Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 64

64 Dinggin mo ang tinig ko, Oh Dios, sa aking hibik: ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.

Ikubli mo ako sa lihim na payo ng mga manggagawa ng kasamaan; sa panggugulo ng mga manggagawa ng kasamaan:

Na siyang nangaghasa ng kanilang dila na parang tabak, at pinahilagpos ang kanilang mga palaso, sa makatuwid baga'y ang masasakit na salita:

Upang kanilang maihilagpos sa sakdal sa mga lihim na dako: biglang inihihilagpos nila sa kaniya at hindi natatakot.

Sila'y nagpapakatapang sa masamang akala; sila'y nagsasangusapan ng paglalagay ng lihim na silo; Sinasabi nila, Sinong makakakita?

Sila'y nagsisipagsiyasat ng mga kasamaan; aming naganap, sabi nila, ang masikap na pagsiyasat; at ang pagiisip sa loob ng bawa't isa, at ang puso ay malalim.

Nguni't pahihilagpusan sila ng Dios; sila'y masusugatang bigla ng isang palaso.

Sa gayo'y sila'y matitisod palibhasa't ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila: ang lahat na makakita sa kanila ay mangaguuga ng ulo.

At lahat ng mga tao ay mangatatakot; at kanilang ipahahayag ang salita ng Dios, at may karunungang kanilang bubuhayin ang kanilang gawa.

10 Ang matuwid ay matutuwa sa Panginoon, at manganganlong sa kaniya; at lahat ng mga matuwid sa puso ay magsisiluwalhati.

Job 19:1-22

19 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,

Hanggang kailan pahihirapan ninyo ang aking kaluluwa, at babagabagin ako ng mga salita?

Ng makasangpung ito ay pinulaan ninyo ako: kayo'y hindi nangapapahiya na nangagpapahirap sa akin.

At kahima't ako'y magkamali, ang aking kamalian ay maiwan sa aking sarili.

Kung tunay na kayo'y magpapakalaki laban sa akin, at ipakikipagtalo laban sa akin ang kakutyaan ko:

Talastasin ninyo ngayon na inilugmok ako ng Dios, at inikid ako ng kaniyang silo.

Narito, ako'y humihiyaw dahil sa kamalian, nguni't hindi ako dinidinig; ako'y humihiyaw ng tulong, nguni't walang kahatulan.

Kaniyang pinadiran ang aking daan upang huwag akong makaraan, at naglagay ng kadiliman sa aking mga landas.

Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian, at inalis ang putong sa aking ulo.

10 Kaniyang inilugmok ako sa bawa't dako, at ako'y nananaw: at ang aking pagasa ay binunot niyang parang punong kahoy.

11 Kaniya rin namang pinapagalab ang kaniyang pagiinit laban sa akin, at ibinilang niya ako sa kaniya na gaya ng isa sa kaniyang mga kaaway,

12 Ang kaniyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama, at ipinagpatuloy ang kanilang lakad laban sa akin, at kinubkob ang palibot ng aking tolda.

13 Inilayo niya ang aking mga kapatid sa akin, at ang aking mga kakilala ay pawang nangiba sa akin.

14 Ang aking mga kamaganak ay nangagsilayo, at nilimot ako ng aking mga kasamasamang kaibigan.

15 Silang nagsisitahan sa aking bahay, at ang aking mga lingkod na babae, ay ibinibilang akong manunuluyan; ako'y naging kaiba sa kanilang paningin.

16 Aking tinatawag ang aking lingkod, at hindi ako sinasagot, bagaman sinasamo ko siya ng aking bibig.

17 Ang aking hininga ay iba sa aking asawa, at ang aking pamanhik sa mga anak ng tunay kong ina.

18 Pati ng mga bata ay humahamak sa akin; kung ako'y bumangon, sila'y nangagsasalita ng laban sa akin:

19 Lahat ng aking mahal na kaibigan ay nangayayamot sa akin: at ang aking minamahal ay nagsipihit ng laban sa akin,

20 Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman, at ako'y nakatanan ng sukat sa balat ng aking mga ngipin.

21 Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, Oh kayong mga kaibigan ko; sapagka't kinilos ako ng kamay ng Dios,

22 Bakit ninyo ako inuusig na gaya ng Dios. At hindi pa kayo nasisiyahan sa akin laman?

Efeso 2:11-22

11 Kaya nga alalahanin ninyo, na kayo noong una, mga Gentil sa laman, tinatawag na Di-pagtutuli niyaong tinatawag na Pagtutuli sa laman, na ginawa ng mga kamay:

12 Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.

13 Datapuwa't ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo.

14 Sapagka't siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay,

15 Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan;

16 At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, na sa kaniya'y pinatay ang pagkakaalit.

17 At siya'y naparito at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong nalalayo, at ang kapayapaan sa nangalalapit:

18 Sapagka't sa pamamagitan niya tayo'y may pagpasok sa isang Espiritu rin sa Ama.

19 Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo'y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios,

20 Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok;

21 Na sa kaniya'y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon;

22 Na sa kaniya'y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain