Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 57

57 Maawa ka sa akin, Oh Dios, maawa ka sa akin; sapagka't ang aking kaluluwa ay nanganganlong sa iyo. Oo, sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako, hanggang sa makaraan ang mga kasakunaang ito.

Ako'y dadaing sa Dios na Kataastaasan; sa Dios na nagsagawa ng lahat na mga bagay sa akin.

Siya'y magsusugo mula sa langit, at ililigtas ako, pagka yaong lulunok sa akin ay dumuduwahagi; (Selah) susuguin ng Dios ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang katotohanan.

Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon: ako'y nahihiga sa gitna niyaong mga pinaningasan ng apoy, sa mga anak ng tao, na ang mga ngipin ay sibat at mga pana, at ang kanilang dila ay matalas na tabak.

Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit; mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.

Kanilang hinandaan ng silo ang aking mga hakbang. Ang aking kaluluwa ay nakayuko: sila'y nagsihukay ng isang lungaw sa harap ko. Sila'y nangahulog sa gitna niyaon. (Selah)

Ang aking puso ay matatag, Oh Dios, ang aking puso ay matatag: ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri.

Gumising ka, kaluwalhatian ko; gumising ka, salterio at alpa: ako'y gigising na maaga.

Ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bayan: ako'y aawit sa iyo ng mga pagpuri sa gitna ng mga bansa.

10 Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay dakila hanggang sa mga langit, at ang iyong katotohanan hanggang sa mga alapaap.

11 Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit; mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.

1 Samuel 25:2-22

At may isang lalake sa Maon, na ang mga pag-aari ay nasa Carmelo; at ang lalake ay lubhang dakila, at siya'y mayroong tatlong libong tupa, at isang libong kambing; at kaniyang ginugupitan ng balahibo ang kaniyang tupa sa Carmelo.

Ang pangalan nga ng lalake ay Nabal; at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Abigail: at ang babae ay matalino, at may magandang pagmumukha; nguni't ang lalake ay masungit at masama sa kaniyang mga gawa; at siya'y supling sa sangbahayan ni Caleb.

At narinig ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kaniyang tupa.

At nagsugo si David ng sangpung bataan, at sinabi ni David sa mga bataan, Umahon kayo sa Carmelo, at kayo'y pumaroon kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan:

At ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya na nabubuhay na maginhawa, Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sangbahayan, at kapayapaan nawa ang suma lahat ng iyong tinatangkilik.

At ngayo'y aking narinig na ikaw ay nagpapagupit ng balahibo ng tupa; ang iyong mga pastor nga ay nasa sa amin, at hindi namin inano sila, o nagkulang man ng anomang bagay sa kanilang buong panahon na kanilang ikinaroon sa Carmelo.

Tanungin mo ang iyong mga bataan at kanilang sasaysayin sa iyo: kaya't makasumpong nawa ng biyaya sa iyong mga mata ang mga bataan; sapagka't kami ay naparito sa mabuting araw: isinasamo ko sa iyo, na ibigay mo ang anomang masumpungan mo ng iyong kamay, sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na kay David.

At nang dumating ang mga bataan ni David, kanilang sinalita kay Nabal ang ayon sa lahat ng mga salitang yaon sa pangalan ni David, at nagsitahimik.

10 At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, Sino si David? at sino ang anak ni Isai? maraming mga bataan ngayon sa mga araw na ito na nagsisilayas bawa't isa sa kaniyang panginoon.

11 Akin nga bang kukunin ang aking tinapay at ang aking tubig, at ang aking hayop na aking pinatay dahil sa aking mga manggugupit, at aking ibibigay sa mga tao na hindi ko nakikilala kung taga saan?

12 Sa gayo'y ang mga bataan ni David ay pumihit sa kanilang lakad, at nagsibalik, at naparoon, at isinaysay sa kaniya ang ayon sa lahat ng mga salitang ito.

