Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 52

Ang Hatol at Habag ng Diyos

Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.

52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.

Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
“Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”

Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.

Josue 24:1-2

Nagsalita si Josue sa mga Tao sa Shekem

24 Tinipon ni Josue sa Shekem ang lahat ng lipi ng Israel. Pinapunta niya roon ang matatandang namumuno, mga tagapangasiwa, ang mga hukom at ang mga opisyal ng Israel, at sila'y humarap sa Diyos. Sinabi(A) niya, “Ito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Noong una, ang inyong mga ninuno ay nanirahan sa kabila ng Ilog Eufrates. Isa sa mga ito si Terah na ama ni Abraham at ni Nahor. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan.

Josue 24:11-28

11 Tumawid(A) kayo ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nilabanan kayo ng mga taga-Jerico at ng mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Hivita, at Jebuseo. Ngunit sila'y ibinigay ko sa inyong kapangyarihan. 12 Parang(B) hinabol ng mga putakti na nagtakbuhan ang dalawang haring Amoreo at pinalayas ko sila bago kayo dumating. Walang kinalaman sa pangyayaring iyon ang inyong mga tabak at pana. 13 Binigyan(C) ko kayo ng lupaing hindi ninyo binungkal. Pinatira ko kayo sa mga lunsod na hindi kayo ang nagtayo. Kumakain kayo ngayon ng ubas at olibo na galing sa mga punong hindi kayo ang nagtanim.’

14 “Kaya ngayon, sambahin ninyo si Yahweh at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't katapatan. Alisin ninyo ang mga diyus-diyosang dating sinasamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia at sa Egipto. Si Yahweh lamang ang inyong paglingkuran. 15 At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran: ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o ang mga diyos ng mga Amoreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinitirhan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, kay Yahweh kami maglilingkod.”

16 Sumagot ang bayan, “Hindi namin magagawang talikuran si Yahweh at maglingkod sa ibang diyos! 17 Si Yahweh, na ating Diyos, ang siyang humango sa atin sa pagkaalipin sa Egipto. Nasaksihan din namin ang mga kababalaghang ginawa niya upang tayo'y maingatan saanman tayo makarating at mailigtas sa mga kaaway sa mga bansang ating dinaanan. 18 Pagdating natin, pinalayas ni Yahweh sa lupaing ito ang mga Amoreong nanirahan dito. Kaya't kay Yahweh rin kami maglilingkod sapagkat siya ang aming Diyos.”

19 Ngunit sinabi ni Josue sa taong-bayan, “Hindi ninyo kayang maglingkod kay Yahweh sapagkat siya'y isang Diyos na banal at siya'y mapanibughuing Diyos. Hindi niya palalampasin ang inyong mga pagsuway at pagkakasala. 20 Kapag tinalikuran ninyo siya at naglingkod kayo sa mga diyos ng ibang bansa, kapopootan niya kayo at paparusahan. Hindi niya panghihinayangang lipulin kayo sa kabila ng kanyang mga kabutihan sa inyo.”

21 Sumagot ang taong-bayan kay Josue, “Hindi po mangyayari iyan! Kay Yahweh kami maglilingkod.”

22 Sinabi ni Josue, “Kayo na rin ang mga saksi na pinili ninyong paglingkuran si Yahweh.”

Sumagot naman sila, “Opo! Saksi kami.”

23 Sinabing muli ni Josue, “Kung gayon, itapon ninyo ang mga diyus-diyosang iniingatan pa ninyo. Manumpa kayo kay Yahweh, sa Diyos ng Israel.”

24 Sumagot muli ang mga tao, “Maglilingkod kami kay Yahweh na aming Diyos at susundin namin ang kanyang mga utos.”

25 Kaya, nang araw na iyon ay gumawa si Josue ng kasunduan para tuparin ng sambayanan. Binigyan niya sila sa Shekem ng mga batas at tuntunin. 26 Isinulat ni Josue ang mga batas na ito sa Aklat ng Kautusan ng Diyos. Kumuha siya ng isang malaking bato, itinayo sa lilim ng sagradong puno sa Banal na Lugar ni Yahweh. 27 At sinabi niya sa lahat, “Tingnan ninyo ang batong ito. Ito ang ating saksi. Narinig nito ang lahat ng sinabi sa atin ni Yahweh. Ito rin ang magiging saksi laban sa inyo, kapag kayo'y tumalikod sa Diyos.” 28 Pagkatapos, pinaalis na ni Josue ang mga tao, at umuwi sila sa kani-kanilang lupain.

Roma 3:9-22

Walang Sinumang Matuwid

Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti[a] kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad nga ng aming napatunayan na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, maging Judio o Hentil man. 10 Ayon(A) sa nasusulat,

“Walang matuwid, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa,
    walang naghahanap sa Diyos.
12 Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama.
    Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”
13 “Parang(B) bukás na libingan ang kanilang lalamunan;
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
    Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.”
14 “Punô(C) ng pagmumura at masasakit na salita ang kanilang bibig.”
15 “Wala silang atubili sa pagpatay ng kapwa.
16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,
17 hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.”
18 “Hindi(D) sila marunong matakot sa Diyos.”

19 Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. 20 Walang(E) taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala.

Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao

21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. 22 Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao,