Revised Common Lectionary (Complementary)
37 Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan, ni managhili ka man sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan.
2 Sapagka't sila'y madaling puputuling gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo.
3 Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kaniyang pagkatapat.
4 Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso.
5 Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.
6 At kaniyang palalabasing gaya ng liwanag ang iyong katuwiran, at ang iyong kahatulan ay gaya ng katanghaliang tapat.
7 Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa kaniya: huwag kang mabalisa ng dahil sa kaniya na gumiginhawa sa kaniyang lakad, dahil sa lalake na nagpapangyari ng mga masamang katha.
8 Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot: huwag kang mabalisa, iya'y maghahatid lamang sa paggawa ng kasamaan.
9 Sapagka't ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: nguni't yaong nagsipaghintay sa Panginoon, ay mangagmamana sila ng lupain.
18 Nangyari nga, nang ikatlong taon ni Oseas na anak ni Ela na hari sa Israel, na si Ezechias na anak ni Achaz na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari.
2 May dalawangpu't limang taon siya nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Abi na anak ni Zacharias.
3 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni David na kaniyang magulang.
4 Kaniyang inalis ang mga mataas na dako, at sinira ang mga haligi, at ibinagsak ang mga Asera: at kaniyang pinagputolputol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises; sapagka't hanggang sa mga araw na yaon ay pinagsusunugan ng kamangyan ng mga anak ni Israel; at pinanganlang Nehustan.
5 Siya'y tumiwala sa Panginoon, na Dios ng Israel; na anopa't nang mamatay siya ay walang naging gaya niya sa lahat ng hari sa Juda, o sa nangauna man sa kaniya.
6 Sapagka't siya'y lumakip sa Panginoon; siya'y hindi humiwalay ng pagsunod sa kaniya, kundi iningatan ang kaniyang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises.
7 At ang Panginoon ay sumasa kaniya; saan man siya lumabas ay gumiginhawa siya; at siya'y nanghimagsik laban sa hari sa Asiria, at hindi niya pinaglingkuran.
8 Kaniyang sinaktan ang mga Filisteo hanggang sa Gaza, at ang mga hangganan niyaon, mula sa moog ng bantay hanggang sa bayang nakukutaan.
28 Nang magkagayo'y si Rabsaces ay tumayo at sumigaw ng malakas sa wikang Judio, at nagsalita, na sinasabi, Dinggin ninyo ang salita ng dakilang hari, ng hari sa Asiria.
29 Ganito ang sabi ng hari, Huwag kayong dayain ni Ezechias; sapagka't hindi niya kayo maililigtas sa kaniyang kamay.
30 Ni patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin, Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon, at ang bayang ito ay hindi mabibigay sa kamay ng hari sa Asiria.
31 Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka't ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa't isa sa inyo ng bunga ng kaniyang puno ng ubas, at ang bawa't isa ng bunga ng kaniyang puno ng igos, at uminom ang bawa't isa sa inyo ng tubig ng kaniyang sariling balon;
32 Hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan, na lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mangabuhay, at huwag mangamatay: at huwag ninyong dinggin si Ezechias, pagka kayo'y hinihikayat niya, na sinasabi, Ililigtas tayo ng Panginoon.
33 Nagligtas ba kailan man ang sinoman sa mga dios sa mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria?
34 Saan nandoon ang mga dios ng Hamath, at ng Arphad? Saan nandoon ang mga dios ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva? Iniligtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?
35 Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupain, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?
36 Nguni't ang bayan ay tumahimik, at hindi sumagot ng kahit isang salita: sapagka't utos ng hari, na sinasabi, Huwag ninyong sagutin siya.
8 At sa anghel ng iglesia sa Smirna ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng una at ng huli, na namatay, at muling nabuhay:
9 Nalalaman ko ang iyong kapighatian, at ang iyong kadukhaan (datapuwa't ikaw ay mayaman), at ang pamumusong ng mga nagsasabing sila'y mga Judio, at hindi sila gayon, kundi isang sinagoga ni Satanas.
10 Huwag mong katakutan ang mga bagay na iyong malapit ng tiisin: narito, malapit ng ilagay ng diablo ang ilan sa inyo sa bilangguan, upang kayo'y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatiang sangpung araw. Magtapat ka hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay.
11 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay hindi parurusahan ng ikalawang kamatayan.
Public Domain