Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 55:16-23

16 Tungkol sa akin, ay tatawag ako sa Dios; at ililigtas ako ng Panginoon.

17 Sa hapon at sa umaga, at sa katanghaliang tapat, ako'y dadaing at hihibik: at kaniyang didinggin ang aking tinig.

18 Kaniyang tinubos ang aking kaluluwa sa kapayapaan mula sa pagbabaka laban sa akin: Sapagka't sila'y marami na nakikipaglaban sa akin.

19 Didinggin ng Dios, at paghihigantihan sila, siyang tumatahan ng una. (Selah)

20 Kaniyang iniunat ang kaniyang mga kamay laban sa gayon na nasa kapayapaan sa kaniya: kaniyang nilapastangan ang kaniyang tipan.

21 Ang kaniyang bibig ay malambot na parang mantekilya: nguni't ang kaniyang puso ay pakikidigma: ang kaniyang mga salita ay lalong mabanayad kay sa langis, gayon ma'y mga bunot na tabak.

22 Ilagay mo ang iyong pasan sa Panginoon, at kaniyang aalalayan ka: hindi niya titiising makilos kailan man ang matuwid.

23 Nguni't ikaw, Oh Dios, ibababa mo sila sa hukay ng kapahamakan: mga mabagsik at magdarayang tao ay hindi darating sa kalahati ng kanilang mga kaarawan; nguni't titiwala ako sa iyo.

Ester 5

Nangyari nga, nang ikatlong araw, na nagsuot si Esther ng kaniyang bihisang pagkareina, at tumayo sa pinakaloob ng bahay ng hari, sa tapat ng bahay-hari; at ang hari ay naupo sa kaniyang luklukang hari sa bahay-hari, sa tapat ng pasukan sa bahay.

At nagkagayon, nang makita ng hari si Esther na reina na nakatayo sa looban, na siya'y nagtamo ng biyaya sa kaniyang paningin: at inilawit ng hari kay Esther ang gintong cetro na nasa kaniyang kamay. Sa gayo'y lumapit si Esther, at hinipo ang dulo ng cetro.

Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa kaniya, Anong ibig mo, reina Esther? at ano ang iyong hiling? mabibigay sa iyo kahit kalahati ng kaharian.

At sinabi ni Esther, Kung inaakalang mabuti ng hari, pumaroon sa araw na ito ang hari at si Aman sa pigingan na aking inihanda sa kaniya.

Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Papagmadaliin si Aman upang magawa ang gaya ng sinabi ni Esther. Sa gayo'y naparoon ang hari at si Aman sa pigingan na inihanda ni Esther.

At sinabi ng hari kay Esther sa pigingan ng alak: Ano ang iyong hingi? at ipagkakaloob sa iyo at ano ang iyong hiling? kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob.

Nang magkagayo'y sumagot si Esther, at nagsabi, Ang aking hingi at ang aking hiling ay ito;

Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking hingi, at gawin ang aking hiling, na pumaroon ang hari at si Aman sa pigingan na aking ihahanda sa kanila, at aking gagawin bukas na gaya ng sinabi ng hari.

Nang magkagayo'y lumabas si Aman sa araw na yaon na galak at may masayang puso: nguni't nang makita ni Aman si Mardocheo sa pintuang-daan ng hari, na hindi siya tumayo o kumilos man sa kaniya, siya'y napuno ng pagkapoot laban kay Mardocheo.

10 Gayon may nagpigil si Aman sa kaniyang sarili, at umuwi sa bahay; at siya'y nagsugo at tinipon ang kaniyang mga kaibigan at si Zeres na kaniyang asawa.

11 At isinaysay ni Aman sa kanila ang kaluwalhatian ng kaniyang mga kayamanan, at ang karamihan ng kaniyang mga anak, at lahat ng bagay na ipinagkaloob ng hari sa kaniya, at kung paanong siya'y nataas ng higit kay sa mga prinsipe at mga lingkod ng hari.

12 Sinabi ni Aman, bukod dito: Oo, si Esther na reina ay hindi nagpasok ng sinoman na kasama ng hari sa pigingan na kaniyang inihanda kundi ako lamang; at kinabukasan naman ay inaanyayahan niya ako na kasama ng hari.

13 Gayon ma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita si Mardocheo na Judio na nakaupo sa pintuang-daan ng hari.

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Zeres na kaniyang asawa at ng lahat niyang kaibigan sa kaniya: Magpagawa ka ng isang bibitayan na may limang pung siko ang taas, at sa kinaumagahan ay salitain mo sa hari na bitayin doon si Mardocheo: kung magkagayo'y yumaon kang masaya na kasama ng hari sa pigingan. At ang bagay ay nakalugod kay Aman; at kaniyang ipinagawa ang bibitayan.

Colosas 2:16-3:1

16 Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath:

17 Na isang anino ng mga bagay na magsisidating: nguni't ang katawan ay kay Cristo.

18 Sinoman ay huwag manakawan ng ganting-pala sa inyo sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na nananatili sa mga bagay na kaniyang nakita, na nagpapalalo ng walang kabuluhan sa pamamagitan ng kaniyang akalang ukol sa laman,

19 At hindi nangangapit sa Ulo, na sa kaniya'y ang buong katawan, na inaalalayan at nakalakip sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid, ay lumalago ng paglagong mula sa Dios.

20 Kung kayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo mula sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, bakit, na waring kayo'y nangabubuhay pa sa sanglibutan, kayo'y nangapasasakop sa mga palatuntunan,

21 Gaya ng: Huwag dumampot, ni huwag lumasap, ni huwag humipo;

22 (Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao?

23 Ang mga bagay na iya'y katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni't walang anomang kabuluhan laban sa ikalalayaw ng laman.

Kung kayo nga'y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain