Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 5

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.

Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
    pakinggan mo ang aking panaghoy.
Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
    hari ko at Diyos ko;
    sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
    sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.

Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
    ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
    kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
    kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
    ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
    dahil sa aking mga kaaway;
    tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.

Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
    ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
    sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
    sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
    sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.

11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
    hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
    upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
    na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.

Mga Kawikaan 16:21-33

21 Ang pantas sa puso ay tinatawag na taong may pang-unawa,
    at nagdaragdag ng panghikayat ang kaaya-ayang pananalita.
22 Ang karunungan ay bukal ng buhay sa taong ito'y taglay,
    ngunit kahangalan ang parusa sa mga hangal.
23 Ang isipan ng matalino ay nagbibigay-bisa sa kanyang pananalita,
    at sa kanyang mga labi ay nagdaragdag ng panghikayat.
24 Ang kaaya-ayang mga salita ay parang pulot-pukyutan,
    katamisan sa kaluluwa at sa katawan ay kalusugan.
25 Mayroong(A) daan na tila matuwid sa isang tao,
    ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.
26 Ang gana sa pagkain ng manggagawa ay nakabubuti sa kanya,
    siya'y inuudyukan ng bibig niya.
27 Ang walang kabuluhang tao ay nagbabalak ng masama,
    parang nakakapasong apoy ang kanyang pananalita.
28 Ang mandarayang tao ay nagkakalat ng kaguluhan,
    at ang mapagbulong ay naghihiwalay sa matatalik na magkaibigan.
29 Inaakit ng taong marahas ang kanyang kapwa,
    at kanyang inaakay siya sa daang masama.
30 Siyang kumikindat ng mga mata ay nagbabalak ng masasamang bagay,
    siyang kumakagat-labi ay siyang nagpapatupad ng kasamaan.
31 Ang ulong ubanin ay korona ng kaluwalhatian,
    iyon ay nakakamtan sa daan ng katuwiran.
32 Ang makupad sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa makapangyarihan,
    at ang namamahala sa kanyang diwa, kaysa sumasakop sa isang bayan.
33 Ang pagsasapalaran ay hinahagis sa kandungan,
    ngunit mula sa Panginoon ang buong kapasiyahan.

Mateo 15:1-9

Mga Minanang Turo(A)

15 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila,

“Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.”

Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?

Sapagkat(B) sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay.’

Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.’ Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.

Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita[a] ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.

Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya,

‘Iginagalang(C) ako ng bayang ito sa kanilang mga labi,
    ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
    na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001