Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 31:1-5

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
    huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
    iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
    matibay na kuta para sa aking kaligtasan.

Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
    ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
    laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
    ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.

Mga Awit 31:19-24

19 Kay sagana ng mabubuting bagay,
    na laan sa mga sa iyo'y gumagalang.
Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob,
    matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
20 Iniingatan mo sila at kinakalinga,
    laban sa balak ng taong masasama;
inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan,
    upang hindi laitin ng mga kaaway.

21 Purihin si Yahweh!
Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin,
    nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin!
22 Ako ay natakot, labis na nangamba,
    sa pag-aakalang ako'y itinakwil na.
Ngunit dininig mo ang aking dalangin,
    nang ang iyong tulong ay aking hingin.

23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan.
Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan,
    ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
    kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.

Exodo 24:1-8

Pinagtibay ang Kasunduan

24 Pagkatapos, sinabi naman ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito sa bundok. Isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpu sa mga pinuno ng Israel. Sumamba kayo sa lugar na malayo sa akin. Ikaw lamang ang makakalapit sa akin. Sabihin mo naman sa mga taong-bayan na huwag aakyat sa bundok.”

Lahat ng iniutos ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita. Ang mga ito nama'y sabay-sabay na sumagot, “Lahat ng iniuutos ni Yahweh ay susundin namin.” Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ni Yahweh. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamitin bilang handog sa pakikipagkasundo kay Yahweh. Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati'y ibinuhos niya sa altar. Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang sumagot ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh.”

Pagkatapos,(A) kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ni Yahweh sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”

Roma 2:17-29

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos. 18 Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at sumasang-ayon ka sa mabubuting bagay, sapagkat ito ang natutunan mo sa Kautusan. 19 Ang palagay mo'y taga-akay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, 20 tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan. 21 Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, bakit ka nagnanakaw? 22 Sinasabi mong huwag mangangalunya, bakit ka nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, bakit ninanakawan mo ang mga templo nila? 23 Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan! 24 Ayon nga sa nasusulat, “Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.”

25 Mahalaga lamang ang iyong pagiging tuli kung tumutupad ka sa Kautusan, subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tinuli. 26 Kung ang hindi tuli ay gumagawa batay sa panuntunan ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli? 27 Kaya, ikaw na Judiong nasa ilalim ng Kautusan ngunit hindi naman tumutupad nito, ay hahatulan ng mga tumutupad sa Kautusan bagaman hindi sila tinuli. 28 Sapagkat ang pagiging isang tunay na Judio ay hindi dahil sa panlabas na kaanyuan o dahil sa pagtutuli sa laman. 29 Ang(A) tunay na Judio ay ang taong nabago sa puso't kalooban ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang papuri sa taong iyon ay mula sa Diyos at hindi mula sa mga tao.