Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 52

Ang Paghatol at Habag ng Dios

52 Ikaw, taong mapagmataas,
    bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
    Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
    kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
    at lagi kang nagsisinungaling.
Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
    at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
    Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
    bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
“Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
    Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
    at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”

Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
    na yumayabong sa loob ng inyong templo.
    Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
    At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.

Job 28:12-28

12 “Pero saan nga ba matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 13 Hindi alam ng tao kung saan ito matatagpuan. Hindi ito matatagpuan dito sa lupa. 14 Hindi rin ito matatagpuan sa ilalim ng dagat. 15 Hindi rin ito nabibili ng purong ginto o pilak. 16 Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto o ng alin mang mamahaling bato gaya ng onix o safiro. 17 Higit pa ito sa ginto o kristal. Hindi ito maipagpapalit sa gintong alahas. 18 Ang halaga nitoʼy higit pa sa koral, jasper, o rubi. 19 Hindi ito mapapantayan ng mamahaling batong topaz na mula sa Etiopia[a] at hindi rin mababayaran ng purong ginto.

20 “Kaya saan matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 21 Walang nilalang na makakakita nito kahit na ang mga ibon. 22 Kahit na ang lugar ng kapahamakan na siyang lugar ng mga patay, sabi-sabi lang ang kanilang nalaman tungkol dito. 23 Dios lang ang nakakaalam kung saan matatagpuan ang karunungan. 24 Sapagkat nakikita niya kahit ang pinakamalayong bahagi ng mundo at ang lahat ng nasa ilalim ng langit. 25 Noong pinalakas niya ang hangin, at sinukat kung gaano karaming ulan ang dapat bumuhos, 26 itinakda na niya kung saan ito papatak, at kung saan tatama ang kulog at kidlat. 27 Sa ganito niya ipinakita ang karunungan at kahalagahan ng mga ito. Nasubukan na niya ito at napatunayan. 28 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, ‘Ang pagkatakot sa Panginoon at ang paglayo sa kasamaan ay siyang karunungan at pagkaunawa.’ ”

Mateo 7:13-20

Ang Makipot na Pintuan(A)

13 “Pumasok kayo sa makipot na pintuan, dahil maluwang ang pintuan at malapad ang daan patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon. 14 Ngunit makipot ang pintuan at mahirap ang daan patungo sa buhay na walang hanggan, at kakaunti lang ang dumadaan dito.”

Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(B)

15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang mga maamong tupa, pero ang totoo, tulad sila ng mga gutom na lobo. 16 Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa. Ang matitinik na halaman ay hindi namumunga ng ubas o igos. 17 Ang mabuting puno ay namumunga ng mabuting bunga, at ang masamang puno ay namumunga ng masama. 18 Ang mabuting puno ay hindi namumunga ng masama, at ang masamang puno ay hindi namumunga ng mabuti. 19 Ang lahat ng punong hindi namumunga ng mabuti ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 20 Kaya nga, makikilala ninyo ang mga huwad na propeta sa kanilang mga gawa.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®