Revised Common Lectionary (Complementary)
15 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka sa iyong lakad sa ilang ng Damasco: at pagdating mo, ay iyong pahiran ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.
16 At si Jehu na anak ni Nimsi ay iyong papahiran ng langis upang maging hari sa Israel: at si Eliseo na anak ni Saphat sa Abel-mehula ay iyong papahiran ng langis upang maging propeta na kahalili mo.
19 Sa gayo'y umalis siya roon at nasumpungan niya si Eliseo na anak ni Saphat, na nag-aararo, na may labing dalawang parehang baka sa unahan niya, at siya'y kasabay ng ikalabing dalawa: at dinaanan siya ni Elias at inihagis sa kaniya ang balabal niya.
20 At kaniyang iniwan ang mga baka, at tumakbong sinundan si Elias, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na pahagkan mo sa akin ang aking ama at aking ina, at susunod nga ako sa iyo. At sinabi niya sa kaniya, Bumalik ka uli; sapagka't ano ang ginawa ko sa iyo?
21 At siya'y bumalik na mula sa pagsunod sa kaniya, at kinuha ang parehang mga baka, at pinatay ang mga yaon, at inilaga ang laman ng mga yaon sa pamamagitan ng mga kasangkapan ng mga baka, at ibinigay sa bayan, at kanilang kinain. Nang magkagayo'y tumindig siya, at sumunod kay Elias, at naglingkod sa kaniya.
16 Ingatan mo ako, Oh Dios; sapagka't sa iyo nanganganlong ako.
2 Oh kaluluwa ko, iyong sinabi sa Panginoon, ikaw ay aking Panginoon: ako'y walang kabutihan liban sa iyo.
3 Tungkol sa mga banal na nangasa lupa, sila ang maririlag na mga kinalulugdan kong lubos.
4 Ang mga kalumbayan nila ay dadami, na nangaghahandog sa ibang dios: ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ihahandog, ni sasambitin man ang kanilang mga pangalan sa aking mga labi.
5 Ang Panginoon ay siyang bahagi ng aking mana at ng aking saro: iyong inaalalayan ang aking kapalaran.
6 Ang pising panukat ay nangahulog sa akin sa mga maligayang dako; Oo, ako'y may mainam na mana.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo: Oo, tinuturuan ako sa gabi ng aking puso.
8 Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko: sapagka't kung siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at ang aking kaluwalhatian ay nagagalak: ang akin namang katawan ay tatahang tiwasay.
10 Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol; ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan.
11 Iyong ituturo sa akin ang landas ng buhay: nasa iyong harapan ang kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanan ay may mga kasayahan magpakailan man.
5 Sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo: magsitibay nga kayo, at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.
13 Sapagka't kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; huwag lamang gamitin ang inyong kalayaan, upang magbigay kadahilanan sa laman, kundi sa pamamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo.
14 Sapagka't ang buong kautusan ay natutupad sa isang salita, sa makatuwid ay dito: Iibigin mo ang inyong kapuwa na gaya ng inyong sarili.
15 Nguni't kung kayo-kayo rin ang nangagkakagatan at nangagsasakmalan, magsipagingat kayo na baka kayo'y mangaglipulan sa isa't isa.
16 Sinasabi ko nga, Magsilakad kayo ayon sa Espiritu, at hindi ninyo gagawin ang mga pita ng laman.
17 Sapagka't ang laman ay nagnanasa ng laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagka't ang mga ito ay nagkakalaban; upang huwag ninyong gawin ang bagay na inyong ibigin.
18 Datapuwa't kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan.
19 At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan,
20 Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya,
21 Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.
22 Datapuwa't ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat,
23 Kaamuan, pagpipigil; laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan.
24 At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang mga masasamang pita at mga kahalayan nito.
25 Kung tayo'y nangabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, ay mangagsilakad naman tayo ayon sa Espiritu.
51 At nangyari, nang nalalapit na ang mga kaarawan na siya'y tatanggapin sa itaas, ay pinapanatili niyang harap ang kaniyang mukha upang pumaroon sa Jerusalem,
52 At nagsugo ng mga sugo sa unahan ng kaniyang mukha: at nagsiyaon sila, at nagsipasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang siya'y ipaghanda.
53 At hindi nila siya tinanggap, sapagka't ang mukha niya'y anyong patungo sa Jerusalem.
54 At nang makita ito ng mga alagad niyang si Santiago at si Juan, ay nangagsabi, Panginoon, ibig mo bagang magpababa tayo ng apoy mula sa langit, at sila'y pugnawin?
55 Datapuwa't, lumingon siya, at sila'y pinagwikaan.
56 At sila'y nagsiparoon sa ibang nayon.
57 At paglakad nila sa daan ay may nagsabi sa kaniya, Susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.
58 At sinabi sa kaniya ni Jesus, May mga lungga ang mga sorra, at ang mga ibon sa langit ay may mga pugad; datapuwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.
59 At sinabi niya sa iba, Sumunod ka sa akin. Datapuwa't siya'y nagsabi, Panginoon, tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.
60 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay; datapuwa't yumaon ka at ibalita mo ang kaharian ng Dios.
61 At ang iba nama'y nagsabi, Susunod ako sa iyo, Panginoon; datapuwa't pabayaan mo akong magpaalam muna sa mga kasangbahay ko.
62 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Jesus, Walang taong pagkahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ay karapatdapat sa kaharian ng Dios.
Public Domain