Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 63

Awit(A) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
    nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
    gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
    na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
    pupurihin ka ng aking mga labi.
Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
    itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.

Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
    at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
kapag naaalala kita sa aking higaan,
    ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
sapagkat naging katulong kita,
    at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
    inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.

Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
    ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
    sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
    lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
    sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.

Joel 3:9-21

Ipahayag ninyo ito sa mga bansa:
Maghanda kayo ng pakikidigma,
    pasiglahin ninyo ang malalakas na lalaki.
Magsilapit ang lahat ng lalaking mandirigma,
    sila'y magsiahon.
10 Gawin(A) ninyong mga tabak ang inyong mga sudsod,
    at mga sibat ang inyong mga karit;
    hayaang sabihin ng mahina, “Ako'y malakas.”

11 Magmadali kayo, at magsiparito
    kayong lahat ng bansa sa palibot,
    magtipun-tipon kayo roon.
Ibaba mo ang iyong mga malalakas, O Panginoon.
12 Pasiglahin ng mga bansa ang kanilang sarili,
    at sila'y umahon sa libis ni Jehoshafat;
sapagkat doo'y uupo ako upang hatulan
    ang lahat ng bansa sa palibot.

13 Gamitin(B) ninyo ang karit,
    sapagkat ang aanihin ay hinog na.
Pumasok kayo, at inyong yapakan,
    sapagkat ang pisaan ng alak ay puno.
Ang imbakan ng alak ay inaapawan,
    sapagkat ang kanilang kasamaan ay napakalaki.

14 Napakarami, napakarami,
    ang nasa libis ng pagpapasiya!
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na
    sa libis ng pagpapasiya.
15 Ang araw at ang buwan ay nagdidilim,
    at pinipigil ng mga bituin ang kanilang pagningning.

Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan

16 At(C) ang Panginoon ay sumisigaw mula sa Zion,
    at binibigkas ang kanyang tinig mula sa Jerusalem;
    at ang langit at ang lupa ay nayayanig.
Ngunit ang Panginoon ay kanlungan sa kanyang bayan,
    at muog sa mga anak ni Israel.

17 “At inyong malalaman na ako ang Panginoon ninyong Diyos,
    na naninirahan sa Zion, na aking banal na bundok.
Kung magkagayo'y magiging banal ang Jerusalem,
    at hindi na ito daraanan ng mga dayuhan.

18 “At sa araw na iyon,
ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak,
    at ang mga burol ay dadaluyan ng gatas,
at ang lahat ng batis ng Juda ay dadaluyan ng tubig;
at isang bukal ay lalabas mula sa bahay ng Panginoon,
    at didiligin ang libis ng Shittim.

19 “Ang Ehipto ay masisira,
    at ang Edom ay magiging ilang na sira,
dahil sa karahasang ginawa sa mga anak ni Juda,
    sapagkat sila'y nagpadanak ng dugong walang sala sa kanilang lupain.
20 Ngunit ang Juda'y tatahanan magpakailanman,
    at ang Jerusalem sa lahat ng salinlahi.
21 Ipaghihiganti ko ang kanilang dugo
    at hindi ko pawawalang-sala ang nagkasala,
    sapagkat ang Panginoon ay naninirahan sa Zion.”

Mateo 24:29-35

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(A)

29 “At(B) pagkatapos ng paghihirap sa mga panahong iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit, at yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.

30 Pagkatapos(C) ay lilitaw ang tanda ng Anak ng Tao sa langit, at tatangis ang lahat ng mga lipi sa lupa, at makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

31 Isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(D)

32 “Kaya, pag-aralan ninyo mula sa puno ng igos ang kanyang talinghaga: kapag malambot na ang sanga nito at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw.

33 Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alam ninyong siya'y[a] malapit na, nasa mga pintuan na.

34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.

35 Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001