakatiwalaang mamahala sa pagpapaayos ng templo, para ibayad sa mga manggagawa sa templo ng Panginoon – ang mga karpintero at mga kantero. Ang ibang pera ay ibibili nila ng mga kahoy at mga hinating bato na kailangan sa pagpapaayos ng templo. Hindi na sila kailangan pang hanapan ng listahan kung paano ginastos ang pera dahil mapagkakatiwalaan sila.”

Sinabi ni Hilkia na punong pari kay Shafan na kalihim, “Nakita ko ang Aklat ng Kautusan sa templo ng Panginoon.” Ibinigay ni Hilkia ang aklat kay Shafan at binasa niya ito. Pagkatapos, pumunta si Shafan sa hari at sinabi, “Kinuha na po ng mga opisyal ninyo ang pera sa templo at ibinigay sa mga katiwala na itinalaga sa pagpapaayos ng templo.” 10 Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay na aklat sa akin ang paring si Hilkia.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.

11 Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Aklat ng Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit bilang pagpapakita ng kalungkutan niya. 12 Inutusan niya sina Hilkia na pari, Ahikam na anak ni Shafan, Acbor na anak ni Micaya, Shafan na kalihim at Asaya na personal niyang lingkod. Sinabi niya, 13 “Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga mamamayan ng Juda tungkol sa nakasulat sa aklat na ito. Galit na galit ang Panginoon sa atin dahil hindi sumunod ang mga ninuno natin sa nakasulat dito. Hindi natin ginagawa ang mga ipinatutupad ng aklat na ito.”

14 Kaya pumunta ang paring si Hilkia, Ahikam, Acbor, Shafan at Asaya sa babaeng propeta na si Hulda para makipag-usap. Nakatira si Hulda sa ikalawang distrito ng Jerusalem. Asawa siya ni Shalum na anak ni Tikva at apo ni Harhas. Si Shalum ang namamahala ng mga damit sa templo.

15-16 Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin ninyo sa taong nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito, ayon sa nasusulat sa aklat na binasa mo. 17 Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinakwil ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila[a] sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa mga ginawa nila.’[b]

18 “Sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: 19 Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko na susumpain at lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabi na 20 habang buhay ka pa, hindi darating ang kapahamakan na ipapadala ko sa lugar na ito. Mamamatay ka nang may kapayapaan.”

At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.

Roma 11:2-10

Hindi itinakwil ng Dios ang kanyang mga mamamayan na sa simula paʼy pinili na niya. Hindi nʼyo ba natatandaan ang sinasabi sa Kasulatan nang ireklamo ni Propeta Elias sa Dios ang mga Israelita? Ang sabi ni Elias, “Panginoon, pinatay po nila ang inyong mga propeta at winasak ang inyong mga altar. Ako na lang po ang natitira at gusto pa nila akong patayin.” Pero ano ang isinagot sa kanya ng Dios? “Nagtira ako ng 7,000 Israelitang hindi sumasamba sa dios-diosang si Baal.” Ganyan din ngayon, may mga natitira pang mga Israelita na tapat sa Dios, na pinili niya dahil sa kanyang biyaya. Ngayon, kung ang pagkapili sa kanila ay dahil sa kanyang biyaya, hindi na ito nakasalalay sa kanilang mabubuting gawa. Sapagkat kung nakasalalay sa mabubuting gawa, hindi na ito biyaya.

Ngayon, masasabi natin na hindi nakamtan ng mga Israelita ang kanilang ninanais na maituring silang matuwid ng Dios. Ang mga pinili ng Dios ang siyang nagkamit nito, pero ang karamihan ay pinatigas ang ulo. Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa silang manhid ng Dios at hanggang ngayon ay para silang mga bulag o bingi sa katotohanan.” Sinabi rin ni David tungkol sa kanila: “Ang kanilang mga handog[a] sana ang magdala sa kanila ng kapahamakan, kasiraan, at kaparusahan. 10 Mabulag sana sila at magkandakuba sa bigat ng kanilang mga papasanin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®