Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 25:11-20

11 Dahil sa iyong pangalan, Oh Panginoon, iyong ipatawad ang aking kasamaan, sapagka't malaki.

12 Anong tao siya na natatakot sa Panginoon? Siya ang tuturuan niya ng daan na kaniyang pipiliin.

13 Ang kaniyang kaluluwa ay tatahan sa kaginhawahan; at mamanahin ng kaniyang binhi ang lupain.

14 Ang pakikipagibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa kaniya; at ipakikilala niya sa kanila ang kaniyang tipan.

15 Ang aking mga mata ay palaging na sa Panginoon; sapagka't huhugutin niya ang aking mga paa sa silo.

16 Panumbalikan mo ako, at maawa ka sa akin; sapagka't ako'y nag-iisa at nagdadalamhati.

17 Ang kabagabagan ng aking puso ay lumaki: Oh hanguin mo ako sa aking kapanglawan.

18 Gunitain mo ang aking pagkapighati at aking damdam; at ipatawad mo ang lahat kong mga kasalanan.

19 Masdan mo ang aking mga kaaway, sapagka't sila'y marami; at pinagtataniman nila ako ng mabagsik na pagkagalit.

20 Oh ingatan mo ang aking kaluluwa, at iyong iligtas ako: huwag nawa akong mapahiya, sapagka't nanganganlong ako sa iyo.

Job 24:1-8

24 Bakit ang mga kapanahunan ay hindi itinakda ng Makapangyarihan sa lahat? At bakit hindi nangakakakita ng kaniyang mga araw ang nangakakakilala sa kaniya?

May nagsisipagbago ng lindero; kanilang dinadalang may karahasan ang mga kawan, at pinasasabsab.

Kanilang itinataboy ang asno ng ulila, kanilang kinukuha ang baka ng babaing bao na pinakasangla.

Kanilang inililigaw sa daan ang mapagkailangan: ang mga dukha sa lupa ay nagsisikubling magkakasama.

Narito, gaya ng mga mabangis na asno sa ilang, sila'y nagsisilabas sa kanilang gawa, na nagsisihanap na masikap ng pagkain; ang ilang ay siyang nagbibigay sa kanila ng pagkaing ukol sa kanilang mga anak.

Kanilang pinitas sa bukid ang kanilang pagkain; at kanilang pinamumulutan ang ubasan ng masama.

Sila'y hubad na nangahihiga buong gabi na walang suot. At walang kumot sa ginaw.

Sila'y basa ng ulan sa mga bundok, at niyayakap ang bato sa pagkakailangan ng kulungan.

Santiago 2:1-7

Mga kapatid ko, yayamang mayroon kayong pananampalataya ng ating Panginoong Jesucristo, na Panginoon ng kaluwalhatian ay huwag magtatangi sa mga tao.

Sapagka't kung may pumapasok sa inyong sinagoga ang isang tao na may singsing na ginto, at may magandang kasuotan, at may pumapasok namang isang dukha na may damit na hamak;

At inyong itangi ang may suot na damit na maganda, at inyong sabihin, Maupo ka rito sa dakong mabuti; at sa dukha ay inyong sabihin, Tumayo ka riyan, o maupo ka sa ibaba ng aking tungtungan;

Hindi baga kayo'y nagtatangi sa inyong sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pagiisip?

Dinggin ninyo, mga minamahal kong kapatid; hindi baga pinili ng Dios ang mga dukha sa sanglibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya, at mga tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagsisiibig sa kaniya?

Nguni't inyong niwalang-puri ang dukha. Hindi baga kayo'y pinahihirapan ng mayayaman, at sila rin ang kumakaladkad sa inyo sa harapan ng mga hukuman?

Hindi baga nilalapastangan nila yaong marangal na pangalan na sa inyo'y itinatawag?

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain