Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 84:1-7

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.

84 Napakaganda ng tahanan mo,
    O Panginoon ng mga hukbo!
Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
    para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
    sa buháy na Diyos.

Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
    at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
    na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
    Hari ko, at Diyos ko.
Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
    na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)

Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
    na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
    ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
    kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
    ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.

Jeremias 9:17-26

Humingi ng Saklolo ang Jerusalem

17 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Isaalang-alang ninyo, at tawagin ninyo upang pumarito ang mga babaing tagatangis,
    at inyong ipasundo ang mga babaing tagaiyak, upang sila'y pumarito!
18 Magmadali sila, at magsihagulhol para sa atin,
    upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha,
    at ang ating mga talukap-mata ay labasan ng tubig.
19 Sapagkat ang tinig ng pagtangis ay naririnig mula sa Zion,
    ‘Tayo'y wasak na wasak!
    Tayo'y nalagay sa malaking kahihiyan,
sapagkat iniwan natin ang lupain,
    sapagkat kanilang ibinagsak ang ating mga tirahan.’”

20 Ngayo'y pakinggan ninyo, O mga kababaihan, ang salita ng Panginoon,
    at tanggapin ng inyong pandinig ang salita ng kanyang bibig;
at turuan ninyo ng pagtangis ang inyong mga anak na babae
    at ng panaghoy ang bawat isa sa kanyang kapwa.
21 Sapagkat ang kamatayan ay umakyat sa ating mga bintana,
    ito'y nakapasok sa ating mga palasyo,
upang lipulin ang mga bata sa mga lansangan
    at ang mga binata sa mga liwasang-bayan.
22 Magsalita ka: “Ganito ang sabi ng Panginoon,
‘Ang mga bangkay ng mga tao ay mabubuwal
    na parang dumi sa kaparangan,
gaya ng bigkis sa likod ng manggagapas,
    at walang magtitipon sa mga iyon!’”

23 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Huwag magmapuri ang marunong sa kanyang karunungan, at huwag magmapuri ang makapangyarihan sa kanyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kanyang kayamanan;

24 kundi(A) ang nagmamapuri ay dito magmapuri, na kanyang nauunawaan at nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa ng kagandahang-loob, ng katarungan, at ng katuwiran sa daigdig; sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.”

25 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na parurusahan ko ang lahat ng mga tuli gayunma'y hindi tuli—

26 ang Ehipto, Juda, Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ni Moab, at ang lahat ng naninirahan sa ilang na inaahit ang buhok sa kanilang noo, sapagkat ang lahat ng mga bansang ito ay hindi tuli, at ang buong sambahayan ng Israel ay hindi tuli sa puso.”

2 Timoteo 3:10-15

Mga Huling Habilin

10 Ngayon, sinunod mong mabuti ang aking aral, pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig, at pagtitiis,

11 mga(A) pag-uusig, mga pagdurusa, anumang mga bagay ang nangyari sa akin sa Antioquia, Iconio, Listra. Napakaraming pag-uusig ang tiniis ko! Ngunit sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon.

12 Tunay na ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig.

13 Subalit ang masasamang tao at mga mandaraya ay lalong sasama nang sasama, sila'y mandaraya at madadaya.

14 Subalit manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matatag na pinaniwalaan, yamang nalalaman mo kung kanino ka natuto,

15 at kung paanong mula sa pagkabata ay iyong nalaman ang mga banal na kasulatan na makakapagturo sa iyo tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001