Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 1

Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak.

Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.

At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa.

Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.

Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.

Sapagka't nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid: nguni't ang lakad ng masama ay mapapahamak.

Genesis 39

39 At ibinaba si Jose sa Egipto; at binili siya ni Potiphar, puno ni Faraon, na kapitan ng bantay, na lalaking taga Egipto, sa kamay ng mga Ismaelita na nagdala sa kaniya roon.

At ang Panginoon ay suma kay Jose, at naging lalaking mapalad; at siya'y nasa bahay ng kaniyang panginoong taga Egipto.

At nakita ng kaniyang panginoon, na ang Panginoon ay sumasakaniya, at ang lahat ng kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon sa kaniyang kamay.

At nakasumpong si Jose ng biyaya sa kaniyang paningin, at pinaglingkuran niya siya: at sa kaniya'y ipinamahala niya ang bahay, at ang lahat niyang tinatangkilik ay isinakaniyang kamay.

At nangyari, na mula sa panahon na siya'y pamahalain sa kaniyang bahay, at sa lahat ng kaniyang tinatangkilik, ay pinagpala ng Panginoon ang bahay ng taga Egiptong yaon dahil kay Jose; at ang pagpapala ng Panginoon ay sumalahat ng kaniyang tinatangkilik, sa bahay at sa parang.

At kaniyang ipinamahala ang lahat niyang tinatangkilik sa kamay ni Jose; at hindi siya nakikialam ng anomang kaniya, liban sa tinapay na kaniyang kinakain. At si Jose ay may magandang pagmumukha at kahalihalina.

At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na tinitigan si Jose ng asawa ng kaniyang panginoon at sinabi, Sipingan mo ako.

Datapuwa't siya'y tumanggi at sinabi niya sa asawa ng kaniyang panginoon, Narito, ang aking panginoon ay hindi nakikialam sa akin tungkol sa nasa bahay, at lahat ng kaniyang tinatangkilik ay ipinamahala sa aking kamay;

Walang sinomang dakila kay sa akin sa bahay na ito; walang ipinagkait sa aking anomang bagay, kung di ikaw lamang, sapagka't ikaw ay kaniyang asawa: paano ngang aking magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios?

10 At nangyari, na nakikiusap man siya kay Jose araw-araw, ay hindi nakikinig sa kaniya na siya'y sipingan, o pakisamahan.

11 At nangyari nang panahong ito, na siya'y pumasok sa bahay upang gawin niya ang kaniyang gawain at wala sinoman sa mga tao sa bahay doon sa loob.

12 At siya'y pinigilan niya sa kaniyang suot, na sinasabi, Sipingan mo ako: at iniwan niya ang kaniyang suot sa kamay niya at tumakas, at lumabas.

13 At nangyari, na pagkakita niyang iniwan ang kaniyang suot sa kamay niya, at tumakas sa labas,

14 Na siya'y tumawag ng mga tao sa kaniyang bahay, at sinalita sa kanila, na sinasabi, Tingnan ninyo, na dinalhan niya tayo ng isang Hebreo, upang tayo'y tuyain; pinasok niya ako upang ako'y sipingan, at ako'y naghihiyaw ng malakas:

15 At nangyari nang marinig niyang ako'y nagtaas ng tinig at naghihiyaw, na iniwan ang kaniyang suot sa aking siping, at tumakas, at lumabas.

16 At kaniyang iningatan ang suot niya sa kaniyang siping, hanggang sa umuwi ang kaniyang panginoon sa kaniyang bahay.

17 At sinalita niya sa kaniya ng ayon sa mga salitang ito, na sinasabi, Pinasok ako ng aliping Hebreo na iyong dinala sa atin, upang tuyain ako:

18 At nangyari, na sapagka't nagtaas ako ng aking tinig at ako'y naghihiyaw, ay kaniyang iniwan ang suot niya sa aking siping, at tumakas sa labas.

19 At nangyari, na pagkarinig ng kaniyang panginoon ng mga salita na sinalita sa kaniya ng kaniyang asawa, na sinasabi, Ganitong paraan ang ginawa sa akin ng iyong alipin; ay nagalab ang kaniyang galit.

20 At dinala ng kaniyang panginoon si Jose, at inilagay sa bilangguan, sa dakong pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari: at siya'y natira roon sa bilangguan.

21 Datapuwa't ang Panginoon ay suma kay Jose, at iginawad sa kaniya ang awa, at pinagkalooban ng biyaya sa paningin ng katiwala sa bilangguan.

22 At ipinamahala ng katiwala sa bilangguan sa mga kamay ni Jose ang lahat na mga bilanggo na nasa bilangguan; at ang lahat ng ginagawa roon ay siya ang gumagawa.

23 Hindi tinitingnan ng katiwala ng bilangguan ang anomang bagay na nasa kaniyang kamay, sapagka't ang Panginoo'y suma kay Jose; at ang kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon.

Filipos 2:25-30

25 Nguni't inakala kong kailangang suguin sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid at kamanggagawa, at kapuwa kawal at inyong sugo at katiwala sa aking kailangan.

26 Yamang siya'y nananabik sa inyong lahat, at totoong siya'y namanglaw, sapagka't inyong nabalitaan na siya'y may-sakit:

27 Katotohanan ngang nagkasakit siya na malapit na sa kamatayan: nguni't kinahabagan siya ng Dios; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako'y huwag magkaroon ng sapinsaping kalumbayan.

28 Siya nga'y sinugo kong may malaking pagpipilit, upang, pagkakitang muli ninyo sa kaniya, kayo'y mangagalak, at ako'y mabawasan ng kalumbayan.

29 Tanggapin nga ninyo siya sa Panginoon ng buong galak; at ang gayon ay papurihan ninyo:

30 Sapagka't dahil sa pagpapagal kay Cristo ay nalapit siya sa kamatayan, na isinasapanganib ang kaniyang buhay upang punan ang kakulangan sa inyong paglilingkod sa akin.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain