Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 30

30 Dadakilain kita, Oh Panginoon; sapagka't itinindig mo ako, at hindi mo pinagalak sa akin ang aking mga kaaway.

Oh Panginoon kong Dios, dumaing ako sa iyo, at ako'y pinagaling mo.

Oh Panginoon, iyong isinampa ang aking kaluluwa mula sa Sheol: iyong iningatan akong buhay, upang huwag akong bumaba sa hukay.

Magsiawit kayo ng pagpuri sa Panginoon, Oh kayong mga banal niya, at mangagpasalamat kayo sa kaniyang banal na pangalan.

Sapagka't ang kaniyang galit ay sangdali lamang; ang kaniyang paglingap ay habang buhay: pagiyak ay magtatagal ng magdamag, nguni't kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.

Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking kaginhawahan: hindi ako makikilos kailan man.

Ikaw, Panginoon, sa iyong paglingap ay pinatayo mong matibay ang aking bundok: iyong ikinubli ang iyong mukha; ako'y nabagabag.

Ako'y dumaing sa iyo, Oh Panginoon; at sa Panginoon ay gumawa ako ng pamanhik:

Anong pakinabang magkakaroon sa aking dugo, pagka ako'y mababa sa hukay? Pupuri ba sa iyo ang alabok? magsasaysay ba ito ng iyong katotohanan?

10 Iyong dinggin, Oh Panginoon, at maawa ka sa akin: Panginoon, maging saklolo nawa kita.

11 Iyong pinapaging sayaw sa akin ang aking tangis; iyong kinalag ang aking kayong magaspang, at binigkisan mo ako ng kasayahan:

12 Upang ang pagluwalhati ko ay umawit na pagpupuri sa iyo at huwag maging tahimik: Oh Panginoon kong Dios, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man.

Panaghoy 2:1-12

Ano't tinakpan ng Panginoon ang anak na babae ng Sion ng alapaap sa kaniyang galit! Kaniyang inihagis mula sa langit hanggang sa lupa ang kagandahan ng Israel, at hindi inalaala ang kaniyang tungtungan ng paa sa kaarawan ng kaniyang galit.

Nilamon ng Panginoon ang lahat na tahanan ng Jacob, at siya'y hindi naawa: Kanyang ibinagsak sa kaniyang poot ang mga katibayan ng anak na babae ng Juda; kaniyang inilugmok ang mga yaon sa lupa: kaniyang ipinahamak ang kaharian at ang mga prinsipe niyaon.

Kaniyang inihiwalay sa pamamagitan ng mabangis na galit ang buong sungay ng Israel; kaniyang iniurong ang kaniyang kanang kamay sa harap ng kaaway: at kaniyang sinilaban ang Jacob na parang maalab na apoy, na namumugnaw sa palibot.

Kaniyang iniakma ang kaniyang busog na parang kaaway, kaniyang iniyamba ang kaniyang kanan na parang kalaban, at pinatay ang lahat na maligaya sa mata: sa tolda ng anak na babae ng Sion ay kaniyang ibinuhos ang kaniyang kapusukan na parang apoy.

Ang Panginoon ay naging parang kaaway, kaniyang nilamon ang Israel; kaniyang nilamon ang lahat niyang palacio, kaniyang iginiba ang kaniyang mga katibayan; at kaniyang pinarami sa anak na babae ng Juda ang panangis at panaghoy.

At kaniyang inalis na may karahasan ang tabernakulo niya na gaya ng nasa halamanan; kaniyang sinira ang kaniyang mga dako ng kapulungan: ipinalimot ng Panginoon ang takdang kapulungan at sabbath sa Sion, at hinamak sa pagiinit ng kaniyang galit ang hari at ang saserdote.

Iniwasak ng Panginoon ang kaniyang dambana, kaniyang kinayamutan ang kaniyang santuario; kaniyang ibinigay sa kamay ng kaaway ang mga pader ng kaniyang mga palacio: sila'y nangagingay sa bahay ng Panginoon, na parang kaarawan ng takdang kapulungan.

Ipinasiya ng Panginoon na gibain ang kuta ng anak na babae ng Sion; kaniyang iniladlad ang lubid, hindi niya iniurong ang kaniyang kamay sa paggiba: at kaniyang pinapanaghoy ang moog at ang kuta; nanganglulupaypay kapuwa.

Ang kaniyang mga pintuang-bayan ay nangabaon sa lupa; kaniyang giniba at nasira ang kaniyang mga halang: ang kaniyang hari at ang kaniyang mga prinsipe ay nangasa gitna ng mga bansa na hindi kinaroroonan ng kautusan; Oo, ang kaniyang mga propeta ay hindi nangakakasumpong ng pangitaing mula sa Panginoon.

10 Ang mga matanda ng anak na babae ng Sion ay nangauupo sa lupa, sila'y nagsisitahimik; sila'y nangagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo; sila'y nangagbigkis ng kayong magaspang: itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem ang kanilang mga ulo sa lupa.

11 Pinangangalumata ng mga luha ang aking mga mata, namamanglaw ang aking puso, ako'y lubhang nahahapis, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan, dahil sa ang mga bata at ang mga pasusuhin ay nanganglulupaypay sa mga lansangan ng bayan.

12 Kanilang sinasabi sa kanilang mga ina, saan nandoon ang trigo at alak? Pagka sila'y nanganglulupaypay na parang sugatan sa mga lansangan sa bayan, pagka ang kanilang kaluluwa ay nanglulupaypay sa kandungan ng kanilang mga ina.

2 Corinto 8:1-7

Bukod dito, mga kapatid, ay ipinatatalastas namin sa inyo ang biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa mga iglesia ng Macedonia;

Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob.

Sapagka't ayon sa kanilang kaya, ay nagpapatotoo ako at higit pa sa kanilang kaya, ay nagsiabuloy sila sa sariling kalooban,

Na lubhang ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito at sa pakikisama sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal:

At ito, ay hindi ayon sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Dios.

Ano pa't namanhik kami kay Tito, na yamang siya'y nagpasimula nang una, ay siya na rin ang gumanap sa inyo ng biyayang ito.

Datapuwa't yamang kayo'y nagsisisagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, at pananalita, at kaalaman, at sa buong kasipagan, at sa inyong pagibig sa amin ay magsisagana naman kayo sa biyayang ito.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain