Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 138

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David.

138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
    sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
    pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
    ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
    sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
    pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
    at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
    hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
    kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
    ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
    ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
    ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
    at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.

Ester 3:7-15

Sa ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, iniutos ni Haman na gawin ang palabunutan upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumapat ito sa ikalabing apat[a] na araw ng ikalabindalawang buwan.

Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat ng panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po sa inyo kung hahayaan ninyo silang ganito. Kung inyong mamarapatin, Kamahalan, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong ito. At mula sa mga masasamsam ay maglalagak ako ng 340,000 kilong pilak sa kabang-yaman ng hari.”

10 Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman upang maging opisyal ang kautusan laban sa mga Judio. 11 At sinabi sa kanya ng hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila. Bahala ka na rin sa masasamsam mong salapi nila.”

12 Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari upang isalin sa iba't ibang wika ang utos laban sa mga Judio upang ipatupad ng mga gobernador ng lahat ng lalawigan at ng mga pinuno ng bayan mula sa India hanggang Etiopia.[b] Ang liham ay ginawa sa pangalan ng Haring Xerxes at ipinadala sa 127 lalawigang nasasakop ng kanyang kaharian. 13 Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan.[c]

Ang Utos ni Xerxes Laban sa mga Judio[d]

Ito ang nilalaman ng liham.

Ang Dakilang Haring Xerxes ay sumusulat sa mga gobernador at mga katulong na tagapamahala ng 127 lalawigan mula sa India hanggang Etiopia.[e]

“Bilang pinuno ng maraming bansa at panginoon ng buong daigdig, hindi ko ipinagmamalaki ang aking kapangyarihan. Ang hangad ko lamang ay maging matatag at mapagkalinga ang aking pamamahala. Nais ko na ang lahat ng aking nasasakupan ay mamuhay nang matiwasay at mapayapa; ligtas sa lahat ng panliligalig, at malayang makapaglakbay sa lahat ng panig ng kaharian.

“Nang isangguni ko sa aking mga tagapayo kung paanong maipagtatagumpay ang layuning ito, ganito ang naging payo ni Haman na pangunahin kong tagapayo at kilala ng lahat sa katalinuhan at katapatan sa hari. Siya ay tunay na mapagkakatiwalaan at pangalawa sa akin sa kapangyarihan. Sinabi niya sa amin na may isang lahing namamayan sa buong nasasakupan ng ating kaharian, kahalo ng iba't ibang bansa, ngunit namumukod sa lahat. Ang mga batas nila ay laban sa tuntunin ng bawat bansa, at lagi na lang sumusuway sa mga utos ng mga hari. At dahil dito'y hindi magkaisa ang kaharian. Nalaman naming tanging ang mga taong ito at sila lamang, ay laban sa lahat, may sariling tuntunin at paraan ng pamumuhay, at wala nang sinisikap kundi ang kapahamakan ng kaharian, kaya't hindi na tayo natahimik.

“Dahil dito, iniuutos namin na lahat ng taong tinutukoy sa sulat ni Haman, ang tagapamahala ng kaharian at pangalawa nating ama, ay ganap na lipulin, nang walang awa, pati kanilang mga anak at asawa. Ito'y isasagawa sa ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan ng taóng ito, upang ang mga taong ito na matagal nang lumalaban sa kaharian ay malipol sa isang araw at sabay-sabay na mahulog sa daigdig ng mga patay. Sa gayon, matatahimik na ang kaharian.”

14 Bawat lalawiga'y padadalhan ng kopya ng utos upang makapaghanda ang lahat sa araw na nabanggit.

15 At ang utos ng hari ay ipinahayag sa Susa, ang kapitolyo ng Persia. Kaagad namang nagpadala ng mga kopya ng kautusan sa mga lalawigan. Masayang nag-iinuman ang hari at si Haman, samantalang nagkakagulo naman sa buong Susa.

Mga Gawa 2:22-36

22 “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. 23 Ang Jesus na ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. 24 Subalit(A) siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya mula sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y bihagin nito, 25 gaya(B) ng sinabi ni David tungkol sa kanya,

‘Nakita ko ang Panginoon na lagi kong kasama,
    hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya.
26 Dahil dito, natuwa ang puso ko at
    ang mga salita ko'y napuno ng galak,
    at ang katawan ko'y mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay,[a]
At hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal na Lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang mga landas patungo sa buhay,
    dahil ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’

29 “Mga kapatid, may katiyakang sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. 30 Siya'y(C) propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. 31 Noon pa man ay nakita na ni David ang muling pagkabuhay ng Cristo at ipinahayag niya ito nang kanyang sabihing, ‘hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay,[b] at hindi nakaranas ng pagkabulok ang kanyang katawan.’ 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. 33 Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. 34 Hindi(D) si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    “Maupo ka sa kanan ko,
35 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’

36 “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!”