13 At sinabi ni David sa kaniyang mga lalake, Ibigkis ng bawa't isa sa inyo ang kaniyang tabak. At nagbigkis ang bawa't isa ng kaniyang tabak; at si David ay nagbigkis din ng kaniyang tabak: at ang umahon na sumunod kay David ay may apat na raang lalake; at naiwan ang dalawang daan sa daladalahan.

14 Nguni't isinaysay ng isa sa mga bataan kay Abigail, na asawa ni Nabal, na sinasabi, Narito, si David ay nagsugo ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon; at kaniyang tinanggihan.

15 Nguni't ang mga lalake ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nagkulang man ng anomang bagay habang kami ay nakikisama sa kanila, nang kami ay nasa mga parang:

16 Sila'y naging kuta sa amin sa gabi at gayon din sa araw buong panahong aming ikinaroon sa kanila sa pagaalaga ng mga tupa.

17 Ngayon nga'y iyong alamin at dilidilihin kung ano ang iyong gagawin; sapagka't ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon, at laban sa kaniyang buong sangbahayan: sapagka't siya'y isang hamak na tao, na sinoma'y hindi makapakiusap sa kaniya.

18 Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, at kumuha ng dalawang daang tinapay, at dalawang balat ng alak, at limang handang tupa, at limang takal ng trigo na sinangag, at isang daang kumpol na pasas, at dalawang daang binilong igos, at ipinagpapasan sa mga asno.

19 At sinabi niya sa kaniyang mga bataan, Magpauna kayo sa akin; narito ako'y susunod sa inyo. Nguni't hindi niya isinaysay sa kaniyang asawang kay Nabal.

20 At nagkagayon na samantalang siya'y nakasakay sa kaniyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok na narito, si David at ang kaniyang mga lalake ay lumulusong na patungo sa kaniya, at sinalubong niya sila.

21 Sinabi nga ni David, Tunay na walang kabuluhang aking iningatan ang lahat na tinatangkilik ng taong yaon sa ilang, na anopa't hindi nawala ang anoman sa lahat na nauukol sa kaniya: at kaniyang iginanti sa akin ay masama sa mabuti.

22 Hatulan nawa ng Dios ang mga kaaway ni David, at lalo na, kung ako'y magiwan ng labis sa lahat na nauukol sa kaniya sa pagbubukang liwayway kahit isang batang lalake.

1 Corinto 6:1-11

Nangangahas baga ang sinoman sa inyo, kung mayroong anomang bagay laban sa iba, na siya'y magsakdal sa harapan ng mga liko, at hindi sa harapan ng mga banal?

O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga banal ay magsisihatol sa sanglibutan? at kung ang sanglibutan ay hahatulan ninyo, hindi kaya baga dapat magsihatol kayo sa mga bagay na pinakamaliit?

Hindi baga ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel? gaano pa kaya ang mga bagay na nauukol sa buhay na ito?

Kung kayo nga'y mayroong usapin na mga bagay na nauukol sa buhay na ito, ilalagay baga ninyo upang magsihatol ang mga taong walang halaga sa iglesia?

Sinasabi ko ito upang mangahiya kayo. Ano, diyata't wala baga sa inyo na isa mang marunong na makapagpapayo sa kaniyang mga kapatid,

Kundi ang kapatid ay nakikipagusapin laban sa kapatid, at ito'y sa harapan ng mga hindi nagsisipanampalataya?

Ngayon nga, tunay na isang pagkukulang sa inyo ang kayo-kayo'y magkaroon ng mga usapin. Bakit hindi bagkus ninyong tiisin ang mga kalikuan? bakit hindi bagkus kayo'y padaya?

Nguni't kayo rin ang mga nagsisigawa ng kalikuan, at nangagdaraya, at ito'y sa mga kapatid ninyo.

O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diosdiosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga mapakiapid sa kapuwa lalake.

10 Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manglulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios.

11 At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni't nangahugasan na kayo, nguni't binanal na kayo, nguni't inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain