Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 31:1-5

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
    huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
    iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
    matibay na kuta para sa aking kaligtasan.

Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
    ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
    laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
    ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.

Mga Awit 31:19-24

19 Kay sagana ng mabubuting bagay,
    na laan sa mga sa iyo'y gumagalang.
Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob,
    matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
20 Iniingatan mo sila at kinakalinga,
    laban sa balak ng taong masasama;
inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan,
    upang hindi laitin ng mga kaaway.

21 Purihin si Yahweh!
Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin,
    nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin!
22 Ako ay natakot, labis na nangamba,
    sa pag-aakalang ako'y itinakwil na.
Ngunit dininig mo ang aking dalangin,
    nang ang iyong tulong ay aking hingin.

23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan.
Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan,
    ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
    kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.

Amos 2:6-11

Ang Paghatol sa Israel

Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Israel,
    kaya sila'y paparusahan ko.
Dahil sa suhol, pinarusahan nila ang mga matutuwid,
    at ibinentang alipin sa halagang isang pares ng sandalyas ang mga taong hindi makabayad ng utang.
Niyuyurakan nila ang mga abâ;
    ipinagtutulakan nila ang mahihirap.
Nakikipagtalik ang mag-ama sa iisang babaing alipin,
    kaya't nalalapastangan ang aking banal na pangalan.
Ginagamit nilang higaan sa tabi ng alinmang altar
    ang balabal na sangla ng isang may utang.
Sa templo ng kanilang Diyos, sila'y nag-iinuman
    ng alak na binili sa salaping ninakaw sa mga dukha.
Nagawa(A) pa nila ito sa akin matapos kong lipulin ang mga Amoreo,
    na kasintangkad ng mga punong sedar at kasintigas ng punong ensina.
Pinuksa kong lahat ang mga ito alang-alang sa kanila.
10 Inilabas ko kayo mula sa Egipto,
    pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon,
    at ibinigay sa inyo ang lupain ng mga Amoreo.
11 Itinalaga(B) kong propeta ang ilan sa inyong mga anak;
    ginawa kong Nazareo ang iba ninyong kabataan.
    Mga taga-Israel, hindi ba totoo ang aking sinasabi?

Mateo 7:1-6

Paghatol sa Kapwa(A)

“Huwag kayong humatol, nang kayo'y di hatulan. Sapagkat(B) hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba. Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing mo,’ gayong troso ang nasa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakakita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.

“Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang banal na bagay, baka pagkatapos ay kayo pa ang balingan at sakmalin nila. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.”