Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 65

65 Ang kapurihan ay naghihintay sa iyo, Oh Dios, sa Sion: at sa iyo'y maisasagawa ang panata.

Oh ikaw na dumidinig ng dalangin, sa iyo'y paroroon ang lahat ng laman.

Mga kasamaan ay nangananaig laban sa akin: tungkol sa aming pagsalangsang, ay lilinisin mo.

Mapalad ang tao na iyong pinipili, at pinalalapit mo sa iyo, upang siya'y makatahan sa iyong mga looban: kami ay mangasisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay, ng iyong banal na templo.

Sasagutin mo kami sa katuwiran sa pamamagitan ng mga kakilakilabot na bagay, Oh Dios ng aming kaligtasan; ikaw na katiwalaan ng lahat na wakas ng lupa, at nila na malayo sa dagat:

Na naglalagay na matibay ng mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kalakasan; palibhasa't nabibigkisan sa palibot ng kapangyarihan:

Na nagpapatigil ng hugong ng mga dagat, ng hugong ng kanilang mga alon, at ng kaingay ng mga bayan.

Sila naman na nagsisitahan sa mga pinakadulong bahagi ay nangatatakot sa iyong mga tanda: ikaw ang nagbibigay galak sa pagbubukang liwayway at pagtatakip-silim.

Iyong dinadalaw ang lupa, at dinidilig mo, iyong pinayayamang mainam; ang ilog ng Dios ay puno ng tubig: iyong pinagtataanan sila ng trigo, pagka't inihanda mo ang lupa.

10 Iyong dinidilig ang kaniyang bungkal ng sagana; iyong pinapantay ang kaniyang mga bungkal; iyong mga pinalalambot ng ambon; iyong pinagpapala ang pagsibol niyaon.

11 Iyong dinudulutan ang taon ng iyong kabutihan; at ang iyong mga landas ay pumapatak ng katabaan.

12 Nagsisipatak sa mga pastulan sa ilang; at ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan.

13 Ang mga pastulan ay nangabihisan ng mga kawan; ang mga libis naman ay nangatatakpan ng trigo; sila'y magsisihiyaw sa kagalakan, sila naman ay nagsisiawit.

Josue 10:1-14

10 Nangyari nga, nang mabalitaan ni Adoni-sedec na hari sa Jerusalem na kung paanong nasakop ni Josue ang Hari at nagibang lubos (na kung paanong kaniyang ginawa sa Jerico at sa hari niyaon, gayon ang kaniyang ginawa sa Hai at sa hari niyaon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga taga Gabaon, at nangasa gitna nila;

Ay natakot silang mainam, sapagka't ang Gabaon ay malaking bayan na gaya ng isa sa mga bayan ng hari, at sapagka't lalong malaki kay sa Hai, at ang lahat na lalake roon ay mga makapangyarihan.

Kaya't si Adoni-sedec na hari sa Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari sa Hebron, at kay Phiream na hari sa Jarmuth, at kay Japhia, na hari sa Lachis, at kay Debir na hari sa Eglon na ipinasasabi,

Sampahin ninyo ako at inyong tulungan ako, at saktan natin ang Gabaon: sapagka't nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel.

Kaya't ang limang hari ng mga Amorrheo, ang hari sa Jerusalem, ang hari sa Hebron, ang hari sa Jarmuth, ang hari sa Lachis, ang hari sa Eglon, ay nagpipisan at sumampa, sila at ang lahat nilang hukbo, at humantong laban sa Gabaon, at nakipagdigma laban doon.

At ang mga tao sa Gabaon ay nagsugo kay Josue sa kampamento sa Gilgal, na sinasabi, Huwag mong papanlambutin ang iyong kamay sa iyong mga lingkod; sampahin mo kaming madali, at iligtas mo kami, at tulungan mo kami: sapagka't ang lahat ng mga hari ng mga Amorrheo na nangananahan sa lupaing maburol ay nagpipisan laban sa amin.

Sa gayo'y sumampa si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pangdigma na kasama niya, at ang lahat ng mga makapangyarihang lalake na matatapang.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, Huwag mo silang katakutan: sapagka't aking ibinigay sila sa iyong mga kamay; walang lalake roon sa kanila na tatayo sa harap mo.

Si Josue nga ay naparoong bigla sa kanila; siya'y sumampa mula sa Gilgal buong gabi.

10 At nilito sila ng Panginoon sa harap ng Israel, at kaniyang pinatay sila ng malaking pagpatay sa Gabaon, at hinabol niya sila sa daan na sampahan sa Beth-horon, at sinaktan niya sila hanggang sa Azeca, at sa Maceda.

11 At nangyari, na habang tumatakas sa harap ng Israel samantalang sila'y nasa babaan sa Beth-horon, na binagsakan sila ng Panginoon sa Azeca ng mga malaking bato na mula sa langit, at sila'y namatay: sila'y higit na namatayan sa pamamagitan ng mga batong granizo kay sa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.

12 Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa Panginoon nang araw na ibinigay ng Panginoon ang mga Amorrheo sa harap ng mga anak ni Israel; at kaniyang sinabi sa paningin ng Israel, Araw, tumigil ka sa Gabaon; At ikaw, Buwan, sa libis ng Ajalon.

13 At ang araw ay tumigil, at ang buwan ay huminto, Hanggang sa ang bansa ay nakapanghiganti sa kaniyang mga kaaway. Hindi ba ito nakasulat sa aklat ni Jasher? At ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.

14 At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyaon bago nangyari yaon o pagkatapos niyaon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng tao: sapagka't ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.

Marcos 6:45-52

45 At pagdaka'y pinalulan niya sa daong ang kaniyang mga alagad, at pinauna sa kaniya sa kabilang ibayo, sa Betsaida, samantalang pinayayaon niya ang karamihan.

46 At pagkatapos na mapagpaalam niya sila, ay naparoon siya sa bundok upang manalangin.

47 At nang dumating ang gabi, ang daong ay nasa gitna ng dagat, at siya'y nagiisa sa lupa.

48 At pagkakita sa kanila na totoong nangalulumbay sa paggaod, sapagka't sinasalunga sila ng hangin, at malapit na ang ikaapat na pagpupuyat sa gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat; at ibig silang lagpasan:

49 Datapuwa't sila, nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay inakala nilang siya'y isang multo, at nangagsisigaw;

50 Sapagka't nakita siya nilang lahat, at nangagulumihanan. Datapuwa't pagdaka'y nagsalita siya sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Laksan ninyo ang inyong loob: ako nga; huwag kayong mangatakot.

51 At pinanhik niya sila sa daong; at humimpil ang hangin: at sila'y nanganggilalas ng di kawasa sa kanilang sarili;

52 Palibhasa'y hindi pa nila natatalastas yaong tungkol sa mga tinapay, dahil sa ang kanilang puso'y pinatigas.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain