Revised Common Lectionary (Complementary)
10 Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na niya pinarusahan ang mga ito tulad ng kanyang naunang sinabi.
Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Diyos
4 Ngunit dahil dito, nalungkot si Jonas at siya'y nagalit sapagkat hindi niya nagustuhan ang pagpapatawad ng Diyos sa Nineve. 2 Kaya't(A) siya'y nanalangin, “O Yahweh, hindi ba bago pa ako magpunta rito ay sinabi kong ganito nga ang gagawin ninyo? At ito ang dahilan kaya ako tumakas patungong Tarsis! Alam kong kayo ay Diyos na mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig. Alam kong lagi kayong handang magpatawad. 3 Mabuti(B) pang mamatay na lang ako, Yahweh. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mabuhay.”
4 Sumagot si Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Jonas?” 5 Pagkasabi nito, lumakad si Jonas papunta sa silangan ng lunsod at naupo. Gumawa siya ng isang silungan at doon hinintay kung ano ang mangyayari sa lunsod. 6 Pinatubo ng Diyos na si Yahweh sa may tabi ni Jonas ang isang malagong halaman na nagbibigay ng lilim sa kanya. Labis naman itong ikinagalak ni Jonas. 7 Ngunit kinabukasan, ang halaman ay ipinasira ng Diyos sa isang uod at ito'y natuyo. 8 Sumikat nang matindi ang araw at umihip ang nakakapasong hangin; halos mahilo si Jonas sa tindi ng init. Kaya sinabi niya, “Mabuti pang mamatay na ako.”
9 Sinabi sa kanya ng Diyos, “Dapat ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?”
Sumagot siya, “Opo, nagagalit po ako. Gusto ko nang mamatay.”
10 Sinabi ni Yahweh, “Tumubo ang halamang iyon, lumago sa loob ng magdamag, at namatay kinabukasan. Wala kang hirap diyan ngunit nalungkot ka nang iyan ay mamatay. 11 Ako pa kaya ang hindi malulungkot sa kalagayan ng Nineve? Ito'y isang malaking lunsod na tinitirhan ng mahigit na 120,000 taong hindi alam kung ano ang mabuti o ang masama, bukod pa sa maraming kawan!”
Awit ng Pagpupuri
Katha ni David.
145 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
2 aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
3 Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.
4 Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
5 Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
6 Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;
sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
7 Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran.
8 Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang. 22 Kung ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang sapagkat marami pa akong magagawang mabubuting bagay. Hindi ko ngayon malaman kung alin ang aking pipiliin. 23 May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti. 24 Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito. 25 Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. 26 Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo.
27 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay nang nararapat ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y naninindigan sa iisang diwa at sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y ililigtas ng Diyos. 29 Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo. 30 Ngayon,(A) kasama ko na kayo sa pakikipaglabang nakita ninyong ginawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon.
Ang Talinghaga tungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang kumuha ng manggagawa para sa kanyang ubasan. 2 Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak[a] sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. 3 Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ 5 At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. 6 Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?’ 7 ‘Wala po kasing magbigay sa amin ng trabaho,’ sagot nila. Kaya't sinabi niya, ‘Kung gayon, pumunta rin kayo sa aking ubasan.’
8 “Nang(A) gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.’ 9 Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. 11 Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga ito na huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?’ 13 Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't pumayag ka sa isang salaping pilak? 14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? 15 Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?’”
16 At(B) sinabi ni Jesus, “Ang nahúhulí ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.