Revised Common Lectionary (Complementary)
17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod, upang ako'y mabuhay; sa gayo'y aking susundin ang iyong salita.
18 Idilat mo ang aking mga mata, upang ako'y makakita ng kagilagilalas na mga bagay sa iyong kautusan.
19 Ako'y nakikipamayan sa lupa: huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik na tinatamo sa iyong mga kahatulan sa lahat ng panahon.
21 Iyong sinaway ang mga palalong sinumpa, na nagsisihiwalay sa iyong mga utos.
22 Alisin mo sa akin ang kadustaan at kakutyaan; sapagka't iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Mga pangulo naman ay nagsiupo, at naguusap ng laban sa akin; nguni't ang lingkod mo'y nagbulay sa iyong mga palatuntunan.
24 Ang mga patotoo mo naman ay aking mga kaluguran at aking mga tagapayo.
4 At si Moises ay sumagot at nagsabi, Datapuwa't, narito, hindi nila paniniwalaan ako, ni didinggin ang aking tinig sapagka't kanilang sasabihin, Ang Panginoon ay hindi napakita sa iyo.
2 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Ano iyang nasa iyong kamay? At kaniyang sinabi, Isang tungkod.
3 At kaniyang sinabi, Ihagis mo sa lupa. At kaniyang inihagis sa lupa, at naging isang ahas; at si Moises ay tumakas sa harap ng ahas.
4 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay, at sunggaban mo sa buntot: (at kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kaniyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kaniyang kamay).
5 Upang sila'y maniwala, na ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob ay napakita sa iyo.
6 At sinabi pa sa kaniya ng Panginoon, Ipasok mo ang iyong kamay, sa iyong sinapupunan. At kaniyang ipinasok ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan: at nang kaniyang ilabas, ay narito, ang kaniyang kamay ay may ketong, na maputing parang niebe.
7 At kaniyang sinabi, Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong sinapupunan. (At kaniyang ipinasok uli ang kamay niya sa kaniyang sinapupunan, at nang kaniyang ilabas sa kaniyang sinapupunan, ay narito, nagsauling gaya ng kaniyang dating laman).
8 At mangyayari, na kung sila'y hindi maniniwala sa iyo, ni makikinig sa tinig ng unang tanda, ay kanilang paniniwalaan ang tinig ng huling tanda.
9 At mangyayari na kung sila'y hindi maniniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makikinig sa iyong tinig, ay kukuha ka ng tubig sa ilog, at iyong ibubuhos sa tuyong lupa, at ang tubig na iyong kukunin sa ilog ay magiging dugo sa tuyong lupa.
10 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Oh Panginoon, ako'y hindi marikit mangusap, kahit ng panahong nakaraan, kahit mula ng magsalita ka sa iyong lingkod: sapagka't ako'y kimi sa pangungusap at umid sa dila.
11 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Sinong gumawa ng bibig ng tao? o sinong gumawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?
12 Ngayon nga'y yumaon ka, at ako'y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain.
13 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, magsugo ka, isinasamo ko sa iyo, sa pamamagitan ng kamay niyaong iyong susuguin.
14 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Moises, at kaniyang sinabi, Wala ba si Aarong kapatid mo na Levita? Nalalaman kong siya'y makapagsasalitang mabuti. At saka, narito, siya'y lumalabas upang salubungin ka; at pagkakita niya sa iyo, ay matutuwa sa kaniyang puso.
15 At ikaw ay magsasalita sa kaniya, at iyong isasabibig niya ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakaniyang bibig, at aking ituturo sa inyo, kung ano ang inyong gagawin.
16 At siya ang makikipagusap sa lagay mo sa bayan: at mangyayari na siya'y magiging sa iyo'y bibig, at ikaw ay magiging sa kaniya'y parang Dios.
17 At tatangnan mo sa iyong kamay ang tungkod na ito, na iyong ipaggagawa ng mga tanda.
2 Kaya't sa paghihiwalay ng lahat na kasamaan, at lahat ng pagdaraya, at pagpapaimbabaw, at mga pananaghili, at ng lahat ng panglalait,
2 Gaya ng mga sanggol na bagong panganak ay nasain ninyo ang gatas na walang daya na ukol sa espiritu, upang sa pamamagitan nito'y magsilago kayo sa ikaliligtas;
3 Kung inyong napagkilala na ang Panginoon ay mapagbiyaya:
4 Na kayo'y magsilapit sa kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohana'y itinakuwil ng mga tao, datapuwa't sa Dios ay hirang, mahalaga,
5 Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.
6 Sapagka't ito ang nilalaman ng kasulatan, Narito, aking inilalagay sa Sion ang isang batong panulok na pangulo, hirang mahalaga: At ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.
7 Sa inyo ngang nangananampalataya, siya'y mahalaga: datapuwa't sa hindi nangananampalataya, Ang batong itinakuwil ng nagsisipagtayo ng bahay Siyang naging pangulo sa panulok;
8 At, Batong katitisuran, at bato na pangbuwal; Sapagka't sila ay natitisod sa salita, palibhasa'y mga suwail: na dito rin naman sila itinalaga,
9 Datapuwa't kayo'y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan:
10 Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa't ngayo'y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa't ngayo'y nagsipagkamit ng awa.
Public Domain