Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Amos 5:6-7

Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mangabubuhay; baka siya'y sumigalbong parang apoy sa sangbahayan ni Jose, at supukin yaon, at sa Beth-el ay walang makapapatay niyaon:

Kayong nagpapaging ajenjo sa kahatulan, at nagwawaksi ng katuwiran sa lupa.

Amos 5:10-15

10 Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuang-bayan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng matuwid.

11 Palibhasa nga't inyong niyayapakan ang dukha, at inyong hinihingan siya ng trigo: kayo'y nangagtayo ng mga bahay na batong tinabas, nguni't hindi ninyo tatahanan; kayo'y nangagtanim ng mga maligayang ubasan, nguni't hindi kayo magsisiinom ng alak niyaon.

12 Sapagka't talastas ko kung gaano karami ang inyong mga pagsalangsang, at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan: kayong nagsisidalamhati sa ganap, na kinukunan ninyo ng suhol, at inyong inililigaw sa kanilang matuwid ang mapagkailangan sa pintuang-bayan.

13 Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong yaon; sapagka't masamang panahon.

14 Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag kasamaan, upang kayo'y mangabuhay; at sa gayo'y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay sasa inyo, gaya ng inyong sinasabi.

15 Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo'y mangagtatatag ng kahatulan sa pintuang-bayan: marahil ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay magiging mapagbiyaya sa nalabi sa Jose.

Awit 90:12-17

12 Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan, upang kami ay mangagtamo sa amin ng pusong may karunungan.

13 Manumbalik ka, Oh Panginoon; hanggang kailan pa? At iyong papagsisihin ang tungkol sa mga lingkod mo.

14 Oh busugin mo kami sa kinaumagahan ng iyong kagandahang-loob; upang kami ay mangagalak at mangatuwa sa lahat ng kaarawan namin.

15 Pasayahin mo kami ayon sa mga kaarawan na iyong idinalamhati sa amin, at sa mga taon na aming ikinakita ng kasamaan.

16 Mahayag nawa ang iyong gawa sa iyong mga lingkod, at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.

17 At sumaamin nawa ang kagandahan ng Panginoong aming Dios: at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay; Oo, ang gawa ng aming mga kamay ay itatag mo.

Mga Hebreo 4:12-16

12 Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.

13 At walang anomang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin: nguni't ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.

14 Yaman ngang tayo'y mayroong isang lubhang dakilang saserdote, na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Dios, ay ingatan nating matibay ang ating pagkakilala.

15 Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan.

16 Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo'y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.

Marcos 10:17-31

17 At nang siya'y umalis na lumalakad sa daan, ay may isang tumakbong lumapit sa kaniya, at lumuhod sa harap niya, at siya'y tinanong, Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako'y magmana ng buhay na walang hanggan?

18 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit tinatawag mo akong mabuti? walang mabuti kundi isa lamang, ang Dios.

19 Nalalaman mo ang mga utos, Huwag kang pumatay, Huwag kang mangalunya, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Huwag kang magdaya, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.

20 At sinabi niya sa kaniya, Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking ginanap mula sa aking kabataan.

21 At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya, at sinabi sa kaniya, Isang bagay ang kulang sa iyo: yumaon ka, ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ibigay mo sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.

22 Datapuwa't siya'y nahapis sa sabing ito, at siya'y yumaong namamanglaw: sapagka't siya'y isang may maraming mga pag-aari.

23 At lumingap si Jesus sa palibotlibot, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan!

24 At nangagtaka ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Datapuwa't si Jesus ay muling sumagot at nagsabi sa kanila, Mga anak, kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga magsisiasa sa mga kayamanan!

25 Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.

26 At sila'y nangagtatakang lubha, na sinasabi sa kaniya, Sino nga kaya ang makaliligtas?

27 Pagtingin ni Jesus sa kanila'y nagsabi, Hindi maaari ito sa mga tao, datapuwa't hindi gayon sa Dios: sapagka't ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa Dios.

28 Si Pedro ay nagpasimulang magsabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo.

29 Sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga lupa, dahil sa akin, at dahil sa evangelio,

30 Na hindi siya tatanggap ng tigisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, at mga ina, at mga anak, at mga lupa, kalakip ng mga paguusig; at sa sanglibutang darating ay ng walang hanggang buhay.

31 Datapuwa't maraming nangauuna ay mangahuhuli; at nangahuhuli na mangauuna.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain