Revised Common Lectionary (Complementary)
15 Tingnan mo, na inilagay ko sa harap mo sa araw na ito ang buhay at ang kabutihan, at ang kamatayan at ang kasamaan;
16 Na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang Panginoon mong Dios, na lumakad ka sa kaniyang mga daan, at tuparin mo ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga kahatulan, upang ikaw ay mabuhay at dumami, at upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.
17 Nguni't kung ang iyong puso ay lumiko, at hindi mo didinggin, kundi maliligaw ka at sasamba ka sa ibang mga Dios, at maglilingkod ka sa kanila;
18 Ay aking pinatutunayan sa inyo sa araw na ito, na kayo'y tunay na malilipol; hindi ninyo palalaunin ang inyong mga araw sa ibabaw ng lupain na inyong ipinagtatawid ng Jordan, upang pumasok na ariin.
19 Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya't piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi;
20 Na iyong ibigin ang Panginoon mong Dios, na sundin ang kaniyang tinig, at lumakip sa kaniya: sapagka't siya ang iyong buhay, at ang kalaunan ng iyong mga araw; upang matahanan mo ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila.
1 Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak.
2 Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.
3 At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa.
4 Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.
5 Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.
6 Sapagka't nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid: nguni't ang lakad ng masama ay mapapahamak.
1 Si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus, at si Timoteo na ating kapatid kay Filemon na aming minamahal at kamanggagawa,
2 At kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapuwa kawal namin, at sa iglesia sa iyong bahay:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios, na ikaw ay binabanggit ko sa aking mga panalangin,
5 Sa pagkabalita ko ng iyong pagibig, at ng pananampalataya mo sa Panginoong Jesus, at sa lahat ng mga banal;
6 Upang ang pakikipagkaisa ng iyong pananampalataya, ay maging mabisa sa pagkaalam ng bawa't mabuting bagay na nasa iyo, sa kay Cristo.
7 Sapagka't ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pagibig, sapagka't ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid.
8 Kaya, bagama't kay Cristo ay mayroon akong buong pagkakatiwala upang ipagtagubilin ko sa iyo ang nauukol,
9 Gayon ma'y alangalang sa pagibig ay bagkus akong namamanhik, kung sa bagay akong si Pablo ay matanda na, at ngayon nama'y bilanggo ni Cristo Jesus:
10 Ipinamamanhik ko sa iyo ang aking anak, na aking ipinanganak sa aking mga tanikala, si Onesimo,
11 Na nang unang panahon ay hindi mo pinakinabangan, datapuwa't ngayon ay may pakikinabangin ka at ako man:
12 Na siya'y aking pinabalik sa iyo sa kaniyang sariling katawan, sa makatuwid baga'y, ang aking sariling puso:
13 Na ibig ko sanang pigilin siya sa aking piling, upang sa iyong pangalan ay paglingkuran ako sa mga tanikala ng evangelio:
14 Datapuwa't kung wala kang pasiya ay wala akong magagawang anoman; upang ang iyong kabutihang-loob ay huwag maging tila sa pagkakailangan, kundi sa sariling kalooban.
15 Sapagka't marahil sa ganito siya'y nahiwalay sa iyo sa sangdaling panahon, upang siya'y mapasa iyo magpakailan man;
16 Na hindi na alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalong lalo na sa akin, nguni't gaano pa kaya sa iyo, na siya'y minamahal mo maging sa laman at gayon din sa Panginoon.
17 Kung ako nga ay inaari mong kasama, ay tanggapin mo siyang tila ako rin.
18 Nguni't kung siya'y nagkasala sa iyo ng anoman, o may utang sa iyong anoman, ay ibilang mo sa akin;
19 Akong si Pablo na sumusulat nito ng aking sariling kamay, ay siyang magbabayad sa iyo: hindi sa sinasabi ko sa iyo na ikaw man ay utang mo pa sa akin.
20 Oo, kapatid, magkaroon nawa ako ng katuwaan sa iyo sa Panginoon: panariwain mo ang aking puso kay Cristo.
21 Kita'y sinulatan sa pagkakatiwala sa iyong pagtalima, palibhasa'y aking nalalaman na gagawin mo ang higit pa kay sa aking sinasabi.
25 Nagsisama nga sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya'y lumingon at sa kanila'y sinabi,
26 Kung ang sinomang tao'y pumaparito sa akin, at hindi napopoot sa kaniyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kaniyang sariling buhay man, ay hindi siya maaaring maging alagad ko.
27 Sinomang hindi nagdadala ng kaniyang sariling krus, at sumusunod sa akin, ay hindi maaaring maging alagad ko.
28 Sapagka't alin sa inyo, ang kung ibig magtayo ng isang moog, ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol kung mayroong maipagtatapos?
29 Baka kung mailagay na niya ang patibayan, at hindi matapos, ang lahat ng mga makakita ay mangagpasimulang siya'y libakin,
30 Na sabihin, Nagpasimula ang taong ito na magtayo, at hindi nakayang tapusin.
31 O aling hari, na kung sasalubong sa pakikidigma sa ibang hari, ay hindi muna uupo at sasangguni kung makahaharap siya na may sangpung libo sa dumarating na laban sa kaniya na may dalawangpung libo?
32 O kung hindi, samantalang malayo pa ang isa, ay magsusugo siya ng isang sugo, at hihilingin ang mga kailangan sa pagkakasundo.
33 Kaya nga sinoman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad ko.
Public Domain