Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Iniligtas ni Mordecai ang Hari[a]
19 Samantala, si Mordecai naman ay naitalaga sa isang mataas na katungkulan sa pamahalaan. 20 Hanggang sa panahong iyon, hindi pa rin ipinapaalam ni Ester ang lahi o bansang pinagmulan niya, sapagkat iyon ang bilin ni Mordecai. Sinusunod niya si Mordecai simula pa ng kanyang pagkabata. Patuloy rin niyang sinasamba ang Diyos at sinusunod ang kautusan; hindi niya tinatalikdan ang kanyang pagiging Judio.
21 Dahil itinaas sa tungkulin si Mordecai, nagalit sa hari ang dalawang eunukong bantay-pinto na sina Gabata at Tara. Kaya't binalak nilang patayin ang hari. 22 Nang mapag-alaman ito ni Mordecai, sinabi niya ito kay Reyna Ester at pinabatid naman niya ito sa hari. 23 Ipinasiyasat ito ng hari at napatunayang totoo, kaya ipinabigti niya sina Gabata at Tara. Samantala, bilang parangal kay Mordecai, ang pangyayaring ito'y isinulat sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.
Ang Pakana ni Haman Laban sa mga Judio
3 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita.[b] Ginawa niya itong punong ministro. 2 Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod. 3 Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?” 4 Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod at dinadahilan niyang siya'y isang Judio. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman. 5 Nang malaman ni Haman na hindi yumuyukod si Mordecai, sumiklab ang kanyang galit. 6 Dahil dito, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian.
15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, 16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.”
18 Ang(A) kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo.
20 Sinabi(B) pa ni Pedro,
“Nasusulat sa Aklat ng mga Awit,
‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan,
at huwag nang tirhan ninuman.’
Nasusulat din,
‘Gampanan ng iba ang kanyang
tungkulin.’
by