Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 78:1-8

Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel

Isang Maskil[a] ni Asaf.

78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
    inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
    nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
    nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
    ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
    mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
    na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.

Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
    mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
    ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
    at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
    ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
    at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
    na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
    ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.

Mga Awit 78:17-29

17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
    sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18 Sadya(A) nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
    ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19 Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
    “Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20 Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
    dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
    ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”

21 Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,
    sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
22 Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,
    sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
    at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga(B) nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
    ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
    hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
    sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
    makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
    sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
    binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.

Deuteronomio 26:1-15

Ang mga Tuntunin tungkol sa Unang Bunga at Ikasampung Bahagi ng mga Ani

26 “Kapag nasakop na ninyo ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, at matiwasay na kayong naninirahan doon, kumuha(A) kayo ng unang bunga ng inyong mga pananim. Ilagay ninyo iyon sa isang basket at dalhin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh na kung saan ay sasambahin ang kanyang pangalan. Haharap kayo sa paring nakatalaga roon at inyong sasabihin, ‘Kinikilala ko ngayon sa harap ni Yahweh na ako'y nakarating na sa lupaing ipinangako niya sa aming mga ninuno.’

“Kukunin naman ng pari ang basket at ilalagay sa harap ng altar. Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh:

‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’

“Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh. 11 Dahil sa kabutihan niya sa inyo, kayong lahat ay magdiriwang, kasama ang buong sambahayan, ang mga Levita, at ang mga nakikipamayan sa inyo.

12 “Sa(B) ikatlong taon, ibubukod ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani upang ibigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila, at sa mga balo upang sila'y may makain. Kapag nagawa na ito, 13 sasabihin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos, ‘Naibukod ko na po ang bahaging nakalaan sa inyo, at naibigay ko na sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at balo, ayon sa utos ninyo sa akin. Hindi ko nilabag o kinaligtaan isa man sa inyong utos. 14 Hindi ko binawasan ang ikasampung bahagi kahit sa panahon ng kahirapan. Hindi ko ito inilabas sa aking bahay nang ako'y marumi. Hindi ko rin iniatang sa mga patay ang bahagi nito. Dininig ko ang inyong tinig, Yahweh, aking Diyos. Sinunod kong lahat ang iniutos ninyo sa amin. 15 Kaya nga, tingnan ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit at pagpalain ninyo ang bayang Israel pati na ang lupaing ibinigay ninyo sa amin ayon sa pangako ninyo sa aming mga ninuno, ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.’

Mga Gawa 2:37-47

37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”

38 Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. 39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”

40 Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.”

41 Kaya't ang mga naniwala sa ipinangaral niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. 42 Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin.

Ang Pamumuhay ng mga Sumasampalataya

43 Dahil sa maraming himala at kababalaghang ginagawa sa pamamagitan ng mga apostol [sa Jerusalem],[a] naghari sa lahat ang takot. 44 Nagsama-sama(A) ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring na para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. 46 Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, na masaya at may malinis na kalooban. 47 Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.