Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 25:1-9

Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan

Katha ni David.

25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
    sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
    at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
    at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
    at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
    sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
    sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
    na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
    ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!

Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
    itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
    sa kanyang kalooban kanyang inaakay.

Ezekiel 18:5-18

“Halimbawa na may isang taong masunurin sa Kautusan, tapat at lumalakad sa katuwiran. Hindi siya nakikisalo sa handog na inihain sa mga sagradong burol, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan ng Israel. Hindi siya nangangalunya ni sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. Hindi siya nandadaya ng kapwa o nagnanakaw. Ibinabalik niya agad sa may-ari ang sangla ng nangungutang sa kanya. Marunong siyang tumulong sa nangangailangan. Hindi siya nagpapatubo sa pagpapahiram ng pera. Siya ay makatarungan. Sinusunod(A) niya ang aking mga utos at mga tuntunin. Ang ganitong tao ay matuwid at mabubuhay siya.

10 “Sakaling magkaanak siya ng magnanakaw, mamamatay-tao at hindi sumunod sa alinman sa mga tuntuning ito, 11 bagkus ay nakikisalo sa mga handaan sa mga sagradong burol, sumisiping sa asawa ng iba, 12 nang-aapi ng mahihirap, nagnanakaw, hindi marunong magbayad ng utang, sumasamba sa diyus-diyosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, 13 at nagpapatubo. Palagay ba ninyo'y mabubuhay ang anak na ito? Hindi! Tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasuklam-suklam niyang gawain. Kung magkagayon, walang ibang dapat sisihin kundi siya.

14 “Halimbawa namang siya ay may anak. Nasaksihan ng anak na ito ang kasamaan ng kanyang ama, ngunit hindi niya ito pinarisan. 15 Hindi siya nakisalo sa mga handaan sa sagradong burol, hindi sumamba sa mga diyus-diyosan, hindi sumiping sa asawa ng iba. 16 Hindi rin siya gumawa ng masama kaninuman, hindi nanamsam ng sangla, at hindi nagnakaw. Siya ay matulungin sa nangangailangan, 17 lumalayo sa kasamaan, hindi nagpapatubo sa pautang, sumusunod sa aking Kautusan at lumalakad ayon sa aking mga tuntunin. Mabubuhay ang anak na iyon. Hindi siya mamamatay dahil sa kasamaan ng kanyang ama. 18 Ang kanyang ama ay mamamatay sapagkat nagnakaw at gumawa ng masama sa kanyang kapwa.

Mga Gawa 13:32-41

32 Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno 33 ay(A) tinupad niya sa atin na kanilang mga anak, sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus. Gaya ng nakasulat sa ikalawang Awit,

‘Ikaw ang aking Anak,
    sa araw na ito ako'y naging iyong Ama.’

34 Tungkol(B) naman sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkabulok ng kanyang katawan ay sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pagpapala
    gaya ng ipinangako ko kay David.’

35 At(C) sinabi rin niya sa iba pang bahagi,

‘Hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal.’

36 Nang maisagawa na ni David ang kalooban ng Diyos para sa kanyang kapanahunan, siya'y namatay at inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok. 37 Subalit ang muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok. 38 Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinangangaral sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39 At ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay pinalalaya na sa lahat ng pagkakasala na mula sa mga ito ay hindi kayo kayang palayain ng Kautusan ni Moises. 40 Kaya't mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,

41 ‘Tingnan(D) ninyo, kayong mga nangungutya!
    Manggilalas kayo at mamatay!
Sapagkat isasagawa ko sa inyong kapanahunan
    ang isang bagay na hindi ninyo paniniwalaan,
    kahit na may magpaliwanag pa nito sa inyo!’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.