Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mga Bunga ng Pagiging Matuwid
5 Kaya't yamang tayo'y itinuring nang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon na tayong pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan din niya ay nabuksan ang daan upang tamasahin natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.[a] Dahil dito ay nagagalak tayo, dahil na rin sa pag-asang makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. 3 At hindi lamang iyan. Nagagalak din tayo sa mga pagdurusang ating nararanasan, sapagkat alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 Ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pag-asa. 5 Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat ibinuhos ng Diyos sa ating puso ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin. 6 Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng buhay alang-alang sa isang taong matuwid, bagama't maaaring may mangahas mamatay dahil sa isang mabuting tao. 8 Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.
Nahabag si Jesus sa mga Tao
35 Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga lungsod at mga nayon, at nagtuturo sa mga sinagoga ng mga Judio at ipinapahayag ang Magandang Balita ng kaharian. Pinagagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang kanyang makita ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y nababalisa at nakakaawa, na gaya ng mga tupang walang pastol. 37 Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakarami ng aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. 38 Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng ánihin na magsugo siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”
Ang Labindalawang Apostol(A)
10 Tinawag ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng maruruming espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 2 Narito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una ay si Simon, na tinaguriang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kapatid niyang si Juan; 3 sina Felipe at Bartolome; sina Tomas at Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; 4 si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Jesus.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)
5 Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus at inatasan ng ganito, “Huwag kayong pupunta sa mga Hentil, ni papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel. 7 Sa inyong paghayo ay ipahayag ninyo: ‘Malapit nang dumating ang kaharian ng langit.’ 8 Ang mga maysakit ay inyong pagalingin, ang mga patay ay inyong buhayin, ang mga ketongin ay inyong linisin, at ang mga demonyo ay inyong palayasin. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ipamigay din ninyong walang bayad.
9 Huwag kayong magdadala ng ginto, pilak o tanso sa inyong lalagyan ng salapi, 10 o kaya'y ng supot para sa inyong paglalakbay, o ng dalawang bihisan, o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang pagkain. 11 At saanmang bayan o nayon kayo makarating, humanap kayo roon ng taong karapat-dapat. Makituloy kayo sa kanya hanggang sa inyong paglisan. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, basbasan ninyo ito. 13 At kung karapat-dapat ang sambahayang iyon, igawad ninyo ang inyong basbas ng kapayapaan doon, subalit kung hindi ito karapat-dapat, bawiin ninyo ang basbas ng kapayapaang iginawad ninyo. 14 Kung mayroong hindi tumanggap sa inyo o ayaw makinig sa inyong mga salita, ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon. 15 Tinitiyak ko sa inyo, mas kaaawaan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra kaysa sa bayang iyon.
Mga Pag-uusig na Darating(A)
16 “Tandaan ninyo, isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, sapagkat may mga magkakanulo sa inyo sa mga hukuman at hahagupit sa inyo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadakpin kayo at ihaharap sa mga tagapamahala at sa mga hari dahil sa akin, upang magbigay-patotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag kayo'y ipinadakip, huwag ninyong ipangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras ding iyon. 20 Hindi na kayo ang nagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo. 21 Magkakanulo ang kapatid sa kapatid upang ito'y ipapatay, pati ang ama sa kanyang anak, at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at kanilang ipapapatay ang mga ito. 22 Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit ang makatagal hanggang sa wakas ay maliligtas. 23 Kapag ginigipit nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo papunta sa kasunod, sapagkat tinitiyak ko sa inyo, hindi pa ninyo nararating ang lahat ng mga bayan sa Israel ay darating na ang Anak ng Tao.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.